“Babae ako, hindi babae lang.”
MATAPANG AT WALANG INUURUNGAN—sa kasalukuyang panahon, hindi matatawaran ang ipinamamalas na potensyal ng kababaihan sa iba’t ibang larangan. Sa kabila ng kaliwa’t kanang pangmamaliit, panghuhusga, at pandidikta ng kinagisnang patriyarkal na lipunan, patuloy na nananaig ang lakas at husay ng mga Pilipina. Pinatunayan ito ng Philippine National Women’s Football Team (PNWFT) matapos umukit ng kasaysayan at ihatid ang bansa patungo sa FIFA World Cup sa 2023.
Bitbit ang nag-uumapaw na inspirasyon at hangaring maikintal ang pangalan sa larangan ng football, magiliw na ipinahayag ng De La Salle University (DLSU) Lady Booter rookie na si Mari Layacan sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na hindi lamang para sa mga katulad nilang atleta ang tagumpay na tinamasa ng PNWFT. Kasama rin sa pagpupugay at parangal na ito ang lahat ng babaeng patuloy na binabasag ang depinisyon ng pagiging isang Pilipina. Ito rin ang pinanghahawakang inspirasyon ng kaniyang koponan para sa kanilang pagsali sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa hinaharap.
Lakbay ng pangarap
Sa panayam ng APP, ibinahagi ni Layacan ang kaniyang mga mithiin at inaasahang hakbang sa larangan ng women’s football. Kaakibat nito, pangarap ng naturang Lady Booter rookie na makilala at maging kinatawan ng Pilipinas sa mga internasyonal na torneo, tulad ng PWNFT. “The Philippine Women’s National Football Team really inspires [me and] the younger generation to dream big,” ani Layacan.
Sa kabila nito, hindi maikakailang mas nabibigyan ng atensyon at oportunidad ng mga ahensiya ang mga atletang kabilang sa mga tanyag na isport sa Pilipinas, tulad ng men’s basketball at women’s volleyball. Kaugnay nito, hangad ni Layacan na maging isang matagumpay na atleta, tulad ng mga manlalaro ng PWNFT upang patuloy na maipamalas sa buong mundo ang husay at sikap ng mga atleta sa larangan ng football sa kabila ng mga pinagdadaanang hamon.
Bilang karagdagan, nagsisilbing inspirasyon at kasangga ni Layacan ang Panginoon tuwing may nais siyang matupad na kahilingan kaugnay sa kaniyang mga pangarap. Bunsod nito, patuloy na pinaiigting ng atleta ang kaniyang pananampalataya. ”I’m also a dreamer who dreams to play for my homeland. Believing that nothing is impossible with God, if we do our best to achieve those dreams (Luke 1:37),” pagbabahagi ni Layacan.
Pagsubok sa kampanya
Tunay na malaki ang naging epekto ng pandemya sa larangan ng isports. Sa mga nakalipas na taon, bigong makasalang ang mga estudyanteng atleta at tagapagsanay ng iba’t ibang koponan sa mga nakanselang torneo, tulad ng UAAP Season 83 at 2020 Palarong Pambansa. Maliban sa pansamantalang suspensyon ng mga laro sa torneo, isa rin sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya ang pag-eensayo ng mga atleta.
Sa pagbabalik-tanaw, inalala ni Layacan ang mga pagsubok na naranasan ng Lady Booters. Bagamat nakapag-eensayo sila nang mag-isa sa kani-kanilang tahanan, tila naapektuhan ang pagkakaisa at mabisang komunikasyon ng Lady Booters dahil sa kawalan nila ng pagkakataong makapag-ensayo nang magkakasama. “Training together in an online set-up really [challenged] us individually and as a team. Such as in terms of the limitation of resources and spaces in our own houses and many more. We faced a lot of challenges but these won’t stop us from achieving our goal,” giit ni Layacan sa APP.
Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Lady Booters sa mga hadlang na ito. Bagkus, nagsilbing instrumento ang kanilang mga pagsubok upang pagbutihin ang kanilang mga sarili sa paglalaro ng football. Bunsod nito, kasalukuyang binibigyang-priyoridad ng bawat kasapi ng koponan ang paghasa ng kani-kanilang indibidwal na kakayahan. Naniniwala si Layacan na mas mapaghahandaan ng Lady Booters ang kanilang face-to-face trainings kapag nahasa na nila ang kanilang mga pansariling taktika at talento.
Bukod pa rito, nakatutulong din sa pagpapaigting ng kompiyansa ng Lady Booters ang mga natatanggap nilang suporta mula sa pamayanang Lasalyano. Buhat nito, hangad ni Layacan na mapasakamay ang kampeonato sa UAAP upang matagumpay na mairepresenta ang DLSU sa prestihiyosong torneo. “We’ll show them how grateful we are right now. We, the DLSU Lady Booters, will surely do our very best showing our hearts in all the upcoming tournaments, especially the UAAP,” paniniguro ni Layacan.
Abante, babae!
Kilala man ang isport na football bilang isang larong dinodomina ng kalalakihan, pinatunayan ng mga Pilipina na hindi sukatan ang kasarian at tikas ng katawan sa pagpapasiklab ng kakayahan. Katuwang ang pagtitiwala sa mga kasamahan sa koponan, pananampalataya sa Diyos, at suporta ng kapwa Pilipino, natitiyak ni Layacan at ng iba pang manlalaro na magpapatuloy ang pamamayagpag ng kababaihan sa kahit anong larangan.
Hindi pa man nakatakda ang pagbabalik ng kababaihan ng Taft sa football field ngayong taon, inaasahang patuloy na mag-aalab ang husay ng Lady Booters sa panibagong season ng UAAP. Tangan ang 11 korona at kampeonato mula sa iba’t ibang liga, patuloy na maghahanda at magpapalakas ang koponan para sa pangarap at sa minamahal na Pamantasan.