NADAGIT ng Choco Mucho Flying Titans ang twice-to-beat advantage matapos paamuin ang F2 Logistics Cargo Movers sa loob ng apat na set, 21-25, 28-26, 25-20, 25-22 sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Marso 24, sa Paco Arena, Maynila.
Umarangkada ang Flying Titans nang paganahin ng playmaker Deanna Wong ang kaniyang hitters matapos kumana ng limang puntos at 44 na excellent sets. Bumida rin si Kat Tolentino na kasalukuyang best scorer sa torneo matapos makapag-ambag ng 19 na puntos mula sa 18 spike, isang block, at 10 excellent digs. Nagkamit naman si Denden Lazaro-Revilla ng solidong depensa matapos makalikom ng 22 excellent digs at 19 na excellent receptions sa kabuuan ng laro.
Mula sa dikdikang sagupaan sa depensa ng parehong koponan, tinapatan ng Cargo Movers ang depensa ng kabilang kampo nang makapagtala ng sumatotal na 95 excellent digs at 38 excellent receptions. Pinahirapan din ni Kianna Dy ang Flying Titans matapos mag-ambag ng 14 na puntos. Liksi sa opensa rin ang ipinamalas nina Ara Galang at Aby Marano matapos magkamit pinagsamang 22 puntos.
Agarang ipinaramdam ng Cargo Movers ang kanilang bagsik sa unang set matapos ilatag ang kanilang matibay na opensa sa pangunguna ni Majoy Baron at Tin Tiamzon na labis nagpagulo sa depensa ng Flying Titans. Namigay rin agad ng limang libreng puntos ang Flying Titans mula sa kanilang unforced errors na naging bentahe naman para lumayo ang kalamangan ng Cargo Movers, 3-9. Sa kabila nito, bumida naman para sa Flying Titans sina Aduke Ogunsanya at Ponggay Gaston na umambag ng tatlong puntos.
Masigasig na depensa naman ang sagot ni Dawn Macandili sa malalakas na atake ng Flying Titans ngunit nahanapan pa rin ito ni Gaston ng butas sa opensa sa pamamagitan ng kaniyang cross-court hit, 15-18. Tinangka namang dikitan ni Isa Molde ang iskor mula sa kaniyang matatalim na tirada na nagresulta ng magkakasunod na puntos, 21-24. Sa kabila nito, winakasan ni Chloe Cortez ang unang yugto sa iskor na 21-25.
Binuksan naman ni Tolentino ang ikalawang set sa pamamagitan ng kaniyang mabibigat na palo na dahilan upang masira ang depensa ng Cargo Movers, 2-0. Sa kabila nito, bumawi naman sa opensa sina Galang at Dy upang ilusot ang bola sa kamay ng Flying Titans, 4-2. Nagpakitaan naman ng malalakas na tirada ang magkabilang kampo sa pangunguna ni Tolentino para sa Flying Titans at Tiamzon para sa Cargo Movers, 14-9.
Nagising man ang blocking sa net ng Cargo Movers sa pangunguna ni Dy, nanatili ang kalamangan ng Flying Titans sa pagdating ng ikalawang technical timeout. Nagkamit man ng anim na service error, nagawa pa rin niyang dikitan ang iskor ng Flying Titans bunsod ng mga mintis na tirada nina Molde at Tolentino, 17-all. Gayunpaman, nakamit ng Flying Titans ang panalo sa ikalawang set sa pamamagitan ng pangwakas na service ace ni Wong upang tuldukan ang ikalawang yugto, 28-26.
Magandang simula naman ang bumungad para sa Flying Titans mula sa dalawang magkasunod na attack fault ng Cargo Movers at mabigat na service ni Wong, 6-0. Natigil naman ang kaniyang pag-arangkada matapos ang matinding pagbabantay ni Dy sa atake ni Tolentino, 6-2. Bagamat sinandalan ng koponan ang opensa nina Dy at Galang sa harapan sa pag-asang malamangan ang katunggali, nahirapan silang limitahan ang kanilang service errors. Naging bentahe ito para sa katunggali upang dalhin ang koponan sa 7-point lead, 15-8.
Hindi rin agad natapatan ng Flying Titans ang bilis ng atake ni Dy habang sinundan pa ito ng puntos mula kay Lourdes Clemente sa pamamagitan ng quick attack, 16-13. Sinubukan ding habulin ng Cargo Movers ang kalamangan ng katunggali ngunit lumayo ang iskor dahil sa 1-2 play ni Wong, 20-14. Dahil parehong nagliliyab ang determinasyon ng dalawang koponan at masigurong hindi mahulugan ng bola, nagawang tuldukan ni Ogunsanya ang mahabang rally gamit ang kaniyang matatag na depensa sa block, 22-17. Agad na tinapos ng Flying Titans ang bakbakan sa ikatlong set sa pamamagitan ng back set ni Wong na sinundan ng umaatikabong palo ni Cheng, 25-20.
Sa pagpasok ng ikaapat na yugto ng bakbakan, naging bentahe para sa Cargo Movers ang errors ng Flying Titans at service ace ni Shola Alvarez upang ilayo ang kalamangan, 1-5. Natigil naman ang kanilang pag-arangkada matapos magpakitang-gilas si Tolentino sa opensa na nagbunsod ng 8-1 run. Agarang sinagot naman ito ng quick attack ni Marano at block mula kay Galang na nakapagdagdag ng tatlong puntos para sa koponan, 9-10.
Lalo pang tumindi ang bakbakan sa floor defense matapos ang mahabang rally ngunit napako ang paa ng Flying Titans nang umatake si Baron sa gitna, 14-all. Sinubukang tanggalin ng Cargo Movers ang momentum ng Flying Titans ngunit nahirapan itong tantsahin ang opensa ng mga outside hitter ng katunggali na nagbunsod ng 2-point lead, 22-20. Nagtapos naman ang laban sa pangunguna ni Cheng, 25-22, pabor sa Flying Titans.
Nakuha ng Flying Titans ang twice-to-beat advantage sa Pool A at makahaharap nito ang PLDT Power Hitters. Dumausdos man sa laban, susubukang muli ng Cargo Movers na mapasakamay ang panalo kontra Petro Gazz Angels na may twice-to-beat advantage mula sa Pool B sa susunod na linggo.