PINANGASIWAAN ng University Student Government (USG) at Council of Student Organizations (CSO) ang pagsisiyasat sa mga pasilidad sa kampus bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng Pamantasan sa mga Lasalyano sa ikalawang termino, Marso 17. Sa patnubay ng administrasyon ng Pamantasang De La Salle (DLSU), layong ipaalam ng USG at CSO sa pamayanang Lasalyano ang kasalukuyang kalagayan ng mga pasilidad sa kampus.
Matatandaang naglabas ng anunsyo ang Vice Chancellor for Administration (VCAdmin) nitong Marso 12 na muling bubuksan ang Pamantasan para sa mga HyFlex na klase, paggamit ng silid-aklatan, at pakikipag-ugnayan sa ibang Lasalyano.
Paglilibot sa Pamantasan
Pinangunahan ni USG President Giorgina Escoto ang pag-iikot sa Pamantasan, kasama ang kaniyang Executive Committee (EXECOM) at Executive Board ng CSO. Una nilang pinuntahan ang Perico’s Canteen, Marian Quadrangle, Amphitheater, at Yuchengco Lobby. Kaugnay nito, isinagawa sa Amphitheater ang pagkuha ng kauna-unahang retrato ng EXECOM sa loob ng Pamantasan para sa akademikong taon 2022 – 2023.
Patuloy rin ang pagsasaayos ng ilan sa mga pasilidad sa kampus, tulad ng St. La Salle Hall, Saint Joseph Hall, at mga escalator ng Henry Sy, Sr. Hall. Dagdag pa rito, ipinakita rin ni Library Assistant Avelino Dancalan ang paggamit ng mga Self-Check Machines upang mas mapadali ang proseso ng paghiram at pagbalik ng mga libro sa silid-aklatan.
Ipinaalam din ng VCAdmin sa isang Help Desk Announcement na tanging ika-6 hanggang ika-8 palapag pa lamang ng The Learning Commons ang maaaring gamitin ng mga Lasalyano simula Marso 21. Bukas ito mula ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes at mula ika-8 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali tuwing araw ng Sabado.
Binago rin ang kasalukuyang disenyo ng bawat palapag upang maiayon sa mga palatuntuning nakasaad sa CHED-DOH Joint Memorandum Circular No. 2021-001. Nakaayos ang mga upuan at mesa ayon sa dalawang metrong ligtas na distansya at hanggang 225 tao na lamang ang tatanggapin sa isang partikular na oras bawat araw.
Matagumpay na ring natapos ang pagsasaayos ng Gokongwei Lobby at maaari na itong masilayan at magamit ng mga Lasalyano. Ilan sa mga handog nitong pasilidad ang dagdag na learning spaces sa Gokongwei Hall at pinalawig na pagpipilian ng lugar ng pag-aaral. Matatandaang nagsimula ang pagsasaayos nito noong June 15, 2019 at lumampas sa orihinal na inaasahang petsa ng pagtatapos ng proyekto. Magbabalik naman ang Point-to-Point na mga bus na handog ng N. Dela Rosa Liner na lalarga mula Lunes hanggang Biyernes simula Marso 21.
Tungo sa mas maayos na pag-aaral
Sa isinagawang panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, ibinahagi ng opisyales ang kani-kanilang plano para sa kanilang kolehiyo at sa Pamantasan.
Sa pangunguna ni Escoto, ibinida niya na matagumpay nang nasimulan ang kampanyang #BalikDLSU matapos pahintulutan ng administrasyon ang mga estudyante na gamitin muli ang mga pasilidad sa kampus. Diin pa niya, “It is stated in the student handbook that we have the right to access the campus facilities. We wanted to highlight that and emphasize that it’s been two years, at least give the students the chance to use the facilities even if we do not have face-to-face classes yet.”
Kaugnay nito, layon naman ni Elle Aspilla, officer-in-charge campus president ng Laguna Campus Student Government, na muling ibalik ang X sections bago isagawa ang face-to-face classes. “If kaya ng Manila Campus, mas kaya ng Laguna given the population and land area of our campus,” saad niya ukol sa planong pagbubukas din ng Laguna Campus para sa mga estudyante.
Binigyang-diin naman ni Alex Brotonel mula sa College Government of Education (CGE), Martin Regulano mula sa School of Economics Government, at Chikara Grijaldo mula sa Business College Government, na patuloy ang nakikipag-ugnayan ng kanilang kolehiyo sa bawat departamento upang matugunan ang mga klaseng lubos na nangangailangan ng HyFlex learning.
Layon ng CGE sa pamumuno ni Brotonel na magsagawa ng sarbey ngayong termino upang malaman ang kahandaan at bilang ng mga Lasalyanong nagnanais na magbalik sa Pamantasan. Dagdag pa rito, nakikipag-ugnayan din sila sa College of Science (COS) ukol sa mga laboratory classes na kinakailangan ng ilan sa mga estudyante mula sa Brother Andrew Gonzales College of Education (BAGCED).
Nakatuon naman sa pagtugon sa pangangailangan ukol sa pananaliksik ang mga nakaplanong proyekto ni Regulano. “If walang kursong HyFlex, sinisigurado kong ang ating kampus ay bukas upang i-accommodate ang ating mga kinakailangan pa tungkol sa ating research needs, sa ating thesis,” wika niya.
Ibinahagi naman ni Grijaldo na kasalukuyan silang nagsasagawa ng sarbey katuwang ang Parents of University Students Organization upang matiyak na naisasaalang-alang din ang saloobin ng mga magulang ukol sa muling pagbubukas ng klase. Aniya, “Rest assured that we are doing our best in making sure that we’re working towards a passion-driven RVRCOB where our students get to actualize their missions and projects into reality.”
Binanggit naman ni Verick Sta. Ana, presidente ng Arts College Government na asahan ang mga pagbabago sa polisiya ukol sa paghiram ng kagamitan mula sa mga departamento ng Communication at Psychology sa darating na termino. Kaugnay nito, sisiguraduhin niyang nakaangkla sa pananaliksik ang lahat ng mga ipinatutupad na polisiya at naipapakalat nang maayos ang mga impormasyon ukol dito.
Umiikot naman sa pagtugon sa pangangailangan ng isang ligtas at epektibong kapaligiran sa pag-aaral ang mga isinasagawang proyekto ni Bea Berenguer, Computer Studies Government President. Ayon pa sa kaniya, “We are continuously looking into set-ups of our laboratories to cater students with limited sources at home.”
Nangako naman si Science College Government President Jed Lurzano, na isusulong niya ang pagkakaroon ng face-to-face laboratory classes para sa ibang departamento sa COS sandaling matagumpay na maisagawa ang HyFlex na klase para sa departamento ng Chemistry. “The Science College Government have been in contact with the College and have been proposing for a face-to-face laboratory classes for all departments,” ani Lurzano.
Inaasahang mga proyekto
Sa muling pagbabalik-kampus ng mga Lasalyano, inaasahan na magsisimula na rin ang mga hybrid na aktibidad sa pangunguna ng mga opisyales ng USG.
Nakatuon sa pagpapasigla ng mga opisina at opisyales si Escoto buhat ng suliranin sa labis na kapaguran sa online na set-up at kawalan ng personal na interaksyon. Dagdag pa rito, patuloy ang pagpaplano nila para sa paglulunsad ng Lasallian Care Kits, katuwang ang Student Initiative at CSO. Layon nitong magbigay ng Care Kits sa pagbabalik ng mga Lasalyano na naglalaman ng alcohol, face masks, at iba pa.
Kaugnay nito, pinaplano ring magsagawa ng mga face-to-face team building para sa mga opisyales ng USG ang opisina ni Jewel Limjoco, USG Executive Secretary. Aniya, asahan ang mga hybrid na pagsasanay at aktibidad sa mga darating na termino upang mapadali ang transisyon sa face-to-face na set-up.
Priyoridad naman ni Vice President for Internal Affairs Britney Paderes, ang pagsasagawa ng hybrid at face-to-face activities para sa darating na University Vision-Mission Week at pagpapakalat ng impormasyon ukol sa mga pasilidad sa kampus na parte ng matrikulang binabayaran. “It’s time to relive the Animo spirit that we have and we hope to have that soon in our campus,” pangako pa niya.
Ipinahayag naman ni Lara Jomalesa, Vice President for External Affairs, na magsasagawa ng Vice Presidential Candidates Forum sa darating na Abril sa Teresa Yuchengco Auditorium. Ayon kay Jomalesa, katuwang ng kanilang opisina ang COSCA-LOVE at Committee on National Issues and Concerns (CoNIC) para dito.
Sa kabilang banda, layon ng opisina ni Caleb Chua, Executive Treasurer na makipag-ugnayan sa iba’t ibang external partners upang madagdagan ang mga scholarship na handog sa mga Lasalyano. Bukod pa rito, ipaglalaban din ang 0% na pagtaas sa matrikula at ilulunsad ang #BalikDLSU Grant upang tulungan ang mga Lasalyanong nangangailangan ng tulong-pinansyal para sa pagbabalik ng face-to-face classes.
“Some of the activities we are trying to make happen is the Animolympics. We really have a small population and we want to take advantage of that,” paglalahad naman ni Aspilla ukol sa mga planong aktibidad nila sa Laguna Campus. Dagdag pa niya, nais din niya sa kaniyang pamumuno na magkaroon ng personal na koneksyon sa mga estudyante at maiparanas ang buhay Lasalyano sa Laguna.
Sa huli, ipinaalala ni Escoto na patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan at kapakanan ng mga Lasalyano bilang pagpupugay na rin sa tulong na ibinigay ng mga naunang administrasyon ng USG. “Expect more hyflex activities, more policies to be written down for the safety of our students when they go back,” dagdag pa niya.
Sa mga Lasalyanong nagnanais bumisita at gamitin ang mga pasilidad sa Pamantasan, ipinapaalala ng VCAdmin na marapat mayroong paunang payo na direktang natanggap mula sa kinauukulang opisina para sa anomang pagbisita o transaksyon. Bukod pa rito, dapat ding magparehistro sa Campus Access Registration System for Students (CARSyS) at sagutan o i-update ang Vaccination Record Monitoring Form.
Matatagpuan naman ang iba pang impormasyon ukol sa paggamit ng The Learning Commons sa Guidelines on Library On-site Access and Use (The Learning Commons).