PINANGUNAHAN ng organisasyon ng BANGON ang pagsisiwalat sa kasalukuyang estado ng Pilipinas, sa paglunsad ng dalawang araw na talakayan na pinamagatang “MULAT 2: Pahimakas sa Hirap ng Nakaraan, Pagyakap sa Dalang Ginhawa ng Kinabukasan,” Marso 5 at 12.
Taong 2020 nang unang isagawa ng organisasyon ang MULAT upang pagtuunan ng pansin ang nagsisimulang pandemya ng COVID-19 at ilang napapanahong isyu. Sa ikalawa nitong paglulunsad, hinimay ang ilang mahahalagang aspekto ng lipunan na masusing sumasaklaw sa kinabukasan ng bayan lalo na’t ilang buwan na lamang bago ang araw ng halalan.
Itinampok sa talakayan ang ilang tanyag na dalubhasa sa sektor ng edukasyon, kalusugan, kapaligiran, at politika. Bagamat mula sa iba’t ibang larangan, nagkakaisa sila sa adhikaing imulat ang lipunan sa nasasadlak na kalagayan ng Pilipinas.
Hinaing sa sistema ng edukasyon at kalusugan
Sa pamumuno ni John Christian C. Valeroso, propesor at mananaliksik mula sa University of Santo Tomas, sinuri niya ang kahindik-hindik na estado ng edukasyon sa bansa. Batay sa kaniyang pananaliksik, mas mainam na suriin ang problema sa lente ng iba’t ibang sektor.
Naniniwala siyang pinakakritikal ang pananaw ng mga guro upang makilatis ang naturang sektor sapagkat nakasandig din ang kalidad ng edukasyon sa wastong pagtrato sa kaguruan. Gayunpaman, hindi maikakailang ang kawalan ng sapat na pondo at kakulangan sa epektibong pagtutok ang nagpapahirap sa kalagayan ng bawat miyembro ng sektor.
Batay sa nakalap na datos ng Alliance of Concerned Teachers, nagdudulot ng karagdagang gastusin ang patuloy na pananatili ng online learning sapagkat kailangan nilang bumili ng mga gadyet at magbayad ng internet. Iginiit ni Valeroso na dahil sa mga ganitong pangangailangan sa kasalukuyang moda ng pag-aaral, napipilitan ang kaguruan na ibawas ang mga gastusing ito sa kanilang maliit na sweldo.
Ipinabatid din ni Valeroso na hindi buong maisisisi ang problema sa Department of Education dahil nakasalalay ang episyenteng paglalaan ng pondo mula rin sa Department of Budget and Management (DBM).
“Alam niyo kaya magiging crucial ang darating na eleksyon kasi ‘yung DBM na ito ay under the President. So napaka-importante na ‘yung iboboto niyong presidente has a particular project and concern to the education sector kasi parte ‘to ng kaniyang opisina,“ paliwanag ni Valeroso.
Maituturing aniyang isang paglabag sa Konstitusyon ang mahinang sistemang pinaiiral ng pamahalaan sapagkat hindi natatamasa ng mga mamamayan ang dekalidad at abot-kayang edukasyon na direktang nakasaad sa batas. Bilang pangwakas, hinamon ni Valeroso ang kapwa niya guro at kabataan na maging aktibo, makiisa, at bumoto nang tama upang maisaayos ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Samantala, isiniwalat ni Dr. Raymond John Naguit, national chairperson ng Akbayan Youth at pinuno ng Youth for Mental Health Coalition, ang kasalukuyang estado ng sistemang pangkalusugan sa bansa. Katulad ng kapos na pagtugon sa sektor ng edukasyon, ibinahagi niyang dumaranas din nang matinding hamon ang naturang sektor.
Hindi na mga bago ang suliraning kinahaharap sa sektor ng kalusugan na patuloy na lumalala dahil sa kasalukuyang pandemya. Aniya, nangingibabaw ang kawalan ng sapat na akses sa serbisyong pangkalusugan bunsod ng heograpiya, kawalan ng kaalaman, at katayuan sa buhay.
Hindi maiwawaksi ang hirap na naidudulot ng pagiging isang kapuluan ng Pilipinas sa pagpapalawig ng serbisyong medikal. Iniuugnay ni Naguit ang balakid na ito at ang sentralisasyon ng mga pasilidad sa mas mauunlad na mga lungsod bilang pangunahing sanhi nang mababang kalidad ng kalusugan sa bansa. Dumagdag pa rito ang pinsala sa imprastraktura na madalas na nararanasan bunsod ng mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.
Isiniwalat din ni Naguit ang mababang sweldo ng mga health worker at ang mabagal na proseso ng reimbursement mula sa gobyerno, lalo na sa pribadong sektor. “Kahit na sobrang taas ng demand for services, hindi makapag-hire ng mga bagong staff ‘yung mga health facilities natin dahil nga may personal health services cap,” paglalahad ni Naguit.
Bukod sa implementasyon at pagpapalaganap ng serbisyo, masusing iniuugnay ni Naguit ang gampanin ng mga batas at patakaran upang maisaayos ang sistema ng kalusugan sa bansa. Binigyang-diin niya na isang pagkakamali ang pagapatupad ng militar na polisiya, katulad ng giyera kontra droga sapagkat mas kinakailangan itong wakasan sa pamamagitan ng solusyong medikal.
Kalagayan ng kapaligiran
Inilatag ni Jonas Marie Dumdum, chemist at project coordinator Philippine Center for Environmental Protection and Sustainable Development Inc., ang iba’t ibang problemang pangkalikasan sa bansa. Ibinahagi niyang ang responsableng paggamit ng plastik, pagtuligsa sa fossil fuel at pagsuporta sa alternatibong enerhiya, at pagbabago ng klima sa daigdig ang tatlong pangunahing suliranin sa kasalukuyan.
Dagdag pa niya, matagal na ang problema ng plastik sa bansa at mas pinalala ito sa patuloy na pagdami ng hazardous waste, tulad ng face mask at PPE. Ayon sa pahayag ng Department of Environment and National Resources, gumagamit pa rin ang bansa ng mga landfill dahil kapos sa kapasidad ang mga ospital para wastong maitapon ang kanilang mga basura.
Malaking hamon din sa kalikasan ang masidhing paggamit ng uling at naniniwala si Dumdum na aabot pa sa mahigit 30 taon ang pagkagapos ng Pilipinas sa enerhiyang dulot ng uling. “‘Yung addiction natin to coal will not be over soon, unless the government steps up and says na ire-retire namin kayo, ‘yung generation niyo ng coal to electricity in the coming years . . .,” diin ni Dumdum.
Paniniil ng estado
Nanindigan naman si Raoul Daniel Manuel, pangulo at unang nominado ng Kabataan Partylist, sa mga naging pang-aalipusta ng administrasyong Duterte at ang pagkatig ng Pangulo sa pangangamba ng taumbayan.
Ibinatay ni Manuel ang kaniyang diskusyon sa konsepto ng lawfare at ang paggamit ng kapangyarihan sa maling paraan upang magpatupad ng mga panukala at batas na hindi angkop sa pangangailangan at panawagan ng taumbayan. Bunga nito, itinuring na kalaban ng estado ang bawat kritikong magsasalita taliwas sa gobyerno. Aniya, kaliwa’t kanan din ang nagaganap na red-tagging at mga gawa-gawang kaso laban sa simbahan, opisyal ng gobyerno, at mga alagad ng midya.
“. . . Ibig sabihin ganon, they can do this sa duly elected officials. . . how much more sa mga ordinaryong mamamayan?” wika ni Manuel. Matatandaang ipinangako ng Pangulo na palalayain niya ang mga inosenteng opisyal, subalit tila napako ito matapos dumobole ang bilang ng mga inosenteng ipinakulong.
Bukod dito, hindi rin malilimutan ang madugong giyera kontra droga at Batas Militar sa Marawi sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ibinahagi ni Manuel na kapansin-pansin din ang pambabaluktot ng gobyerno sa batas upang mabilis na maisailalim sa Batas Militar ang Mindanao sa kabila ng masalimuot na proseso sa Kongreso. Iminulat nito ang taumbayan na mas malaki pa ang kayang gawing pinsala ng gobyerno, kaysa sa pinsala ng mga itinuturing nilang terorista. Sa huli, nananatiling sadlak sa kahirapan ang Marawi, taliwas sa mga pahayag ng administrasyon sa midya.
Ilan pa sa nasabing mapaniil na gawain ang pakikipagsabwatan ng rehimeng Duterte sa task force at pagbuo nito ng NTF-ELCAC na naging alternatibo nilang paraan upang magdala ng takot at pangamba sa mga mamamayang Pilipino.
Bunsod nito, nananawagan si Manuel na patuloy na makilahok sa paglaban para sa kalayaan at demokrasya upang matapos na ang rehimen ng mga diktador at mahalagang pumili ng kandidatong tutuligsa sa mapambusal at mapang-abusong Anti-Terror Law.
Sa nalalapit na demokratikong halalan, alalahaning mayroong kaniya-kaniyang problema at panawagan ang bawat sektor ng bansa. Huwag lamang suriin ang paninindigan at platapormang inihahandog ng bawat kandidato, kinakailangan ding timbangin ang kanilang tunay na intensyon at hangarin para sa posisyong kanilang ipinaglalabanan. Sikaping imulat ang puso’t diwa ng kapwa sa karalitaan ng bayan upang umalpas sa ilang dekadang paghihirap at pang-aabuso.