PINAAMO ng Cignal HD Spikers ang koponang F2 Logistics Cargo Movers matapos mamayagpag sa loob ng apat na set, 25-14, 25-21, 19-25, 25-18, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Marso 20, sa Paco Arena, Maynila.
Hinirang na player of the game ang dating Lady Tamaraw at Cignal starting setter Gel Cayuna, tangan ang kaniyang pitong puntos at 18 excellent set. Bumida rin sa talaan ang dalawang outside hitter na sina Rachel Anne Daquis at Cess Molina, na parehong nakapagtala ng 13 puntos.
Mainit na aksyon ang ipinamalas ng Cignal kontra F2 sa pagpasok ng unang yugto ng sagupaan. Kaugnay nito, nahirapang makabuo ng maayos na play ang starting setter ng F2 na si Iris Tolenada buhat ng mabibigat na serve ng playmaker ng kabilang kampo Cayuna, 4-0. Agad namang pinahinto ng dating Lady Spiker Tin Tiamzon ang pag-arangkada ng HD Spikers sa pamamagitan ng kaniyang pamatay na cross court, 4-1.
Nanatili naman ang nagliliyab na mga kamay sa panig ng Cignal nang magpakawala ng umaatikabong spike si scoring machine Molina mula sa back row na sinundan pa ng off-the-block hit ni Angeli Araneta, 9-3. Sa kabila nito, pumukol naman ng puntos si Kianna Dy mula sa kaniyang cross court hit upang gisingin ang natutulog na opensa ng Cargo Movers. Subalit, hindi ito naging sapat nang paganahin ni best middle blocker Ria Meneses ang kaniyang malapader na block, dahilan upang masungkit ng Cignal ang panalo sa unang set, 25-14.
Sa pagsisimula ng ikalawang yugto ng laban, naging makipot ang talaan ng dalawang koponan matapos nilang magpalitan ng puntos, 5-all. Sa kabila nito, agad na umarangkada ang Cignal nang salagin ni Daquis ang atake ni Dy. Kaugnay nito, naging maingat sa paghampas ng bola si Dy ngunit patuloy pa ring nagmintis, 8-5.
Tuluyan nang pumabor sa mga nakapula ang talaan buhat ng kanilang solidong floor defense at matutulis na serve, 20-13. Sinubukan namang panipisin ni middle blocker Majoy Baron ang lamang ng HD Spikers matapos magsumite ng puntos galing sa kaniyang quick attack, 22-17. Gayunpaman, agad nang sinelyuhan ni Meneses ang kanilang ikalawang panalo, 25-21, mula sa paghulog ng bola sa likod ng kort.
Dikitan pa rin ang sagupaan sa ikatlong yugto matapos magtapatan sa net ang dalawang spiker na sina Dy at Daquis, 6-5. Mistulang ayaw namang bitawan ng Cignal ang kanilang kalamangan sa laban matapos makapagsumite ng limang sunod-sunod na puntos mula kina Araneta, Cayuna, Daquis, at Meneses, 13-8.
Sa kabila nito, nabuhayan ng pag-asa ang mga nakadilaw buhat ng magkakasunod na attacking error ng Cignal. Buhat nito, nakahanap si Dy ng pagkakataon upang itabla ang talaan sa pamamagitan ng kaniyang tatlong sunod-sunod na ekplosibong spike, 16-all. Nagkaroon din ng liwanag sa kampanya ng Cargo Movers nang mag-apoy ang mga daliri ni Tiamzon na nakapagsumite ng apat na puntos sa dulo ng set, 19-25, sapat upang dalhin ang kaniyang koponan sa kanilang unang panalo.
Sa pagpasok ng ikaapat na yugto ng bakbakan, nagpalitan pa rin ng puntos ang dalawang koponan. Kaakibat nito, naitabla ng F2 ang talaan sa pamamagitan ng down-the-line hit ni outside hitter Shola Alvarez. Sa kabilang banda, humarurot na ang HD Spikers matapos magpakitang-gilas ang magic bunot na si Jerrili Malabanan na nakapagtala ng isang service ace at dalawang puntos mula sa kaniyang mga off-the-block hit, 21-15. Bunsod nito, hindi na nagpapigil ang HD spikers mula sa pagpuntos sa katauhan ni Daquis, dahilan upang matagumpay na talunin F2, 25-18.
Abangan ang kapana-panabik na tapatan ng Cignal HD Spikers at ng Choco Mucho Flying Titans sa darating na Martes, Marso 22, sa ganap na ika-3 nang hapon. Sa kabilang banda, susubukan namang magwagi ng F2 Logistics Cargo Movers kontra Choco Mucho Flying Titans sa darating na Huwebes, Marso 24, sa ganap na ika-6 nang gabi.