PINATUNAYAN ng mga Kabitenyo na kaagapay sila nina Bise Presidente at kandidato para sa pagkapangulo Leni Robredo, kandidato para sa pagka-bise presidente Kiko Pangilinan, at ang kanilang mga kapartido sa laban para sa malinis at tapat na pamamahala sa campaign rally na ginanap sa General Trias Sports Park, General Trias, Cavite, Marso 4. Tinatayang mahigit 47,000 katao ang dumalo upang ipakita ang kanilang mainit na suporta at pagmamahal sa tambalang Robredo-Pangilinan.
Pinangunahan ni Cavite Provincial Board Member Kerby Javier Salazar ang pag-oorganisa sa campaign rally, habang sinigurado naman ng hanay ng kapulisan ang kaligtasan ng mga dumalo sa naturang aktibidad. Tila hindi mahulugan ng karayom ang naturang lugar sa dami ng dumalo na nagmula pa sa iba’t ibang bayan ng Cavite, katulad ng Carmona, GMA, Silang, Dasmariñas, Rosario, Bacoor, Tanza, at General Trias na nagparamdam ng kanilang.suporta sa tambalang Robredo-Pangilinan at mga kapartido nito.
Hindi rin nagpahuli sa pagpapakita ng suporta ang mga nasa sektor ng kabataan, kababaihan, at manggagawa mula sa iba’t ibang progresibong grupo, katulad ng Kabataan Partylist, Akbayan Partylist, Youth Vote for Leni, Youth Volunteers for Leni, at marami pang iba.
Serbisyong walang makahahadlang
Tila isang malaking sampal sa Gobernador ng Cavite na si Jonvic Remulla ang ginawang pagtindig ng libo-libong Kabitenyo sa ginanap na campaign rally matapos niyang ipangako sa anak ng dating diktador at kandidato para sa pagka-pangulo na si Bongbong Marcos ang solidong 800,000 boto para sa kaniya mula sa mga Kabitenyo.
Bago pa man ang araw ng campaign rally, kumalat na ang balitang ipinasara umano ng pamahalaang panlalawigan ang ilang kalsada sa naturang Sports Park at mga kalapit nitong lugar upang pigilan ang pagpunta ng partido ni Robredo sa probinsya. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mga volunteer mula sa Cavite at gumawa pa rin sila ng paraan upang makarating ang mga kandidato sa General Trias Sports Park.
Walang anomang uri ng hamon ang humadlang kay Robredo upang makarating sa lugar ng campaign rally. Bagamat naipit sa mabigat na trapiko dulot ng pagsasara ng maraming kalsada, mayroong naghandang paangkasin siya sa motorsiklo at ihatid sa destinasyon. Ipinakita lamang niyang walang makahahadlang sa kaniyang pagnanais na humarap sa libo-libong tagasuporta na naghihintay na marinig ang kaniyang plataporma at intensyon para tumakbo bilang susunod na pangulo ng bansa.
Prinsipyong hindi nababayaran
Nagkaisa ang kabataan, kababaihan, manggagawa, at iba pang sektor upang maisakatuparan ang itinuturing na pinakamalaking campaign rally na pinangunahan ng mga boluntaryo. Sa ginanap na rally, ipinakita ng mga dumalo ang kanilang radikal na pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan nang pagbibigay ng libreng pagkain at inumin, at pag-alok ng libreng transportasyon.
Sa pagsisimula ng programa, naghandog ng awitin ang ilang personalidad sa bansa at nanawagan silang bumoto para sa pamahalaang malinis at tapat sa mamamayan. Ipinaalala nilang hindi kailanman mabibili ang kanilang prinsipyo at taliwas ito sa patuloy na iginigiit na bayaran ang mga taga-suporta ng tambalang Robredo-Pangilinan. Gaya ng kanilang paulit-ulit na isinisigaw, “hindi kami bayad!”
Inilatag naman ng mga kandidato sa pagka-senador na sina Atty. Chel Diokno, Atty. Sonny Matula, Atty. Alex Lacson, dating Senador Sonny Trillanes, Senador Risa Hontiveros, at Senador Dick Gordon ang kanilang mga plataporma at adbokasiyang tutugon sa kasalukuyang problemang kinahaharap ng bansa. Ipinagmalaki ni Colmenares na may integridad, matapat, at malinis ang pamumuno ni Robredo. Ipinanawagan din niyang oras na para ilampaso ang kandidatong sinungaling at magnanakaw.
Hustisya naman ang isinigaw ng mga taga-Cavite nang magbigay ng mensahe ang tagapagsalita ni Senador Leila de Lima. Matatandaang limang taon nang nakabilanggo si De Lima matapos siyang ipakulong ng rehimeng Duterte dahil sa matapang niyang pagtindig sa giyera kontra droga ng administrasyon.
Sa huli, nanawagan ang mga kandidato para sa pagka-senador na iluklok sila sa posisyon para masigurado ang isang gobyernong tapat lalo na’t kinakailangan nina Robredo at Pangilinan ang kanilang suporta kung sakaling maihalal sa tinatakbuhang posisyon. Hinimok din nila ang lahat nang dumalo na bumoto nang tama, tumindig sa katotohanan, at labanan ang pagpapakalat ng maling impormasyong may layuning baguhin ang kasaysayan, upang ganap nang umunlad ang bansa at ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.
Sa kabila ng maraming dahilan para hindi matuloy ang campaign rally, pinatunayan ng libo-libong Kabitenyong dumalo na hindi kailanman madidiktikhan ng sinomang nasa katungkulan ang kanilang prinsipyo at tibay ng loob na lumaban para sa kanilang pag-ibig sa bayan. Kaisa ang mga taga-Cavite sa patuloy na pagtataguyod ng gobyernong tapat—dahil sa gobyernong tapat, tuluyang aangat ang buhay ng lahat. Kilala ang Cavite na lugar ng matatapang at handang manindigan para sa katotohanan, kaya naman sa darating na halalan, palaban at matapang na isisigaw ng mga Kabitenyo, “isang Cavite para kina Leni-Kiko!”