Nakaw na oras: Pagsagot sa katanungang “Paano kung hindi naganap ang Martial Law?”

Likha ni John Mauricio | Mga larawan mula kina Phoebe Joco, Jon Limpo, at Lyann Cabador

Isang importanteng marka sa kasaysayan ang selebrasyon ng People Power. Isa itong gunitang nagpapaalala sa simbuyong taglay ng mga Pilipino upang magsama-sama para ipaglaban ang bayan mula sa katiwalian at inhustisya. Isa rin itong simbolo para sa demokrasyang tinatamasa ng bansa—demokrasyang binawi mula sa gapos ng isang militarismong diktaturyang kumitil sa buhay ng libo-libong Pilipino na nakibaka’t sumulong sa ngalan ng Pilipinas. Simbolo ito ng tagumpay ng isang nasyong umusbong mula sa lusak na nilikha ng isang mapaniil na pamumuno.

Mahalaga ang People Power at higit na mahalagang alalahanin ang katotohanan ukol sa Martial Law, lalo na ang naging epekto nito sa ating lipunan. Sa paggunita sa panahong ito, nagbubukas din ito ng lagusan tungo sa mga diskusyon ukol sa iba’t ibang posibilidad kung hindi nangyari ang kalunos-lunos na panahong ito.

Paano nga kaya ang isang lipunang hindi ninakawan ng oras ng Martial Law?

Kasalukuyang may bahid ng nakaraan

Sa bansang dumaan sa masalimuot na nakaraan na mistulang tinatahak din umano sa kasalukuyan, patuloy ang pangangalampag ng mga mamamayan mula sa magkakaibang sektor upang makamit ang lipunang hindi na kailanman masasadlak at mapapahamak. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) at Center for Social Concern and Action-Lasallian Outreach and Volunteer Effort (COSCA-LOVE) sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at kay Josh Valentin ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), ipinaliwanag nila kung paano binago ng Martial Law ang buhay ng mga Pilipino na kabilang sa politikal at sosyal na grupo. Inilahad ng CEGP na ilan sa kanilang mga miyembro ang pinahirapan, inaresto, at pinatay dahil kalaban ang tingin ng administrasyon sa kanila—silang mga kritiko ng mga nasa kapangyarihan. 

Bagamat magkaibang sektor ang pagkakakilanlan ng CEGP at SCMP, walang pinagkaiba ang naging karanasan ng dalawang grupo noong panahon ng Batas Militar. Ayon kay Valentin, matinding represyon ang pinagdaanan ng mga taong-simbahan, midya, at mga konseho ng paaralan. Kaniyang inihalimbawa ang pagsalakay ng mga konstabularyo sa mga opisina ng mga Kristiyano, mga simbahan, at tanggapan ng National Churches of the Philippines.

Mula sa karahasang natamo ng dalawang grupo, iginiit nilang hindi lamang nangyari ang mga ito noong panahon ng Martial Law dahil bago pa man ang proklamasyon, laganap na ang pambubusal at paniniil na nagsilbing mitsa upang tumindig ang mga mamamayan. “With or without the formal announcement of Proclamation No. 1081, the people would see how the tyrannical rule put them all in such impoverished situations. Opening their hearts and souls that the only way to put an end to this is to go to the streets and the places beyond their reach,” giit ng CEGP.

Sumang-ayon naman dito si Valentin dahil naniniwala siyang hangga’t may mga Pilipino na minamaliit at isinasawalang-bahala, mararamdaman pa rin ng Pilipinas ang suliranin sa ekonomiya kahit hindi nagdeklara ang administrasyong Marcos ng Batas Militar. Diin niya, “As long as [the] government is subservient to foreign interest. . . farmers continue to be stripped off their rights, economic damage would’ve happened. . .”

Halos 50 taon na ang nakalipas noong ideklara ang Batas Militar at 36 na taon na rin nang patalsikin ng nagkakaisang tinig ang pangulong naggapos sa kalayaan at kaligtasan ng mga Pilipino, patuloy pa ring naninindigan ang CEGP, at SCMP na kinabibilangan ni Valentin, na maisasabuhay pa rin hanggang sa kasalukuyan ang mga aral at ideolohiyang ipinakita ng mga rebolusyonaryo at aktibista na lumahok sa EDSA People Power. Para kay Valentin, sa pamamagitan ng voters’ education at ecumenical services na kanilang isinasagawa, iniaangat nila ang kapangyarihan ng mga nasa laylayan at bilang kapalit, nakatatanggap sila ng karanasan na nagsisilbing aral. Gayunpaman, aminado siyang may ineendosong kandidato ang kanilang organisasyon para sa Halalan 2022, ipinunto niyang “. . . we not only want to make these candidates win, but champion the youth and people’s agenda.”

Para naman sa CEGP, upang maipagpatuloy ang diwa ng EDSA People Power, mahalagang magkaisa ang sambayanan na alalahanin ang kasaysayan. Hinimok ng organisasyon ang mga Pilipino na gawing sandata ang paparating na Halalan upang pawiin ang dahilan ng kahirapan ng bansa sa kabila ng pagiging mayaman nito sa maraming aspekto. “. . . only through people’s democratic revolution with a socialist perspective could we attain genuine national democracy and liberation,” paninindigan ng organisasyon. 

Kuha ni Lara Jomalesa mula sa isinagawang misa at candle lighting nitong Pebrero 25.

Pagkatuto sa mga bakas ng nakalipas

Hindi pa man dilat ang mga mata nina Shenellyn Pineda at Kristian Arellano noong panahon ng Martial Law, iminulat naman sila ng mga aralin sa programang Political Science sa naging implikasyon ng pamumuno ng diktaduryang Marcos sa Pilipinas. Kapwa mag-aaral sa Pamantasang De La Salle, inilahad nina Pineda at Arellano ang kanilang pananaw sa posibleng imahe ng bansa sakaling hindi nangyari ang Batas Militar at sa naging resulta ng EDSA 1 sa bansa.

Saksi si Arellano sa naging epekto sa ekonomiya ng Martial Law. “An economic boom of towns was almost halted for two decades. My hometown in Quezon Province, Tagkawayan, where I was born and raised was not an exception to the ramification of Martial Law,” paglalahad ni Arellano. Sakaling hindi naganap ang Martial Law, inaasahan niyang hindi rin sana naging ganito ang kinahinatnan ng ekonomiya ng kanilang probinsya. Dagdag pa rito, hindi rin aniya bababa ang tingin sa Pilipinas ng ating mga karatig-bansa. Paliwanag niya, bagamat tumaas ang tingin sa Pilipinas noong unang bahagi ng termino ni Marcos, lubha naman itong bumagsak nang magsimula nang mawalan ng demokrasya ang bansa.

Sinuportahan naman ito ni Pineda na nagpahayag na hanggang sa kasalukuyan nakikita pa rin natin ang mga negatibong epekto ng Martial Law. Gayunpaman, inilahad din niya ang kapwa mabigat na kahihinatnan sakaling hindi ito nangyari. Ani Pineda, “So in my opinion, if Martial Law never happened, our imperialist roots would have gotten the better of us.” Pagpalalawig niya, ang namuong tensyon kasabay ng korapsyon at walang habas na pagpaslang noong panahon ng Martial Law ang nagbugso ng mas pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kanilang kalayaan at mga karapatan na nagdulot ng pagsilang ng mga pagkilos kontra imperyalismo. Dagdag pa rito, naging mitsa rin ang Martial Law upang mas pagtibayin ng Pilipinas ang relasyon sa mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations. 

Para naman sa politikal na aspekto, ayon kay Arellano, nagdulot ang Martial Law ng pagbabago sa 1943 Constitution at nabuksan din ang eleksyon sa mahigit dalawang partido lamang. Gayunpaman, inilahad niyang may kaakibat na panganib din ang pagbabagong ito. Aniya, “EDSA 1 may have paved the way for a more inviting political participation, but EDSA 1 is a double-edged sword. So, it also means that this influx of political participation can be used in a negative way.”

Dagdag naman ni Pineda, naging matagumpay man ang EDSA 1 sa pagpapatalsik sa isang pasistang diktador, hindi nito nagawang makapagdulot ng totoong pagbabago. Hindi pa rin nasolusyonan ng mga liderato pagkatapos ng EDSA 1 ang maraming suliraning kinahaharap ng masa. Mula sa pagiging isang simbolo ng demokrasya, kasalukuyang isang simbolo na lamang ng trapiko at hindi maayos na sistema ang EDSA. Ayon kay Pineda, sumasalamin ito sa danas ng mga Pilipino pagkatapos ng Batas Militar. Mula sa nag-uumapaw na pag-asa dulot ng tagumpay para sa demokrasya, unti-unti ulit nawala ang sigla ng mga Pilipino dulot ng nananatiling baliko at palpak na sistema.

Maiuugnay ito sa pahayag ni Arellano na sakaling hindi naganap ang Martial Law, mararanasan pa rin ng mga Pilipino ang mga naging epekto nito sa ekonomiya, kagaya ng kasanayan sa pag-iimbak ng produkto, pagbaba ng sahod, at murang labor export. Ani Arellano, “Martial Law is just a facade for the schemes of his [Marcos] cronies and the oligarchs of this country. . . So for me, with or without Martial Law, this little amount of corruption, if done relentlessly, will trickle down to the crippling of the economy. Martial Law is just a facade to cover up these deeds, so it will happen. With or without Martial Law.”

Kuha ni Jasmine Paras

Pagsasabuhay ng sumisilakbong nasyonalismo

Bagamat patuloy na nagbabaga, mistulang apoy na unti-unting nauupos ang halaga ng People Power sa kasalukuyan dahil sa sari-saring naratibong pinalalabnaw ukol sa importansya nito. Sa paggamit ng iba’t ibang makinarya’t paulit-ulit na pagbaluktot sa kasaysayan, muling nangangamba ang bansa sa muling paggapang patungo sa puwesto ng makapangyarihan ng pamilyang pinabagsak ng rebolusyong ito—ang pamilyang Marcos. Unti-unting binabaon sa lusak ang katotohanan ng Martial Law at ng mapang-abusong rehimeng naging mitsa ng rebolusyon. Sa kabila ng mga ito, marapat na isakilos ang huwarang layuning nakaangkla sa People Power. Para sa CEGP, kanilang inilahad na sa darating na Eleksyon, dapat sanggain ng mga Pilipino ang pagsasamang Marcos-Duterte. Anila, “The people shall unite in not forgetting and not letting their tyrannical restoration and extension.”

Para kay Arellano, kailangang baguhin ang mga estratehiya upang maipaunawa ang mga katotohanan ukol sa Martial Law, gayundin maging mas mapanghamig sa mga naniniwalang naging maganda ang epekto nito sa bansa. Pagbabahagi niya, “Let us not lose hope, let us not draw the line and give [up] on them. For me, rather we should be persistent and stay hopeful that our efforts will be a way in continuing to uphold the ideals of EDSA People Power which is to revive democracy and guard it at all costs.”

Inilahad naman ni Pineda na may iba’t ibang paraan upang patuloy na maiangat ang paninindigang ipinamalas ng People Power sa kasalukuyan—ang pagbukas sa kamalayan tungkol sa katotohanan, ang pagsisimula ng isang munting dagitab tungo sa diskurso, at ang pagkilos. Aniya, “So by spreading awareness, you’ll be able to open the eyes of many towards the truth. . . Through sparking discussions naman, you would be able to inform your circles and extend it beyond your comfort zone, either through online or offline means. . . and [manifesting action] would be the most important of all because it is creating impactful actions through creating initiatives and covering releases. . .”

Hindi man perpekto’t patuloy na nasasadlak ang bansa sa patong-patong na problema, saksi ang People Power sa kakayahan at lakas ng taumbayan—na hindi lamang ito magpapagapi sa ilalim ng isang pamumunong binabalot ng korapsyon at karahasan. Nanatili itong paalala na makapangyarihan ang masa, at nasa kamay ng mga mamamayan ang kapalaran nilang lingkod-bayang tiwali. Napatupad man ang Martial Law o hindi,  isang masaklap na katotohanang ninakawan ang bansa ng panahong hinubog ng mali-maling desisyon. Bagamat ganito, ating katandaan at dalhin sa puso ang esensya’t halaga ng People Power. Patuloy tayong sumulong tungo sa isang lipunang malaya sa tanikala ng nakaraang masalimuot.

Kuha ni Britney Paderes

Inilathala ang artikulong ito sa kolaborasyon ng APP, DLSU University Student Government (DLSU USG), at COSCA-LOVE bilang paggunita sa ika-36 na Anibersaryo ng EDSA People Power. Naniniwala ang APP, DLSU USG, at COSCA-LOVE na hindi lamang Pebrero 25 ang nakalaang araw ng pakikibaka at paggunita sa matamis na kalayaan mula sa mapanghamak na administrasyon dahil simbolo ng katapangan ng mga Pilipino ang bawat araw sa Pilipinas upang manindigan para sa kalayaan, demokrasya, pagkakakilanlan, at karapatang pantao.

Ipinaaalala namin na hindi natatapos ang laban hangga’t matatamo ang bansang malaya at mapagpalaya. 

#EDSA36
#TayoAngEDSA
#HindiItoAngHulingEDSA