AARANGKADA MULI sa Marso 26 ang mga estudyanteng atleta mula sa iba’t ibang pamantasan na kabilang sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 matapos mahinto ang mga larong nakapaloob dito nang mahigit dalawang taon. Matatandaang naudlot ang UAAP Season 82 at Season 83 dahil sa restriksyon ng pandemya.
Sa nalalapit na pagbubukas ng Men’s Basketball Tournament ng UAAP Season 84, mahalagang malaman ng mga tagahanga at ng pamayanang Lasalyano ang mga pagbabago sa koponang De La Salle University (DLSU) Green Archers. Mainam ding malaman ang tiyansa ng Green Archers na magkamit ng mga parangal sa Season 84, habang ikinokompara ang kasalukuyang estado ng mga koponan sa nakalipas nilang standings noong Season 82 ng Men’s Basketball Tournament.
Asahan ang mga pagbabago sa bawat koponan na kalahok sa UAAP Season 84 matapos ang dalawang taong pagkansela nito. Kaugnay nito, masisilayan muli ng mga tagahanga ang mainit na pagpapasiklaban sa hardcourt ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, Far Eastern University (FEU) Tamaraws, DLSU Green Archers, Adamson University (AdU) Soaring Falcons, University of the East (UE) Red Warriors, at National University (NU) Bulldogs.
Apat na pinakamahusay noong Season 82
Matindi ang naging pasiklaban sa larangan ng Men’s Basketball noong UAAP Season 82. Umanghang ang mga bakbakan nang magpakitang-gilas ang mga koponang nakapasok sa final four ng torneo.
Kuminang sa pag-arangkada ang Morayta-based squad bitbit ang kanilang matitinding kombinasyon sa loob ng kort noong Season 82. Bunsod nito, lumarga ang FEU Tamaraws sa final four sa pangunguna nina Wendell Comboy, LJay Gonzales, Patrick Tchuente, Barkley Eboña, at ang kapitan na si Kenneth Tuffin.
Naselyuhan ng FEU ang ikatlong puwesto nang makabuo ng 8-6 panalo-talo kartada sa pagtatapos ng elimination round. Napabilang man ang Tamaraws sa final four, nagawang mapahinto ng Growling Tigers ang karera ng koponan matapos silang talunin sa do-or-die semifinals, 81-71.
Hindi rin nagpahuli sa naturang torneo ang UP Fighting Maroons matapos makuha ang 9-5 panalo-talo kartada sa elimination round. Matatandaang lalong lumiyab ang kanilang puwersa matapos magkaroon ng karagdagang sandata sa katauhan ng mga tanyag na atletang sina Kobe Paras at dating Green Archer Ricci Rivero. Bunsod ng umaatikabong talento ng dalawang atleta, bumulusok patungong ikatlong puwesto ang koponan kasama ang batikang Fighting Maroons na sina Juan Gomez de Liaño, Javi Gomez de Liaño, Jun Manzo, at Bright Akhuetie.
Ginulat naman ng koponan mula sa España ang buong komunidad ng Men’s Basketball matapos bumulusok patungong finals, bagamat lumapag sa ikaapat na puwesto noong elimination round ng Season 82. Umalpas lalo ang Growling Tigers dahil sa pagkinang ni Rhenz Abando buhat ng kaniyang kamangha-manghang above-the-rim plays and clutch shootings sa loob ng kort.
Nakapagtala si Abando ng average scoring na 11.71 points, 5.29 rebounds, at team-high na 1.29 blocks sa kaniyang natatanging kampanya sa UST. Kasama naman sa pag-arangkada ng UST ang UAAP Season 82 Most Valuable Player (MVP) Solemane Chabi Yo na mayroong kabuuang 16.93 points, 14.71 rebounds, at 1.29 assists kada laro. Sinuportahan din ng Rookie of the Year na si Mark Nonoy ang koponan sa tulong ng kaniyang average scoring na 10 points, 3.9 rebounds, at 2.3 assists. Kargado nito, napasakamay ng Growling Tigers ang ikalawang puwesto sa torneo.
Samantala, ipinalasap ng Ateneo Blue Eagles ang kanilang matinik na sistema sa kort, rotasyon, at mainit na pagtira sa 3-point area sa buong torneo. Bunsod nito, tuluyang nadepensahan ng Blue Eagles ang kanilang korona sa UAAP sa ikalawang pagkakataon matapos ding pagtagumpayan ang Season 81. Kaakibat nito, nakapagtala ang Blue Eagles ng malinis na rekord sa naturang torneo matapos magkaroon ng tumataginting na 16-0 panalo-talo kartada.
Nagliyab ang mga agila ng Katipunan nang mangibabaw ang kanilang teamwork sa loob ng kort. Buhat nito, tuluyang ipinamalas ng koponan ang kanilang bagsik sa tulong ng Gilas bigman Angelo Kouame na mayroong average score per game na 12.50 points, 11.79 rebounds, at 1.43 assists. Nagsilbing kasangga ni Kouame sa pagdala ng koponan ang batikang atletang si Thirdy Ravena na nakapagtala ng average na iskor na 12.93 points, 6.71 rebounds, at 2.57 assists kada laro.
Panibagong mga ahente ng katunggali
Sa nalalapit na pagpapasiklab ng mga koponan sa hardcourt, hindi maikakaila ang mga pagbabago sa mga koponan, tulad ng key players nito noong Season 82 ng UAAP Men’s Basketball. Maaaring maalis sa final four ng Season 84 ang mga koponang may pinakamaraming nawalan ng ace players, lalo na ang mga lumipat sa ibang koponan na hindi pa magtatapos. Samantala, mas mataas ang tiyansa ng mga koponang magkamit ng mga parangal sa mga nadagdagan ng key players na mismong dati nilang karibal mula sa magkaibang nirerepresentang pamantasan.
Umalis si Tuffin, ang kapitan ng FEU Tamaraws sa koponan upang magpokus sa kaniyang karera sa New Zealand’s National Basketball League. Hindi na rin bahagi ng FEU Tamaraws si Eboña matapos sumali sa Blackwater Elite sa Philippine Basketball Association (PBA). Gayunpaman, haharapin ng Tamaraws ang Season 84 kasama ang mga bagong dagdag-puwersang sina Gilas guard RJ Abarrientos at Baby Tamaraw standout Cholo Anoñuevo.
Malaking kawalan sa Growling Tigers ang paglisan sa koponan nina Season 82 MVP Chabi Yo, Rookie of the Year Nonoy, batikang kapitan Cansino, batikang guwardiya Subido, at ang standout na si Abando. Nagtungo si Chabi Yo sa Europa upang ipagpatuloy ang karera sa basketball habang lumipat si Nonoy sa DLSU Green Archers. Samantala, lumipat si Cansino sa UP Fighting Maroons at lumapag sa CSJL Knights si Abando. Naglalaro naman si Subido para sa NorthPort Batang Pier sa PBA.
Sa kabila nang pag-alis ng mga piyesa ng UST, binuo muli ang kanilang koponan kasama ang mga bagong puwersang sina Joshua Fontanilla, Bryan Santos, at Jordi Gomez de Liaño.
Pagdating sa koponan ng Diliman, umalis sa Fighting Maroons sina batikang guwardiya Manzo, Nigerian bigman Akhuetie, at ang standouts na Gomez de Liaño brothers.
Sa kabila nito, haharapin ng Fighting Maroons sa Sabado ang Blue Eagles gamit ang puwersang pinangungunahan nina Rivero at Cansino kasama ang mga kargadong puwersa na sina dating Green Archer Joel Cagulangan, Fil-Am Zavier Lucero, Senegalese bigman Malick Diouf, at sina NU Bullpups standouts Carl Tamayo at Gerry Abadiano.
Nabawasan din ng puwersa ang kasalukuyang kampeon na Ateneo Blue Eagles matapos ang pag-alis nina go-to-player Ravena, batikang bigman Isaac Go, batikang guwardiya Adrian Wong, at ang standouts na sina Mike at Matt Nieto.
Bagamat umalis sa koponan ang mahahalagang piyesa ng Blue Eagles, nananatiling intak ang kanilang core sa pangunguna ng Gilas naturalized bigman Kouame kasama sina Tyler Tio, SJ Belangel, Raffy Verano, at Gian Mamuyac. Napalakas lalo ang puwersa ng three-peat champions nang dumagdag sa koponan ang dating main gun ng NU Dave Ildefonso.
Karera ng kalalakihan ng DLSU
Maalon na karera ang natamasa ng DLSU Green Archers sa UAAP Season 82 matapos mabigong makatungtong ang koponan sa final four. Kaakibat nito, nagtapos sa ikalimang puwesto ang koponan kalakip ang win-loss record na 7-7. Bagamat naging maalat ang kanilang kampanya sa round 1 ng Season 82, hindi nagpatinag ang puwersa ng Taft sa bawat hamon na kanilang hinarap. Kaugnay nito, nakilala noong Season 82 ang DLSU bilang kryptonite ng UST matapos matalo ng koponang Lasalyano nang dalawang beses ang Growling Tigers na nakapaglaro sa finals.
Sa katunayan, muntik nang makaabot sa final four ang Green Archers sakaling napagtagumpayan ang mga dikit na laban kontra UE at UP sa unang bahagi ng elimination round. Matatandaang natalo ang Green Archers sa Red Warriors, 88-89, matapos maipasok ni Rey Suerte ang kaniyang clutch 3-pointer. Ganito rin ang nangyari sa bakbakan kontra Fighting Maroons nang matagumpay na naipasok ni Juan Gomez de Liaño ang kaniyang pamatay na 3-pointer sa huling mga segundo ng laban na nagpalamang sa kanila ng isang puntos lamang, 71-72.
Sa tulong ng mga batikang basketbolista ng DLSU, nagkamit ng pitong panalo ang koponan sa UAAP Season 82. Umarangkada sa naturang torneo ang Green Archers sa pangunguna nina Justine Baltazar, Jamie Malonzo, Andrei Caracut, at Aljun Melecio. Naghalimaw rin ang bigman na si Justine Baltazar na nakapagtala ng average na iskor na 15.14 points, 11.79 rebounds, at 1.29 assists kada laro.
Nagpakitang-gilas din noong Season 82 ang Fill-Am walking highlight na si Jamie Malonzo na pumundar ng average na iskor na 15.77 points, 9.92 rebounds, at 1.62 assists kada laro. Nagsilbing scoring machines din sa mga laban ng Green Archers ang dating kapitan na si Andrei Caracut at Aljun Melecio na kaliwa’t kanang bumibitaw ng maiinit na tirada sa 3-point area.
Pagpana ng bagong simula
Sa pagbabalik ng UAAP Men’s Basketball ngayong buwan, marami ang nawala sa roster ng Green Archers mula Season 82. Kaakibat nito, anim na atleta na lamang ang natira sa kasalukuyang roster ng Green Archers na sumabak noong UAAP Season 82 na sina Justine Baltazar, Kurt Lojera, Joaquin Manuel, Francis Escandor, Ralph Cu, at Donn Lim.
Umalis ang batikang point guard Aljun Melecio sa Green Archers sapagkat nagtungo na siya sa Philippine Basketball Association (PBA) upang ipagpatuloy ang kaniyang karera bilang propesyonal na atleta. Lumisan din patungong PBA ang walking highlight na si Jamie Malonzo kasama ang bigman na si James Laput, habang umalis din ang ikatlong one-and-done Fil-Am guard Keyshawn Meeker.
Bilang karagdagan, nabawasan pa lalo ang roster ng Green Archers nang umalis ang batikang guwardiya Encho Serrano, Fil-Am guard Jordan Bartlett, Fil-Aussie bigman Brandon Bates, Fil-Am forward Tyrus Hill, LSGH standout Joel Cagulangan, Senegalese bigman Amadou Ndiaye, Fil-Am guard Kameron Vales, at Fil-Am swingman Jeromy Hughes na inaasahang maglalaro sana sa pagbabalik ng UAAP.
Gayunpaman, nagkaroon ng mga panibagong alas ang Green Archers para sa paparating na torneo bunsod ng pagsali ng mga bagong atleta. Kaakibat nito, lumipat sa Taft mula España ang Rookie of the Year na si Mark Nonoy at ang kapwa rookie shooter Deo Cuajao. Matatandaang lumaban ang mga atletang ito bilang finalists kontra ADMU.
Dumaong din sa Taft-based squad ang standout mula sa dominanteng San Beda Red Lions na si Evan Nelle na nakapagtala ng average score per game na 10.2 points, 4.5 rebounds, 1.6 steals, at league-best na 6.7 assists sa NCAA Season 95. Bukod dito, dagdag-puwersa rin para sa Green Archers ang pagdating ng matatangkad na foreign players, tulad ng mga Fil-Am na sina Benjamin Philips at Michael Philips. Bilang karagdagan, nagkaroon ng bagong import na atleta ang Green Archers nang dumating ang Nigerian bigman Bright Nwankwo.
Sa pagdating ng mga bagong atleta, patuloy ang pagsinag ng pag-asa para sa Taft-based squad na makamit ang inaasam-asam na kampeonato. Abangan ang kapana-panabik na pagpapakitang-gilas at pagpapamalas ng bilis ng Green Archers sa kanilang muling pagbitbit ng banderang berde at puti sa UAAP Season 84.