NAGSAGAWA ng inspeksiyon ang Laguna Campus Student Government (LCSG), sa pangunguna ni Elle Aspilla, LCSG president ng Pamantasang De La Salle – Laguna Campus (DLSU-LC) at ilang miyembro ng administrasyon bilang bahagi ng paghahanda sa muling pagbubukas ng Pamantasan sa mga Lasalyano, Marso 24.
Bago ang paglilibot sa buong kampus, pinangunahan Dr. Jonathan Dungca, bagong talagang vice president at college dean ng LC, ang isang media briefing upang sagutin ang mga katanungan ng mga estudyanteng dumalo. Ibinahagi niyang magkakaroon ng full-time professor at resident dean na mag-aasikaso sa mga pang-akademyang usapin ng mga estudyante mula sa LC. Dagdag pa niya, hindi na kinakailangan ng mga estudyante ng Laguna na magtungo pa sa Manila ukol sa mga isyung pang-akademya.
Binanggit din ni Dungca na bukas ang LC para sa mga Lasalyanong nagnanais na bumisita at gumamit ng mga pasilidad nito. Kinakailangan lamang na magparehistro sa Campus Access Registration System for Students – Laguna Campus (CARSyS) at sagutan o i-update ang Vaccination Record Monitoring Form.
Kahandaan ng Pamantasan
Nilinaw naman ni Dungca na wala pang tiyak na petsa para sa muling pagbabalik ng face-to-face na klase ngunit sinigurado niyang magkakaroon ng X classes kapag naipatupad ito. Aniya, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng Laguna Campus sa Manila Campus upang maibigay sa mga estudyante ang nararapat na serbisyo.
Nilimitahan din ng administrasyon ang akses sa mga pasilidad ng kampus bilang patuloy pag-iingat sa banta ng COVID-19. Tanging ang Milagros R. del Rosario (MRR) building lamang ang maaaring gamitin ng mga estudyante dahil iniiwasan ng Pamantasan ang cross-contamination sa pagitan ng mga estudyante at mga atletang lalahok sa UAAP.
Magsisilbi namang study hall ang MRR lobby para sa mga estudyanteng nagnanais na gawin ang kanilang online class sa loob ng LC. Maaari ding magpareserba ng upuan sa college library at information commons, alinsunod sa pamantayang inilabas ng Pamantasan. Bukas ang kampus sa mga Lasalyano mula ika-6 ng umaga hanggang ika-6 ng gabi, mula Lunes hanggang Biyernes.
Pinahihintulutan na rin ang face-to-face consultation sa ilalim ng Office of Counseling and Career Services (OCCS) ayon kay Joel Navarez, natatanging university counselor sa Laguna Campus, para sa mga estudyanteng nangangailangan ng gabay at tulong sa kanilang mental na kalusugan.
Pasilidad sa Laguna Campus
Ginabayan ni JV Constantino, miyembro ng Security and Safety Team, ang paglilibot ng LCSG sa buong kampus. Unang pinuntahan ang Enrollment Hub na nagsisilbing tanggapan ng mga isyung may kinalaman sa enrollment ng estudyante at pagkuha ng mga dokumento. Sunod naman silang tumungo sa Student Discipline and Formation Unit (SDFU) Office na tumatanggap ng mga boluntaryong magiging katuwang ng opisina sa mga aktibidad na may kinalaman sa disiplina at student formation. Ipinaliwanag ni SDFU Coordinator Mache Ubalde na nakasentro sa Manila Campus ang pagkuha ng Certificate of Good Moral Character.
Kabilang din sa mga ininspeksiyon ng LCSG ang Information Common (IC) na nagsisilbing ekstensiyon ng College library. Lilimitahan lamang sa 15 katao ang papayagang pumasok sa loob nito. Hindi rin pahihintulutan ang mga estudyante na gamitin ang gaming, faculty, at multimedia room sa loob ng IC. Samantala, aabot sa 30 katao ang maaaring gumamit sa college library na maaaring matagpuan sa ikatlong palapag ng MRR building.
Ipinasilip naman ni College Student Affairs (CSA) Director Nelca Villarin ang CSA Office na nagsisilbing collaborative space ng LCSG at ng iba’t ibang organisasyon sa Pamantasan. Isinasagawa rin dito ang pagpaplano ng mga programa at aktibidad para sa mga estudyante. Sunod na pinuntahan ng LCSG ang OCCS na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng MRR building.
Binisita rin ng LCSG ang Biological Control Research Unit. Isinasagawa rito ang ilang pag-aaral sa mga insektong itinuturing na peste sa mga pananim. Bukod pa rito, ipinakita rin sa LCSG ang classroom set up na planong gamitin para sa HyFlex learning. Makikita ang markang ‘X’ sa mga upuang hindi maaaring gamitin ng mga estudyante.
Ipinasilip naman ni Margarita Perdido, direktor ng Lasallian Mission Office (LMO), ang kanilang opisinang tumutugon sa iba’t ibang aktibidad na may kinalaman sa faith formation ng mga Lasalyano. Pinangangasiwaan din ng kanilang tanggapan ang iba’t ibang community building activities, katulad ng University Week, Lasallian Mission Week, at iba pang institutional activities.
Bago lisanin ang MRR building, huling binisita ng LCSG ang main clinic. Sa pamumuno ni Dr. Abegail Pineda, campus services office director, ibinahagi niya sa mga sumama sa paglilibot ang programang telehealth consultation na ginagawa sa ilalim ng LagunaCares. Hinimok din niya ang kababaihan na magpakonsulta sa kanila sakaling may mga pag-aagam-agam sila sa lagay ng kanilang mga dibdib. Naglaan din ng isolation facility ang Pamantasan upang ma-monitor ang kalagayan ng mga estudyanteng nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.
Sa unang pagkakataon, binisita rin ng LCSG ang bagong tayong Shrine of St. John Baptist de La Salle na inaasahang bubuksan din sa publiko. Tinatayang aabot sa 1,000 katao ang kapasidad ng naturang shrine.
Bilang pagtatapos ng campus tour and inspection, huling pinuntahan ng LCSG ang oval track at bahagyang dinaanan ang George S. Ty building. Ibinahagi ni Pineda na inaasahan sa mga susunod na taon na magkakaroon ng camp site, swimming pool, at dalawang bagong gusaling nakalaan para sa mga estudyanteng undergraduate habang nagpapatuloy ang pagpapatayo ng St. Matthew Gymnasium.