BINIGYANG-PUGAY ang mga natatanging miyembro ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa Gawad Lasalyano 2021, Marso 25. Isinasagawa ang seremonya taon-taon upang kilalanin ang mga Lasalyanong nangingibabaw ang galing at husay sa iba’t ibang larangan.
Pinasalamatan ni Br. Bernard S. Oca FSC, kasalukuyang presidente ng Pamantasan, sa kaniyang pambungad na pananalita ang mga pinarangalan dahil sa ipinakita nilang tiyaga, sipag, at pagiging Lasalyano sa kabila ng sitwasyong kinaharap nila. Wika niya, “Nawa’y ipagpatuloy niyo at ibahagi ang inyong kaalaman sa loob at labas ng DLSU para sa ikabubuti ng ating bayan.”
Katatagan ng isang Lasallian achiever
Binigyang-diin naman ni Rene Ledesma Jr., panauhing pandangal ng programa, ang kahalagahan ng pagsali sa iba’t ibang extra-curricular activity at paghangad sa tagumpay bilang mga Lasalyano. Pahayag niya, malaki ang papel na ginampanan ng mga natututuhan niya mula sa mga extra-curricular activity sa kaniyang buhay at naging karera.
Ibinahagi rin ni Ledesma na nagbukas para sa kaniya ang pinto ng oportunidad dahil patuloy siyang naghahangad na maging matagumpay sa trabaho. Saad niya, makatutulong sa mga Lasallian achiever ang kanilang pagnanais na magtagumpay sa kabila ng pandemya dahil hindi ito ang huling krisis na kanilang mararanasan.
Kaugnay nito, ipinabatid ni Ledesma na mahirap na proseso ang pagiging achiever dahil punong-puno ito ng pagsubok at kabiguan. Ngunit, iginiit niyang nakikita ang tunay na tagumpay sa pagiging matatag sa kabila ng mga nararanasang paghihirap. Dagdag pa niya, tinatawag itong madiskarte o maabilidad sa Pilipinas, at inilantad niyang maabilidad ang lahat ng Lasallian achiever na kaniyang nakilala.
Iminungkahi rin ni Ledesma sa pamayanang Lasalyano na suriin ang pagtutugma ng kanilang napiling karera sa kanilang buhay. Pagpapaalala niya, “We don’t achieve para lang sa sarili natin, we achieve for a greater purpose.”
Pagtampok sa mga Lasalyanong naglilingkod
Unang pinarangalan ang 158 Lasalyanong estudyante na masigasig na naglingkod bilang student volunteers sa Lasallian Outreach and Volunteer Effort at Red Cross Youth ng Center for Social Concern and Action (COSCA).
Kabilang din sa hanay na ito ang Student Lasallian Animators, Lasallian Youth Corps, at Catholic Religious Organization of Students mula sa Lasallian Pastoral Office (LPO). Ginawaran din ang Student Representatives ng Office for Counseling and Career Services; Student Managers at DLSU Sports ng Office of Sports Development (OSD).
Kabilang din sa mga pinarangalan ang mga estudyanteng naglingkod sa 247th NROTCU Corps of Cadet Officers ng NSTP and Formation Office (NFO); Paragons at Student Representatives ng Student Discipline Formation Office; Lasallian Ambassadors, Student Consultants, at Lasallian Ambassadors for Graduate Education mula sa Student Leadership, Involvement, Formation and Empowerment (SLIFE); at OCCS-Student Representatives at SDFO-Paragons sa ilalim ng College Student Affairs – Laguna.
Kinilala rin ang 73 Lasalyano na naging katuwang ng Pamantasan upang ipalaganap ang misyong sinimulan ni San Juan Bautista De La Salle. Nakapaloob dito ang mga Lasalyanong mahusay na nagserbisyo sa Service Learning Program, Partnership and Network Development Program, at Lasallian Sustainable Development Program ng COSCA; Formation and Engagement ng SLIFE; Reserve Officers’ Training Corps, Civic Welfare Training Service and Literacy Training Service, at Integrating Course on Personal Effectiveness ng NFO; at Lasallian Social Enterprise for Economic Development.
Bukod pa rito, ginawaran din ang mga piling mass lector at LASARE facilitator ng LPO, tennis coach ng OSD, at faculty adviser ng Student Media Office.
Parangal sa namumukod-tangi
Kinilala rin ang husay ng mga Lasalyano sa iba’t ibang larangan at ang kanilang pagkapanalo sa mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa. Pinarangalan sina Derique Casio, Sephi Liclican, Emmanuel Ponon, Candace Solomon, at Ritch Traballo para sa larangan ng gawaing pansibiko at pamumuno.
Sumunod na pinarangalan ang 11 estudyante sa larangan ng pakikipagtalastasan na sina Joseph Alunan, Shayne Alvarez, John Arbole, Jilliane Aycardo, Joshua Dita, Edgar Empeño, Ethan Limkakeng, Ethan Peñalba, Antonie Peralta, Charlotte Reyes, at Denise Tan.
Binigyang-parangal din sa programa ang mga natatanging estudyante sa larangan ng isports. Kasama sa mga kinilala sina Anicka Castañeda, Daphne Ching, Alisha Del Campo, Francis Guimalan, Rocelle Mendaño, Sarah Olendo, Patrick Perez, Mikee Regala, Samantha Revita, Jannah Romero, Zyka Santiago, at Tara-Allison Shelton. Pinarangalan naman si Angelica Teehankee sa larangan ng sining.
Paggawad ng espesyal na parangal
Pinangunahan nina Izel Guatno, pangunahing pinuno, at Juanito Alcazar, pangalawang pinuno, ang komite ng pagsasala para sa mga iginawad na parangal. Ibinahagi ni Guatno na nakapaloob sa mga palatuntunan ng pagsusuri ang pagsumite ng papeles ng mga nominado, pagbigay ng nominado ng ebalwasyon ng kanilang mga katrabaho at direktor, at pagsalang sa isang panel interbyu.
Ipinaalam din ang pamantayan para sa indibidwal na mga parangal. Kabilang sa mga naturang pamantayan ang husay sa pamumuno, kontribusyon sa komunidad, serbisyo ng nominado, at parangal na nakamit nila.
Iginawad ang Gawad Col. Jesus A. Villamor kay Gianne Marcus Obusan bilang namumukod-tanging pinunong mag-aaral sa serbisyong pangmilitar. Nakamit naman ni Kyla Benicka Feliciano ang Gawad Ariston J. Estrada, Sr. na ibinibigay sa namumukod-tanging pinunong mag-aaral sa midyang pangkampus. Ipinarangal kay Justine Elizon ang Gawad Leandro V. Locsin para sa natatangi niyang serbisyo sa kultura at sining.
Pinatunayan din ni Ponon ang kaniyang angking husay sa pagpapaunlad ng komunidad sa kaniyang pagkapanalo ng Gawad Fr. Gratian Murray AFSC. Ipinagkaloob naman kay Sophia Jimenez ang Gawad Br. Acisclus Michael FSC na ibinibigay sa namumukod-tanging pangulo ng organisasyong pangmag-aaral.
Ipinarangal naman ang Gawad Ramon V. del Rosario Sr. sa namumukod-tanging gradweyt na pinunong mag-aaral na si Maria Aguiling. Iginawad naman kina Raina Nivales at Ponon ang Gawad Francisco V. Ortigas Jr. na ibinibigay para sa namumukod-tanging undergradweyt na pinunong mag-aaral sa Pamantasan.
Sa kani-kanilang talumpati, binigyang-pasasalamat ni Nivales ang Gawad Lasalyano para sa pagkilala sa pagsisikap ng mga Lasalyanong patuloy na nagsisilbi para sa kanilang kapwa. Ani Nivales, “Bilang mga Lasalyano, mayroon tayong espesyal na regalo ng katatagan o resilience upang makatulong sa iba sa oras ng pangangailangan.”
Samantala, ibinahagi ni Ponon ang ilan sa mga nais niyang ipabatid sa mga manonood ng Gawad Lasalyano. Aniya, hindi dapat nakukulong lang sa utak ang ating mga pangarap. Binigyang-diin din niya na huwag limitahan ang sarili dahil magiging susi ito upang maipagpatuloy ang kaniya-kaniyang adhikain patungo sa mga minimithi at pinapangarap.