UMAARANGKADA, UMAALPAS, AT UMAATIKABO—ganito mailalarawan ang karera nina xavi8k, Acervus, Grossof, Vintage, Guelson, Ya0, at W1lly ng Viridis Arcus (VA) sa paglalaro ng Valorant para sa Pamantasang De La Salle (DLSU) sa iba’t ibang Esports competition. Pinatutunayan ng mga manlalaro ng koponang Valorant ng VA na kaya nilang mamayagpag sa mga sinasalihang torneo at paigtingin ang kanilang team chemistry tuwing humaharap sa anomang hamon.
Ipinamalas ng mga manlalarong Lasalyano ng Valorant ang kanilang husay at katatagan nang masungkit ang inaasam na kampeonato sa University Alliance Cup (UAC) Valorant Season 3 noong Oktubre 2021. Masidhing determinasyon at hangarin ang ipinakita ng koponan nang mapayuko ang Far Eastern University Institute of Technology iTamaraws sa kanilang laban noong finals ng nasabing torneo.
Matapos mapasakamay ang kampeonato, hinirang ang koponang Valorant ng VA bilang three-peat champion sa UAC matapos ding mapagtagumpayan ang Season 1 at Season 2. Kaakibat nito, itinanghal bilang most valuable player ang scoring machine na si xavi8k na nakapagtala ng kabuuang 99 na kill, 49 na death, at 18 assist noong UAC Valorant Season 3.
Pagbuo ng samahang hindi natitinag
Napagdesisyunan nina xavi8k, Acervus, Grossof, Vintage, Guelson, Ya0, at W1lly na bumuo ng koponang VA para sa larong Valorant. Kaakibat nito, nakatanggap sila ng tulong mula sa mga manlalaro ng Loyola Gaming. Anila, “we were inspired by Ateneo to make a Valorant team because they already had one. The Loyola Gaming manager helped us contact Viridis Arcus.”
Sa pagsali ng magkakaibigan at magkakampi sa VA, nabigyan ang kanilang koponan ng mga oportunidad na makalahok sa iba’t ibang lokal at internasyonal na torneo. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), inilahad ng mga manlalaro na nakasali sila sa iba’t ibang internasyonal na torneo upang itayo ang bandera ng Pilipinas. “We represented the Philippines twice in CVCI [Cyberathlete Valorant Collegiate Invitational] Valorant Tournament and PVP [Player Versus Player] Esports Championship,” pagbabahagi ng mga estudyanteng manlalaro.
Idinetalye rin ng mga manlalarong Lasalyano ang kanilang pamamaraan ng pag-recruit ng mga manlalaro. “We started out as a group of friends and slowly recruited other students with potential in the game. We posted a try-out in DLSU Community Forum and that’s where we got most of our starting player,” pagbabahagi nila.
Nahasa naman ang abilidad at samahan ng mga manlalaro ng Valorant ng VA bunsod ng mga oportunidad na kanilang natanggap sa paglalaro. Kaakibat nito, napabilang ang mga manlalarong Lasalyano sa iba’t ibang propesyonal na koponan sa Pilipinas, gaya ng Bren Esports, Sunsparks, Tyrant, Empire Esports, AD Infinitum, at EZR Esports. Dagdag pa nila, nakatanggap din sila ng mga benepisyo, tulad ng mga peripheral at perang papremyo.
Sama-samang pagharap sa mga balakid
Nagtutulungan ang bawat kasapi ng mga collegiate Esports team upang mapagtagumpayan ang mga sinasalihang torneo. Para mapaigting ang kanilang team chemistry, inihayag ng mga kasapi ng koponang Valorant ng VA na nakatulong ang kanilang halos araw-araw na pag-eensayo upang mas makilala ang isa’t isa. Bukod dito, iginiit ng mga manlalarong Lasalyano na naging solido ang kanilang samahan buhat ng kanilang hindi nagkakalayong estilo ng paglalaro.
Hindi naman maiiwasan ang hindi pagkakaunawaan ng bawat manlalaro ng VA. Inihayag ng mga manlalaro ng Valorant ng VA sa APP na kabilang sa kanilang mga naging pagsubok ang kakulangan sa pakikipagkomunikasyon. “Our busy schedules in school and communication with each other were our main problems. We just decided on a time where everyone was available for practice and scrims twice a week,” ani ng UAC Valorant three-peat champions.
Gayunpaman, buong tikas na nilampasan ng mga manlalarong Lasalyano ang kanilang mga kinaharap na balakid sa pamamagitan ng pagiging bukas at maunawain sa bawat isa. “Individually, we were all mechanically skilled in the game; however, we just needed time and experience to build chemistry with each other,” wika ng mga manlalaro ng koponang Valorant ng VA.
Pag-abot ng mga mithiin
Masigasig na hinaharap ang pinapangarap ng koponang VA Valorant para sa kanilang organisasyon. Buhat nito, hangad ng mga manlalarong Lasalyano na makatanggap ng mas maraming suporta at oportunidad ang iba pang mga koponan ng VA mula sa mga Esports tournament. “The opportunities we received in the Valorant scene, we hope that the other Esports such as CODM, Wildrift, and League of Legends will be able to experience these as well,” giit ng mga kampeon ng UAC Valorant.
Sa kabilang banda, maliban sa mga parangal at tagumpay na nakamit ng bawat koponan sa mundo ng Esports, iisa lamang ang sinisigaw ng kanilang puso at damdamin—ang kilalanin sila bilang isang tunay na mga manlalaro na lumalahok sa iba’t ibang kompetisyon, katulad ng mga atleta sa basketball, volleyball, football, at iba pa.
Nag-iwan naman ng nakaaantig-damdaming mensahe ang mga kasapi ng VA para sa mga estudyanteng nangangarap na maging propesyonal na manlalaro sa mundo ng Esports. Payo ng mga manlalaro, “chase your dreams in Esports and work towards it but don’t neglect your studies. You can never be too sure with Esports as your main source of income as a student. It doesn’t hurt to stay in school as a backup plan. You can play and have fun, but always know your priorities.”
Tunay na hindi pahuhuli ang mga estudyanteng manlalaro ng DLSU sa pakikipagtagisan ng kanilang husay sa larangan ng Esports. Pinatunayan ito ng VA Valorant team matapos mapabilang at mamayagpag sa mga lokal at internasyonal na torneo. Kasabay nito, asahang patuloy na aarangkada at aalpas ang mga manlalarong Lasalyano ng Valorant sa makulay na mundo ng Esports.