Higit sa kawalan ng katiyakan sa gitna ng pandemya ang nagpalala sa takot ng mga Pilipino sapagkat naging malaking banta rin sa kanilang karapatang pantao ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 (Terror Law). Bunsod ng samu’t saring ingay at protesta sa lansangan at social media, mariin ang naging pagsipat ng taumbayan na magiging instrumento ito sa patuloy na pang-aabuso sa mga mamamayang Pilipino.
Sadlak na kalayaan
Sa mata ng mga mamamahayag at eksperto sa larangan ng politika, malinaw na mabilis na ipinasa ang batas upang mapalawak ang kapangyarihan ng gobyerno at mapatahimik nito ang mga kritiko. Ayon kay Alec Regino, manunulat para sa The Washington Post, “unable to control the narrative as the nation’s poorest starve, Duterte is instead diverting attention by attempting to put a muzzle on the opposition.”
Bagamat nagwaging maisabatas ang Terror Law, hindi tumitigil ang taumbayan na patunayang labag ito sa Konstitusyon. Simula Hulyo 4, 2020, isang araw pagkatapos itong isabatas, may inihain nang petisyon kontra dito. Sumunod pa ang maraming petisyon at sa kabuuan, nakatanggap ang Korte Suprema ng 37 petisyon na nagtulak sa kanila upang dinggin ang mga argumento at mas suriin ang nilalaman ng batas.
Tila matagal pa ang laban matapos ideklara ng Korte Suprema noong Disyembre 7, 2021 na dalawa lamang sa naturang batas ang hindi Konstitusyonal—ang Seksyon 4 at Seksyon 25. Sa botong 12 for at 3 against, napawalang-bisa ang Seksyon 4 na nagsasaad na maaaring ituring na terorista ang sinomang may layong magdulot ng kamatayan o malubhang pisikal na pinsala sa isang tao, ilagay sa panganib ang buhay ng isang tao, o lumikha ng isang seryosong panganib sa kaligtasan ng publiko.
Samantala, idineklara namang labag sa batas ang Seksyon 25 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Anti-Terrorism Council (ATC) na ideklara ang isang indibidwal na terorista sa oras na makakita ng sapat na batayan o probable cause batay sa nakasaad sa resolusyon ng United Nations Security Council Blg. 1373.
Mistulang naging pampalubag-loob lamang ang naging desisyon ng Korte at nananatiling nangangapa sa kawalang katiyakan ang taumbayan. Inamin ni Edre Olalia, pinuno ng National Union of Peoples’ Lawyers, sa isang panayam sa Business Mirror, na nakapanghihinayang na dalawa lamang sa mga probisyon ng batas ang idineklarang labag sa Konstitusyon dahil nangangahulugan na mananatili pa rin ang ilan sa mapanganib na probisyon ng Terror Law, tulad ng legal na pag-aresto ng walang warrant, wiretapping, pagtatalaga ng ATC ng mga terorista, at iba pa.
“We will certainly regroup and close ranks and file a motion for reconsideration. We will not allow the dying of the flickering light of our basic rights,” paninindigan ni Olalia.
Bahid ng pasismo
Sa isang bansang laganap ang pang-aabuso sa karapatang pantao, hindi maikukubling mas kinukulong ng Terror Law ang taumbayan sa gitna ng pagkaganid at pang-aabuso. Para sa isang mag-aaral ng De La Salle-College of Saint Benilde na si Francis Llado, hindi malinaw ang mga probisyon at pagkakakilanlan ng Terror Law dahil hindi nito natutugunan ang mga tunay na problemang hangad na masolusyunan. Sa halip, nagsisilbi lamang itong agresibong hakbang upang pabanguhin ang palpak na sistemang umiiral sa bansa.
Pagbabahagi ni Llado sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), “ginagamit ang ATL para sindakin, patahimikin, at masama, patayin ang kung sino man ang tumutol sa mapanakot at matapang na paghahari-harian ng mga nakaupo sa gobyerno.”
Matatandaang matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang batas, bumunyag ang iba’t ibang kaso ng pagpatay at pagpapakulong sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, kasapi ng hanay ng mga manggagawa, at mga mamamahayag. Sa unang kaso sa ilalim nito, inaresto at pinarusahan ang dalawang Aeta sa Zambales na sina Japer Gurung at Junior Ramos dahil sa paglabag nila sa Seksyon 4 sa pamamagitan ng pagpatay sa isang opisyal ng militar at pagmamay-ari ng mga armas.
Gayunpaman, taliwas ito sa pahayag ng dalawang biktima sapagkat matapos nilang tumakas dahil sa narinig na barilan sa kabundukan, hinuli, kinulong, at pinahirapan sila ng mga militar nang anim na araw upang piliting sabihin sa awtoridad na miyembro sila ng New People’s Army.
Sa huli, nanawagan si Llado sa mga mamamayang Pilipino, lalo na sa mga kabataan na huwag matakot makinig sa hinaing ng masa at makiisa sa kanilang ipinaglalaban upang maunawaan ang kanilang pinanggagalingan. Hindi magiging madali ang pakikibaka kung kalalabanin ang isa’t isa, kaya naman nararapat lamang na alalahanin na sama-sama nilang bubuwagin ang sistemang mapang-api habang namamayani ang kanilang simpatiya.
Sandigan ng katapangan
Sa kabila ng pambubusal at pang-aabusong maaaring idulot ng Terror Law sa mga karaniwang mamamayan, tila katanggap-tanggap pa rin ito sa paningin ng Korte. Pagpapaalala ni Carl Ieuan Uba, konsehal at pinuno ng People’s Struggles ng University of the Philippines Diliman University Student Council, sa kaniyang panayam sa APP, nakababahala ang mga konkretong implikasyon ng naturang batas sapagkat kumakatig ito sa patuloy na pang-re-red-tag, pagbabanta, at impiltrasyon ng pulis-militar sa mga komunidad. Itinuturing niya ang pagkakatatag ng Terror Law bilang salamin ng naranasang Batas Militar noong rehimeng Marcos dahil sa parehas nitong hangaring isulong ang pasismong panunungkulan ng kasulukuyang administrasyon.
Dagdag pa ni Uba, nakaaalarma ang katangian ng naturang batas sapagkat malawak at malabo ang pagpapakahulugan nito sa salitang terorismo. Aniya, tunay na kasindak-sindak ang Terror Law sa kadahilanang maaaring kastiguhin ang malayang pamamahayag at pakikipag-ugnayan sa kahit anong plataporma sa loob at labas ng bansa.
Bagamat idineklara ng Korte na labag sa Saligang Batas ang dalawang probisyong nasa ilalim ng Terror Law, patuloy pa rin siyang naninindigan para sa panawagang pagbabasura ng batas. “Hinihimok namin sila [Korte Suprema] na maging korte ng taumbayan at hindi korte ng rehimeng Duterte,” pagpapatuloy niya.
Bakas sa mga mensaheng iniwan ni Uba ang diwa at tapang na humahamon sa kamay na mapaniil sa demokratikong pamamahayag ng masa. Bahagi ng kaniyang pagninilay sa kolektibong pagkilos ng mga karaniwang mamamayan ang panghihikayat para sa kritikal na pagmamasid at pag-aaral sa lipunang ginagalawan. Naninindigan siyang hangga’t nabubuhay at namamayani ang pasismo sa bansa, nararapat lamang na magpunyagi at makibaka sa harap ng napakaraming suliranin ng bawat mamamayang Pilipino.
Malinaw na isinasaad ng Saligang Batas ang gampanin ng estado na siguruhin ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng sambayanan alinsunod sa diwa ng demokrasya. Subalit malinaw na sa makalipas ang isang taong pagsasabatas ng Terror Law, mas napalala ang paniniil ng estado na naglalayong magtaguyod ng lipunang puno ng pang-aabuso at pagpapatahimik sa mga miyembro ng lipunang aktibo sa pagpapaabot ng mahahalagang panawagang pambayan.
Bagamat hinirang ng Pangulo ang mga mahistrado ng Korte Suprema, patuloy pa ring nagtiwala ang taumbayan na poprotektahan niya ang kanilang karapatang pantao. Tila lantarang ipinakita sa bayan ang pagkiling ng Korte sa pasistang administrasyon dahil sa inilabas na desisyon. Sa isang demokrasyang patuloy na hinahamon ng panahon, higit na napakahalagang protektahan ang karapatang pantao ng mga mamamayan at patuloy na isulong ang pagbabasura sa batas na patuloy na kumikitil sa kalayaang matagal na ipinaglaban.