NAMAYAGPAG ang F2 Logistics Cargo Movers matapos magyanig ng liksi at pudpurin ang depensa ng batikan na koponang Army Black Mamba Lady Troopers sa loob ng apat na set, 25-15, 25-18, 21-25, 25-22, sa muling pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Marso 16, sa Paco Arena, Maynila.
Naging tanglaw para sa Cargo Movers ang dating Lady Spiker na si Kianna Dy matapos makapagtala ng 20 puntos mula sa kaniyang nailistang 15 attack, apat na block, at isang ace. Umagapay naman si The Great Ara Galang kay Dy matapos magtamo ng 11 puntos mula sa sampung attack at isang ace.
Sa unang set ng tunggalian, agarang pinagana ng bagong saltang setter Irish Tolenada ang zone offense ng Cargo Movers papasok ng unang kanto upang bahaginan ng atake sina Dy at Galang na nagsumite ng pinagsamang tatlong puntos, 5-1. Nagpakawala naman ng anim na libreng puntos ang Lady Troopers veteran spiker April Tubino dagdag sa limang unforced errors ng kaniyang koponan, sapat upang mahirapan sa pagkubra ng puntos ang Lady Troopers habang patuloy na umaarangkada ang mapaminsalang kumpas ng Cargo Movers, 20-11.
Bitbit ang tempo ng laban, hindi na binigyan ng pagkakataon ng Cargo Movers na makaahon mula sa kumunoy ang alulusaw na depensa ng Lady Troopers. Buhat nito, tuluyan nang sinelyuhan ang unang yugto ng laban sa pangunguna ni Tin Tiamzon na pumukol ng tatlong atake kasabay ang panapos na block ni middle hitter Majoy Baron, 25-15.
Sinipat naman ng Lady Troopers ang pagbabalik-larga nila sa ikalawang yugto ng bakbakan upang makabawi mula sa matamlay na naunang kampanya. Sa pangunguna nina Tubino at Mich Morente, nakaukit sila ng tig-isang hataw sa atake katuwang ang isang ambag na puntos ni opposite hitter Audrey Paran, 2-5. Itinampok din ng F2 Logistics ang pinaigting na lipad sa unahan ni Dy na nakapagsibat ng isang service ace at isang atake dagdag ang dalawang nalikom na puntos nina Aby Maraño at Tiamzon upang dalhin pabalik sa koponan ang bentahe, 6-5.
Naitawid din ng Cargo Movers sa limang kalamangan ang kartada matapos payungan ni Baron at Dy ang depensa sa net, sapat upang mapigilan sa pagbawi ang Lady Troopers, 16-11. Sa kabila nito, nagtangkang baklasin nina power hitter Tubino at beteranong Mary Balse-Pabayo ang naturang twin towers ng Cargo Movers gamit ang limang atake. Gayunpaman, kinapos ang Lady Troopers sa dulo ng ikalawang set matapos ang maiinit na ragasa nina Dy at Galang sa opensa, 25-18.
Pagsabak sa ikatlong set ng sagupaan, nagpalitan lamang ng puntos ang dalawang magkatunggali matapos makahanap ng butas sa opensa ang Lady Troopers nang ipasok ng Cargo Movers ang kanilang mga bagong recruit na sina Dzi Gervacio at Jessma Ramos. Buhat ng naapulang opensa ng Cargo Movers, hindi na nagsayang ng oras ang Lady Troopers at tuluyang ibinandera ni Tubino ang naitago nitong gigil sa opensa lulan ang siyam na puntos mula sa atake. Sinabayan naman ito ng tatlong off-the-block hit ni Morente upang maisumite sa kampo ng Lady Troopers ang kalamangan, 18-19.
Sinubukan namang habulin ni Dy ang talaan ng Lady Troopers kasabay ang pagpasok muli ng kapitanang si Maraño. Gayunpaman, kinapos ang Cargo Movers nang mapagana na ni Lady Trooper setter Sarah Gonzales ang middle hitter nitong si Jeanette Villareal upang tuluyang tuldukan ang ikatlong serye, 21-25.
Dikitan pa rin ang sagupaan sa ikaapat na yugto matapos makipagsabayan ang magic-bunot trio ni Coach Kung Fu Reyes na sina Jem Gutierrez, Morente, at Tubino na nakapagtala ng pinagsamang anim na marker, 9-10. Gayunpaman, parehong iskor ang nakamtan ng magkatunggali sa ikalawang technical timeout na agad namang binaklas nina Maraño, Galang at Baron gamit ang kanilang crucial 3-0 run, 20-17. Bumawi naman ang Lady Troopers sa pangunguna nina Morente at Bunag pagsapit ng set point, 24-22, na agad namang winakasan ni Dy mula sa kaniyang cross-court spike, 25-22.
Mainit na tapatan ang masasaksihan sa banggaan ng F2 Logistics Cargo Movers at ng nagdedepensang kampeon na Cherry Tiggo sa darating na Biyernes, Marso 18, sa ganap na ika-6 nang gabi. Sa kabilang banda, susubukang makabawi at makapitas ng unang panalo ng Army Black Mamba Lady Troopers sa susunod nitong sagupaan laban sa matangkad na koponang Choco Mucho sa parehong petsa, sa ganap na ika-3 nang hapon.