Para sa iba, isang normal na bahagi lamang ng buhay ang edukasyon. Pagsapit ng edad na tatlong taon, sisimulan na ang pagpasok sa paaralan—mag-aaral magbilang, magbasa, sumulat, kumulay, at iba pa. Pagkatapos ng isang araw ng klase, uuwi na sa bahay, ikukuwento ang mga natutuhan sa mga magulang na naghihintay, at laging may pangakong kinabukasan upang muling pumasok sa paaralan at matuto.
Gayunpaman, iba ang takbo ng buhay para sa mga Lumad. Malayo sa lungsod, hindi sila naaabot ng mga serbisyo ng gobyerno. Umaasa lamang sila sa mga paaralang Lumad na pilit ipinasasara at inuusig ng militar. Para sa mga boluntaryong guro naman ng mga paaralang ito, dahas at minsan pagkalagot ng buhay ang nagiging kapalit ng kanilang piniling bokasyon. Tila araw-araw, namulat ang mga Lumad na walang kasiguraduhan kung may paaralan or guro pa ba silang madadatnan.
Sa gitna ng laban ng mga Lumad para sa edukasyon at para sa lupang ninuno, nagsagawa ang UP Junior Marketing Association (UP JMA), katuwang ang Save Our Schools Network, ng isang online concert na pinamagatang Cosmos: An OPM Festival nitong Marso 5. Ilan lamang sa mga nagtanghal sa programang ito sina Clara Benin, The Itchyworms, Munimuni, at Lola Amour. Bitbit ang himig at musika, layon ng programang kumalap ng pondo para sa mga paaralang Lumad at palawigin ang panawagan para sa hustisya, edukasyon, at karapatan sa lupang ninuno ng mga Lumad.
Kanlungan ng kinabukasan at mapagpalayang edukasyon ng kabataan
Pananangis para sa mga namayapang “New Bataan 5”—mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao at boses ng mga Lumad na sina Chad Booc, Gelejurain Ngujo II, Elgyn Balonga, Tirso Añar, at Robert Aragon—ang panimulang bumungad sa mga panauhing nakibahagi sa tahimik, ngunit hindi mapakaling gabi ng pagdiriwang. Masusing paglilitis sa krimen ang masugid na hinihiyaw upang mabigyang-katarungan ang karumal-dumal na pagkitil sa kanilang mga itinatanging buhay. Kaakibat nito ang panawagang itigil ang karahasan at hindi makatuwirang pagpaslang sa pamayanang Lumad.
Ipinamalas naman ni Eza ang kaniyang tinig na mistulang huni ng ibon na unti-unting nagpahinahon sa nagpupumiglas na damdamin at nababalisang gabi ng mga tagasubaybay. Hatid din ng sumunod na nagtanghal na si Maki ang swabeng boses na tumulong upang pakalmahin ang namimintig na puso ng mga dumalo. Hindi naman nagpahuli ang tambalang allen&elle nang ipamalas nila ang kanilang nakamamanghang pagsasatinig na dinaig pa ang alapaap na binuo ng mga tala.
Ibinahagi naman ni Rose Hayahay ang kaniyang tunay at mapait na karanasan sa paglilingkod bilang isang boluntaryong guro ng Lumad Bakwit School sa Metro Manila. Aniya, “ang edukasyon [ay] nagiging hadlang sa pagpasok ng mga lalakihing minahan [at] dambuhalang plantasyon, mga banana plantation, mga mining companies. . . nakakaranas ng dahas, nakakaranas po ng. . . militarisasyon ang Lumad po nating komunidad.” Sa kabila ng mga lumalalang kaso ng pag-atake sa mga katutubong Lumad at pandarambong sa kanilang pinangangalagaang kalupaan, pinili pa rin niyang manindigan at lumaban bitbit ang pag-asang mapayapa at malaya na nilang maipagpapatuloy ang hangaring makapag-aral sa lupaing matatawag nilang kanila. “Kailangan may tumindig, kailangan po na maipahayag namin ang aming mga karanasan doon sa Lumad communities sa maraming tao,” pagdidiin ni Hayahay.
Isa rin si Datu Benito Bay-ao, pinuno sa komite ng edukasyon ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon (Unity for the Defense of Ancestral Land) Community Learning Center, sa naniningil ng hustisya para sa mga akusadong pinaslang. Nais din niyang matuldukan ang palasak na diskriminasyon sa mga Manobo at ang patuloy na panghihimasok ng mga mapang-abusong kompanya sa kanilang lupaing ninuno. Tanging hiling niya lamang na matulungan silang mabawi ang nararapat mapasakanila, tulad ng pagpapahintulot na maibalik ang mga paaralang Lumad sa kanilang panliping komunidad nang hindi na nanganganib ang kanilang buhay. “Gusto namin matahimik. . . gusto lang po namin sa mga magulang na marunong bumilang ang mga bata at bumasa, ‘yun lamang po ang aming hinihiling,” giit ni Bay-ao.
Minarkahan naman ng bandang Oh, Flamingo! ang pagtungtong sa tinatayang isang daang libong halaga ng donasyong nalikom sa pagdiriwang—isang tanda ng suportang iniaalay ng madla sa mga Lumad sa kanilang laban para sa karapatan sa edukasyon at kalupaan. Sa paglalim ng nakalulugod na gabi, lalo pang binuhay ng Lola Amour at The Itchyworms ang diwa ng mga manonood sa magkahiwalay na pagtatanghal. Mahaba-haba pa ang okasyon ngunit unti-unti nang naaaninag ang pag-asang magpapa-udyok sa mga katutubong Lumad na muling bumangon at patuloy na lumaban sa mga pang-aalipusta ng kapangyarihang militar. Maalab naman itong tinanghal ng mga kaibigan natin mula sa naturang paaralan sa pamamagitan ng isang mapagkahulugang sayaw habang ipinapakita ang suliraning malimit nilang harapin—ang walang lubay na pagbabanta sa kanilang hindi matatawarang buhay.
Para sa maaliwalas na bukas
Marapat ang lahat sa isang dekalidad na edukasyon, lalo na’t nagsisilbi itong tulay tungo sa isang mapagpayabong na buhay. Bagamat napuno ng aliw ang ating mga puso sa mga nakaaantig na himig ng mga mang-aawit na nakiisa sa misyon at layunin ng Cosmos, kintal sa kabuuan ng programa ang mensaheng nais nitong ipabatid—na sa kabila ng panggigipit, mananatiling nakatindig para sa hustisya at kanilang mga karapatan ang mga Lumad. Patuloy silang lalaban para sa kanilang mga guro’t kasamahang pinaslang dahil sa kanilang prinsipyo’t taglay na katarungan.
Binabalot man ng takot at pangamba ang mga Lumad dala ng kanilang mga karanasan, kanilang tangan ang suporta ng mga taong kasama nilang tumindig sa kanilang patuloy na pagsulong para sa kanilang karapatan sa edukasyon at sa lupang ninuno. Patunay ang bawat sentimong kanilang nakalap sa tulong ng Cosmos. Padilimin man ng sari-saring pwersa ang apoy ng mga Lumad, patuloy itong magbabaga para ipaglaban ang isang maaliwalas na bukas.