DELTA Poomsae teams, magbabalik-aksyon upang depensahan ang kanilang korona sa UAAP Season 84!

Likha ni Monique Arevalo | Mga larawan mula kina Justin Aliman, Lyann Cabador, Keith Sembrano, at sa IMGBIN

PURSIGIDO ang De La Salle Taekwondo (DELTA) men’s and women’s Poomsae teams na makamit ang three-peat na kampeonato para sa darating na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 na nakatakdang magsimula sa Marso 26. Bagamat kinansela ang UAAP Season 83 nitong nakaraang taon, ginagamit ng koponan ang nalalabing panahon upang paigtingin ang kanilang talento sa pamamagitan ng mga birtuwal na ensayo at programa. 

Kargado ang kanilang mithiin na makasabak muli sa entablado ng UAAP, ibinahagi nina Mikee Regala at Patrick King Perez, mga kapitan ng DELTA Poomsae teams, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang mga isinasagawang paghahanda ng koponan para sa Season 84.

Mithiin sa masilakbong karera 

Hindi biro ang naging kampanya ng DELTA Poomsae teams sa pagdepensa ng kanilang titulo noong UAAP Season 82. Kabilang sina Perez at Regala sa mga atletang sumailalim sa mabigat na sistema ng pag-eensayo at pagpapakondisyon ng katawan bago sumalang sa entablado ng naturang torneo. Bunsod ng kanilang hindi matatawarang dedikasyon at determinasyon tuwing nagsasanay, nasuklian ang kanilang sakripisyo nang makamit ang kampeonato sa ikalawang pagkakataon matapos ding pagtagumpayan ang Season 81.

Bagamat naging matinding hamon kina Perez at Regala ang matinding presyon sa pagkamit ng two-peat na kampeonato, nagsilbing motibasyon ng dalawang atleta ang iiwang legasiya ng kanilang mga senior athlete dahil nais nilang mabigyan sila ng magandang exit sa UAAP. “Sa poomsae, lagi naming binibigyang-karangalan ‘yung seniors namin kasi sa poomsae hindi lang siya individual sport, kailangan din ng team effort,” pagbabahagi ni Perez. 

Bitbit din ang hangaring depensahan ang kanilang titulo sa ikatlong pagkakataon, nais ni Perez na maabot ang three-peat na kampeonato sa pagbabalik-aksyon ng kanilang koponan sa UAAP Season 84. “Pagka-graduate ko [gusto kong] nasa amin pa rin ‘yung title ng champion kasi wala pang nakakagawa sa poomsae UAAP na may three-peat,” giit ng rookie of the year ng UAAP Season 81 Poomsae Tournament. 


Pagpaparingas ng talento

Mahalaga naman ang tungkulin ni Regala bilang kapitan ng Lady Jins dahil sa kaniyang tungkuling mabigyan ng motibasyon ang mga miyembro sa pag-eensayo. “I think my main responsibility as a team captain is to motivate them and to remind them to stay focused on our goal. . . I’m here to push them to fight more and be strong,” pagdidiin ni Regala.

Pinaiigting din ng Green at Lady Jins ang kanilang disiplina na makapagpokus sa kanilang mga responsibilidad bilang estudyanteng atleta, tulad ng pagkakaroon ng malusog na pangangatawan at pagbalanse ng oras sa pag-aaral at pag-eensayo. Dagdag pa rito, pinahahalagahan din ng koponan ang mga pangaral at gabay ng kanilang mga senyor na atleta at tagapagsanay upang mapaunlad ang kanilang talento sa taekwondo. 

Pinagtitibay rin ng DELTA Poomsae teams ang kanilang kompiyansa at mental toughness upang paghandaan ang nalalapit na UAAP Season 84. “I think ‘yung eagerness of the team to win, the discipline we have despite training individually, the good mindset we develop [is beneficial to gain confidence],” pagbabahagi ni Regala.


Inspirasyon sa pagbabalik

Lubos namang pinahahalagahan ng Green Jins ang mga organisasyong nagbibigay ng oportunidad at sumusuporta sa kanilang mga pangarap na maging matagumpay na estudyanteng atleta. “Malaking pasasalamat at utang na loob ang mayroon kami sa La Salle, sa OSD [Office of Sports and Development], sa administration ng team, [at] sa mga college departments namin na iniintindi at inuunawa ‘yung mga kalagayan naming mga atleta,” wika ni Perez.

Mula sa mga natatanggap nilang suporta sa pamayanang Lasalyano at sa kanilang mga tagapagsanay, hangad ng Lady Jins na masuklian nila ito sa pamamagitan ng pagsungkit ng kampeonato sa UAAP Season 84. “We really appreciate your love and support for us and we will do our best to make you all proud,” paniniguro ni Regala.

Tunay na kaabang-abang ang nalalapit na UAAP Season 84 sapagkat masisilayan muli ng pamayanang Lasalyano at mga tagahanga ang pag-arangkada ng kampanya ng defending champions para sa larong taekwondo. Karga ang kanilang determinasyon at angking husay sa naturang isport, hangad ng DELTA men’s and women’s Poomsae Teams na sumabak at magtagumpay muli sa entablado ng UAAP bilang mga kinatawan ng Pamantasang De La Salle.