PAG-ARANGKADA bitbit ang kaniyang pole sabay ang pagbuwelo upang makamit ang tamang porma sa ere—isang pangkaraniwang imahe ng isang pole vaulting event na binigyang-diin ng kahanga-hangang pagpapakitang-gilas ni Ernest John “EJ” Obiena sa naturang larangan. Nabalot man ng kontrobersiya ang kaniyang paglahok sa kaliwa’t kanang kompetisyon, namutawi ang angking disiplina at kakayahan ng atleta na naging sangkap sa matagumpay niyang karera sa larangan ng Track and Field.
Ipinamalas ng naturang pole vaulter ang kaniyang kahusayan sa pagtala ng 5.93 meters na lundag sa 2021 Golden Roof Challenge sa Austria na binasag ang 5.92 meters na Asian record ni Igor Potapovich ng Kazakhstan na tumagal nang 23 taon. Hinigitan din ng kaniyang bagong tala ang kaniyang personal best na 5.91 meter-leap na kaniyang natamo sa 2021 Paris Diamond League. Buhat nito, nakamtan ng naturang atleta ang gintong medalya sabay ang pagtamo ng titulong pinakamahusay na pole vaulter sa Asya.
Hindi rin nagpahuli si Obiena sa kaniyang paghataw kontra sa mga bansa sa labas ng Asya matapos kilalanin ng World Athletics ang kaniyang mga karangalan na may katumbas na 1,361 points. Bunsod nito, kinilala siya bilang ikalima sa listahan ng pinakamagaling na atleta sa buong mundo sa larangan ng Men’s Pole Vault.
Masilakbong pamumukadkad
Lumaki si Obiena sa pamilya ng mga atleta kabilang ang kaniyang ama na si Emerson Obiena, dating Southeast Asian (SEA) Games silver at bronze medalist sa parehong larangan na Men’s Pole Vault. Tila malaki ang naging impluwensya ng kaniyang pamilya sa pagpasok ni Obiena sa mundo ng Track and Field sapagkat nagsilbing tagapagsanay niya ang kaniyang ama sa kaniyang pagtalon noong nag-uumpisa pa lamang siya maglaro.
Bunsod ng kaniyang angking talento, nasungkit ni Golden Boy Obiena ang unang puwesto sa SEA Games na ginanap noong Disyembre 2019 matapos pumukol ng 5.45 meter-leap. Kinapos man ang atleta sa kaniyang pagtatangkang mapagtagumpayan ang 5.5 meters, sapat na ito upang mangibabaw at tuluyang isahan ang kaniyang mga katunggali.
Kasunod nito, nakuha ng Pinoy pole vaulter ang tala na 5.81 meters—higit sa olympic qualifying standard na 5.80 metro—sa kaniyang muling pagsabak sa 2019 Salto Con L’asta Champion sa Italy. Bunsod nito, kinilala siya bilang kauna-unahang Pilipino na tumuntong sa larangan ng Men’s Pole Vault sa 2020 Summer Olympics sa Japan para subukang makapagdala ng parangal sa bansa.
Sa kabilang banda, hindi naman natigil si Obiena na magtungo sa Europa upang salihan ang apat na prestihiyosong paligsahan. Niyanig ni Obiena ang mundo ng palakasan matapos sumalang sa 2021 ISTAF meet sa Germany. Nakuha nina Obiena at Torben Blech ng Germany ang 5.80 mark. Subalit, iginawad kay Obiena ang gintong medalya sa matagumpay na pagtalon sa unang pagtatangka, habang nakamit ng kaniyang kalaban ang parehong tala sa ikalawang pagtatangka.
Tumuloy rin si Obiena sa Poland para magkipagtagisan ng galing sa Orlen Indoor Cup 2021. Nasalat man siya sa pagkamit ng kampeonato, naabot naman ni Obiena ang ikalawang puwesto para sa kompetisyon na may tala na 5.86 meters. Matapos nito, nanguna rin ang atleta sa Jump and Fly International Athletics Meet sa Germany matapos lagpasan ang 5.85 mark. Sa dulo, hinirang siyang first runner-up sa Irena Szewinska Memorial 2021 sa Poland at nakamit ang 5.87 meter-leap bago lumarga para sa Tokyo Olympics.
Pagsabak sa hamon ng Olympics
Buong tapang na hinarap ng natatanging Pinoy Pole Vaulter ang hamon ng Tokyo 2020 Olympics noong Agosto 3, 2021 sa Japan. Tagumpay ang kinatawanan ng Pilipinas nang lampasan niya ang 5.70 meters mark matapos ang dalawang bigong pagtatangka. Sa kabila nito, napabilang si Obiena sa finals na sumubok na lusutan ang 5.80 mark.
Tuluyang natanggal sa kompetisyon ang pambato matapos kapusin sa swerte upang lumundag sa ibabaw ng 5.80 mark. Kaakibat nito, hindi nanaig ang atleta at nagtapos siya sa ika-11 puwesto sa naturang kompetisyon katuwang ang 5.70 mark na malayong malayo sa kaniyang personal best na 5.87 meters. “It has been a hard pill to swallow that I wasn’t able to perform to the best of my abilities on the day I needed it most. It’s even harder to just say ‘it is what it is’ and bad days come and go,” pagbabahagi niya sa kaniyang Facebook post.
Tagumpay sa kabila ng mga suliranin
Sa kabila ng kaniyang kinahaharap na isyu sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), hindi ito humadlang sa kaniyang pagsabak sa mga kompetisyon at magtamo ng medalya para sa Pilipinas. Matatandaang pinaalis at sinampahan ng criminal charges of estafa si Obiena matapos magsagawa ang PATAFA ng imbestigasyon.
Mistulang kalbaryo rin ang naranasan ni Obiena matapos niyang sumailalim sa isang knee surgery upang maayos ang kaniyang iniindang sakit sa kaliwang tuhod. Gayunpaman, matagumpay na pumadyak si Obiena patungo sa kaniyang ikalawang gintong medalya sa Orlen Copernicus Cup sa Torum, Poland. Sinelyuhan ni World’s No. 5 pole vaulter ang kampeonato sa kaniyang ikatlong pagtatangka matapos magwagi rin sa Orlen Cup sa Lodz, Poland.
Sa kasalukuyan, nais ni Obiena na mahigitan pa ang kaniyang personal best na 5.93 metro—pinakamataas sa buong Pilipinas at sa buong Asya. Bagamat kakagaling lamang sa isang operasyon sa tuhod, pansamantala muna niya itong isinantabi upang maipamalas ang buong galing at pokus sa kaniyang mga sinalihang torneo.
Pagtupad sa minimithing tagumpay
Matapos ang matagumpay na pagpapakitang-gilas sa nakalipas na Orlen Cup sa Poland, tiniyak ni Obiena ang kaniyang puwang sa World Indoor Championships na gaganapin sa Marso 18 hanggang 20 sa Belgrade, Serbia at sa world championships na magaganap sa Hulyo 15 hanggang 24 sa Eugene, Oregon. Pagkatapos ng kaniyang pagkapanalo, ibinahagi ng atleta na ang matapang na pagharap sa bawat unos ng buhay ang tunay na daan sa tagumpay. “As I observe the best in athletics, a key element of being a true champion is managing adversity,” saad ni Obiena sa kaniyang Facebook post.
Nagsilbing inspirasyon para sa mga mamamayan ang paghagupit ni Obiena sa mga kompetisyon at pag-uwi ng mga parangal para sa bandera ng Pilipinas sa larangan ng Men’s Pole Vault. Isang umaatikabo at makabayang pagkilos ang patuloy na pagbitbit ng watawat ng Pilipinas saan mang panig ng mundo sa kabila ng mga kinaharap na hamon bilang atleta.
Nananatili ring matatag si Obiena sa pagbagtas ng kaniyang karera sa pole vaulting na isang patunay na hindi matitibag ng kahit anong unos ang kaniyang hangarin na magsanay at lumahok sa mga kompetisyon. Bunsod nito, hindi nararapat na ibaling sa limot ang makasaysayang kontribusyon at ipawalang-bisa ang sakripisyo ni Obiena sa mundo ng palakasan.