NAMUMUKOD-TANGI AT NAMAMAYAGPAG—ganito mailalarawan ang karera ng mga estudyanteng manlalarong sina John Leomarc “Leomarc” Alonzo, William “Ego” Cronin, Jerome “Relevancez” Victoria, Kieron “Duck Man” Cronin, at Jermyn “Usagi” Moa ng De La Salle University (DLSU) Asian Baby Boys (ABB). Nakilala ang naturang koponan nang lumahok ito sa National Campus Open: League of Legends (NCO: LoL).
Ipinamalas ng koponan ang kanilang matinding puwersa at mithiing mapasakamay ang kampeonato sa NCO: LoL Season 2 nang masungkit ang panalo sa Game 5. Kaugnay nito, nakamit ng DLSU ABB ang inaasam-asam na kampeonato sa naturang torneo matapos pabagsakin ang Mapua Gaming Society.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi nina K. Cronin at Alonzo ang mga inspirasyong nagtutulak sa koponan upang magpatuloy sa paglahok sa mga torneo. Bukod dito, inihayag din ng dalawang manlalaro ang kanilang mga hangarin para sa mga plano ng ABB.
Abot-kamay na pangarap
Malaking bahagi ang ginagampanan ng komunikasyon at pagkakaisa sa mga larong binubuo ng maraming manlalaro, tulad ng multiplayer online battle arena game na LoL. Kaya naman, naging mahalaga para sa mga manlalaro ng ABB ang kanilang pagkakaibigan upang mapaigting ang kanilang pagkakaisa tuwing nasa bakbakan.
Gayunpaman, para sa ikaapat na season ng NCO: LoL, hindi na sasabak ang ilan sa mga orihinal na manlalaro ng ABB. “We were just a group of friends, tapos our support [na si Aeiden, dating bahagi ng ABB], he can’t participate anymore because he joined Liyab [isang propesyonal na Esports team sa Pilipinas],” pagbabahagi ni K. Cronin. Sa kabila ng paglisan ng kanilang support player, nagkaroon naman ng bagong kalasag ang ABB sa katauhan ni Moa na makatutulong sa kanilang karera sa susunod na NCO Season.
Maliban sa pagkakaisa ng koponan, hangad ng mga manlalaro ng ABB na makalahok sa iba’t ibang pangkolehiyong paligsahan upang mas patibayin ang kanilang talento sa paglalaro ng LoL. “We want to join tournaments because we want to get better and we just want to become the best we can be,” dagdag ni K. Cronin.
Bunsod nito, nagsimulang makipagbakbakan ang ABB sa mga pangkolehiyong tunggalian dahil nais nilang mapayabong ang kanilang karera sa Esports. Bunsod ng kanilang exposure sa collegiate leagues, nakatanggap si Alonzo at ang kaniyang mga kakampi ng oportunidad na makalahok sa mga internasyonal na torneo.
Umigting din ang samahan ng mga manlalaro ng ABB dahil sa mga sinalihang torneo. Maliban dito, nakilala sila ng mga propesyonal na koponan sa larangan ng LoL. Kargado nito, humanga ang ilan sa mga propesyonal na koponan sa bansa sa kanilang husay sa paglalaro. “Some of our players got scouted by pro teams and some got offers for scholarships [because they saw our potential as players],” ani Alonzo.
Pagsuong sa bawat balakid
Sa kabila ng mga natanggap na oportunidad, hindi naman nawala ang mga kinahaharap na pagsubok ng mga manlalaro ng ABB. Ayon kay K. Cronin, nakararanas sila ng mabagal na koneksyon sa internet tuwing masama ang panahon sa kanilang lugar. Bunsod nito, nahihirapan ang mga manlalarong Lasalyano na magpamalas ng maayos na laro tuwing nag-eensayo at naglalaro.
Bukod sa mabagal na internet, isa ring pagsubok na kinahaharap ng koponan ang pagkakaroon ng aberya sa kanilang mga kagamitang panteknolohiya. “Some of my teammates have old PCs so their FPS [Frames Per Second] isn’t that good and sometimes they lag during the game because of it,” pagbabahagi ni K. Cronin.
Bilang karagdagan, pagsubok din para sa dating NCO LoL Champions ang pamamahala ng kanilang oras sa pag-aaral, pag-eensayo, at paglalaro. Ibinahagi ni K. Cronin sa panayam ng APP na patuloy na sinusubok ng kanilang mga gawaing pang-akademiko ang kanilang katatagan tuwing dumarami at nagiging mabigat ang kanilang mga rekisito sa klase.
Maliban dito, mistulang kalbaryo rin para sa mga estudyanteng atleta ng ABB ang kanilang pagkatalo sa mga sinasalihang torneo. Kaakibat nito, pumalyang depensahan ng koponang Lasalyano ang kanilang kampanya sa NCO: LoL Season 3 matapos silang mapayuko ng LG Hydra ng Ateneo de Manila University sa Game 5 ng finals.
Kapana-panabik na pagbabalik
Bigo mang depensahan ang kanilang korona, nais ng mga manlalarong Lasalyano na maiuwi ang kampeonato sa NCO: LoL Season 4. Kaakibat nito, hangad ng ABB na makatanggap ng mainit na suporta mula sa pamayanang Lasalyano. “Hopefully next season, we actually win. It was a bit of a trahedya this season, shouldn’t have lost but it is what it is. And you know, hopefully when we play, we see you guys showering us with support,” mensahe ni K. Cronin sa pamayanang Lasalyano.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-eensayo ng DLSU ABB para sa Season 4 ng NCO: LoL. Bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik, iba-ibang paraan ang ginagawa ng koponang Lasalyano upang lalong mas mahasa ang kanilang kasanayan. Nakikipagsabayan sila sa mga manlalaro sa ibang server, katulad ng Korea at China bilang parte ng kanilang pag-eensayo. Ayon kay K. Cronin, “mas maraming players doon [Korean and Chinese server], so mas mabilis ‘yung queue tsaka mas malalakas sila.”
Samu’t saring pagsubok man ang kinaharap at kinahaharap ng DLSU ABB sa kanilang karera, umaapaw pa rin ang kanilang determinasyon upang lalong mas makilala sa larangan ng Esports, partikular sa mundo ng LoL. Kaugnay nito, mithiin ng koponan na maibalik ang kampeonato sa kanilang panig sa NCO: LoL Season 4—makatutulong sa mga manlalaro ang kanilang potensyal at mga karanasan mula sa pagsabak sa mga internasyonal na torneo upang makaakyat muli sa rurok ng standings sa naturang tunggalian.