BINIGYANG-TUON sa The Alphan Forum, isang serye ng mga talakayan ukol sa napapanahong isyu at balita, na pinangunahan ng UP Alpha Phi Beta Fraternity, ang iba’t ibang aspektong pumapaloob sa lumalalang sagupaan ng Ukraine at Russia, at ang epekto nito sa pandaigdigang ugnayan, Marso 7.
Tinipon ng kanilang kapatiran ang ilan sa mga tanyag na gradwadong miyembro nito upang ibahagi ang kanilang kaalaman, hinuha, at saloobin sa naturang giyera.
Binhi ng hidwaan
Sinimulan ni Bobby Tuazon, propesor at political analyst mula sa Center for People Empowerment in Governance, ang talakayan sa pagbabalik-tanaw sa naging ugat ng hidwaang sumasaklaw sa Europa. Aniya, nakababahala ang mga pangyayaring nasasaksihan sa Ukraine at nararapat lamang na ipaunawa sa nakararami ang mga sanhi nito.
Ipinabatid ni Tuazon na maiuugat ang simula ng tensyon sa panahon pa lamang ng Cold War, sa pananaig ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR) at Estados Unidos (USA) bilang mga superpowers na may nauna nang hindi pagkakaintindihan. Binuo ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) upang panatilihin ang seguridad ng ilang nag-aalinlangang estado na nais makiisa sa mga Amerikano at lantarang isantabi ang mga Russo. Natapos ang hidwaan noong 1991 sa pagguho lamang ng USSR at patuloy na operasyon ng NATO. Lubhang ikinabahala ito ng Russia at ikinagalit ang pakikiisa ng ilang bansa, tulad ng Estonia at Latvia, na dating kapisan sa USSR.
Walang humpay ang pagtanggap ng NATO sa mga bagong miyembro at paunti-unting paglapit ng saklaw nito sa Silangang Europa. Ayon kay Tuazon, hindi maiiwasang mabatid ng Russia na isang banta ito sa kaniyang seguridad. Pinagtitibay pa ang pagkabahalang ito nang maisawalat ang ginampanang papel ng USA sa pagpapatalsik sa dating pinuno ng Ukraine noong 2015 at ang pagtalaga ng isang maka-kanlurang pamahalaan– mga hakbang na nagpalala sa duda ng Russia sa NATO at gayundin ang planong ilihis ito sa Ukraine.
Sinikap ng bawat panig na magkasundo sa pamamagitan ng ilang pagpupulong, gaya ng isinagawang Minsk Agreement noong 2015. Sa kabila ng payapang mga negosasyon, bigo pa ring ipatupad ang mga kasunduan.
Humantong sa sukdulan ang mga usapin nang lantarang isusog ng Ukraine sa kaniyang konstitusyon ang probisyong naglalayong sumapi sa NATO noong 2015.
“This is, I think, the most critical as far as Putin is concerned. The Ukrainian government added in its constitution that it will work for its membership in the North Atlantic Treaty Organization. Ukraine, of course, borders Russia and if it becomes a member of NATO that’s it. Ukraine is crossing the red line. . . NATO is crossing the red line because anytime [they] can install missiles that will threaten territorial integrity and the millions of Russians populating the territory,“ mariing pahayag ni Tuazon ukol sa katalistang nagdulot sa sumunod na mga hakbang ng Russia.
Sa paglipas ng mahigit pitong taon, nangyari na nga ang ikinatatakot na bakbakang pilit na iniiwasan ng dalawang bansa. Dagdag ni Tuazon, bagamat nananalaytay ang puot sa kabilaang panig, umaasa pa rin siya na mananaig ang diplomatikong pamamaraan sa pagsugpo sa krisis na ito.
Kahalagahan ng diplomasya at estado ng pandaigdigang politika
Bumaling ang usapan patungo sa masusing gampanin ng diplomasya sa paglutas sa krisis sa pamumuno ng dating Permanent Representative ng United Nation na si Lauro Baja Jr. Pawari ni Baja na isang ganap na pandaigdigang problema ang kinahaharap na hidwaan.
“The crisis, I think, is a miscalculation, misreading, misassessment of each other’s position,” paglalahad ni Baja tungkol sa diplomatikong ugat ng sigalot sa Europa.
Binigyang-diin naman ni Baja ang pagpapataw ng sanctions bilang mahalagang aspekto ng diplomasya. Maituturing aniya na pinakamalaking parusang pang-ekonomiya sa kasaysayan ng mundo ang mga kasalukuyang ekonomikong kaparusahang ipinapataw sa Russia. Bagamat mabigat na dagok, hindi maiwawaksi na may kapalpakan ang proseso sapagkat naaapektuhan din nito ang pandaigdigang merkado.
Sunod na tinalakay ang usapan sa papel na ginagampanan ng United Nations (UN) upang wakasan ang digmaan. Inilahad ni Baja na walang-humpay ang balitaktakan sa organisasyon para malutas ang pag-aaway sa Silangang Europa. Ibinida niya ang huling resolusyong inilibas ng UN na kumokondena sa naturang hidwaan. Sa kabilang banda, mariing ipinabatid ni Baja na walang “binding effect” ang resolusyon ngunit may politikal na kapangyarihan na lalong inilulugmok ang Russia sa mata ng mundo.
“While verbal bombs are filling the halls of the UN, the actual bombs are falling in the fields of Ukraine, “ pabirong inilahad ni Baja ukol sa mga kaganapan sa UN.
Mitsa ng pagbagsak
Higit sa imahe ng tunggalian sa pagitan ng awtokrasya at demokrasya ang nangyayari sa Europa sapagkat isiniwalat ni Benjamin Muego, Associate Dean ng PWU Helena Z. Benitez School of International Relations and Diplomacy, na isa itong giyera na sanhi ng takot at naganap na digmaan sa nakaraan. Ayon sa kaniya, layunin ni Putin na pigilan ang pakikibahagi ng Ukraine sa NATO dahil din sa pagiging buffer state o pagiging isang bansa na napapaligiran ng mga makapangyarihang estado.
“. . . below Ukraine you have Moldova and on the left Slovakia, Poland, and Romania, which [Ukraine] share a common border with. So if it is eliminated from the picture it is no longer going to be a threat to join NATO. Then Putin would have essentially been sharing common quarters with those NATO UN member states.”
Bagamat nakapagdulot ng matinding takot sa mga Ukranian ang pagkilos ng militar ng Russia, tila isang malaking pagkakamali ang desisyon ito matapos nitong hindi magtagumpay na baguhin ang isipan ni Presidente Volodymyr Zelensky at ng buong Ukraine na hindi na umanib sa NATO at European Union. Iginiit ni Muego na maaaring inakala ni Putin na mauulit lamang ang nangyari sa Quebec at mapasusuko niya ang Ukraine ng walang anomang dahas, katulad ng ginawa ng mga Soviet sa Crimea.
Sa sunod-sunod na maling kalkulasyon at paglalabas ng militar at malalaking armas ni Putin, ipinaliwanag ni Muego na umabot na ito sa puntong matindi nang naapektuhan ang pinansyal na kapasidad ng Russia. Inaasahan mang tumiklop at sumuko ang kanilang kalaban, tila hindi ito mangyayari lalo na’t sinusuportahan ng Estados Unidos, kabilang ang 29 na bansa na miyembro ng NATO, at dating kaalyado ng Soviet,ang Ukraine sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga armas at iba pang kagamitang pang-giyera.
Malaki man ang nakukuhang suporta ng Ukraine sa iba’t ibang panig ng daigdig, hindi maikukubling ang panganib sa kanilang seguridad ang naging mitsa upang kilalanin ito ni Muego bilang isa sa pinakamalaking refugee sa bagong kasaysayan. Sa huli, pinaaalala niya sa lahat na hindi nakukulong ang epekto ng naturang giyera sa Ukraine, Russia, NATO, at mga kaalyado nito.
“. . . It doesn‘t matter where you are. Whether you are in Sub Saharan Africa or in East Asia, where we are or in the Caribbean. You know sooner or later this conflict, the ramifications of this conflict are going to be felt by just everyone around the world,” paniniwala ni Muego.
Samantala, bunsod ng lumalalang kaganapan sa Europa at problema sa West Philippine Sea (WPS), binigyang-diin ni Chairperson Temario Rivera ng Center for People Empowerment Governance ang pangangailangan ng Pilipinas ng isang independent foreign policy. Aniya, mayroong dalawang paraan ang susunod na administrasyon upang tugunan ang lumalalang tensyon sa naturang teritoryo, sa pamamagitan ng diplomasya o militarismo.
Maaari mang makapagpatibay ng relasyon sa Estados Unidos ang pagpili sa mas agresibong paraan, naniniwala si Rivera na mas nakaangkla sa realidad ang pagsusulong sa diplomatikong pamamaraan at pagpapaigting sa bilateral at multilateral na mga ugnayan. Sa pamamagitan ng pakikibahagi at pagbuo ng partnership sa ASEAN at China, magkakaroon ang mga bansa na kabilang sa usapin ng WPS ng iisang responsibildad at layunin.
“A regional commons in the West Philippine Sea where the ASEAN and the countries involved with the West Philippine Sea and China would come to agree on. . . how to develop, how to utilize and also very important how to protect the common rich resources. . . It now becomes a common responsibility,”
Nakatatak na sa kasaysayan ang iba’t ibang uri ng pagmamalupit, panunupil, agresibong pag-atake, at iba pang uri ng dahas. Sa mga lumipas na siglong ito, higit sa ekonomikal at politikal na aspekto ang masidhing pinapatay ng giyera sapagkat mismong buhay at dugo ang dumanak para maipaglaban ang mapayapang kinabukasan. Sa nangyayaring hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia, kasalanan ang pumikit at piliing maging tahimik habang maraming buhay ang kinikitil. Hindi magtatagal unti-unting mararamdaman ng buong mundo ang epekto nito sa pang-araw-araw na pamumuhay at magiging kasalanan ng lahat kung muling hahayaang maranasan ng sambayanan ang mapait na kasaysayan.