HINIMOK ng mga mag-aaral ng De La Salle Medical and Health Science Institute Special Health Sciences Senior High School (DLSMHSI SHSSHS) sa pamamagitan ng isang online film festival na “Limitless: The Future is Fluid,” ang lipunan na wakasan ang diskriminasyon batay sa pagkakakilanlang kasarian, sa isinagawang programa na pinamagatang “Beyond Gender: Coloring Between the Lines with Science,” Pebrero 24.
Umikot ang konsepto ng mga ipinasang pelikula ng mga mag-aaral mula sa DLSMHSI SHSSHS sa kawalan ng pantay na pagkilala at oportunidad sa mga kababaihan at mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ+ sa bansa, at ang patuloy na panananalaytay ng mapangmatang pamantayan sa lipunan.
Layunin ng mga pelikulang itong ihatid ang mensahe ng pagkakaroon ng mas bukas na isipan sa iba’t ibang kasarian at pandayin ang isang lipunang malaya mula sa pagkukubli sa tunay na pagkatao ng bawat indibidwal. “To limit one’s role based on their gender is the mind of the weak. Cut the culture of gender stereotyping,” paliwanag sa Scourge in the Past, isa sa mga maikling palabas na ibinida ng paaralan.
Pagbuwag sa patriyarkal na lipunan
Kasabay ng patuloy na pagbabago at pag-unlad ng lipunan ang matagal na ipinaglalabang pantay na karapatan ng mga kababaihan hindi lamang sa bansa bagkus sa iba’t ibang panig ng daigdig. Gayunpaman, tila walang saysay ang pakikibaka para sa pagkilala ng karapatan at kakayahan ng mga kababaihan habang patuloy pa rin silang minamaliit at pinagkakaitan ng pantay na oportunidad, kung ikokompara sa mga karapatan at oportunidad ng kalalakihan.
Mababakas ang ganitong kultura sa bansa lalo na dahil tinitingnan pa rin ang mga kababaihan sa anyo ng mga tradisyonal at estereotipikal na katangian, katulad ng pagiging ilaw ng tahanan lamang at pagiging malumanay tulad ng isang Maria Clara. Naging binhi ang ganitong uri ng pagtingin sa pag-usbong ng mapanghusgang mata, macho-piyudal na sistema, at mababang pagtrato sa mga kababaihan.
Ipinakita sa palabas na “Babae ka. Hindi babae lang.” na malaking hadlang ang patuloy na pananaig ng diskriminasyon sa kakayahan ng kababaihan na makamit ang kanilang pinapangarap na trabaho. Hindi maikukubling maraming pagkakataon na mas pinapaboran ng mga amo o may-ari ng negosyo ang mga kalalakihan dahil sa ideya na may mas kakayahan sila kompara sa mga kababaihan na madalas naiuugnay bilang emosyonal at mahina sa pisikal na mga gawain.
Sa huli, nanawagan ang mga mag-aaral na oras na para buwagin ang estereotipikong kaisipan dahil hindi kailanman magiging batayan ang kasarian sa kakayahan ng isang indibidwal. Sa panahong mas lumawak na ang tungkulin ng babae sa lipunan, pinatunayan ng naturang palabas na higit pa sa mayuming pagtingin ang pagiging babae dahil may kakayahan din silang makipagsabayan at higitan ang mga kalalakihan sa mga trabahong madalas na inaakalang hindi kakayanin ng kababaihan.
Nanindigan ang naturang palabas na “Hindi na namin hahayaang malagyan ng hangganan ang aming kakayahan. Hindi na namin hahayaang masabihan ng ‘hanggang dito ka lamang.’ Hindi na namin hahayaang manakaw ang pangarap na inaasam.”
Pagbuwag sa makaluma at nakasanayang kaisipan
Bagamat mayroong mga batas na naglalayong pangalagaan ang karapatan ng bawat kasarian, hindi pa rin lubusang tanggap ng lipunan ang komunidad ng LGBTQ+ at patuloy pa rin ang kawalan ng pantay na karapatan para sa mga kababaihan sapagkat matagal nang nakaugat sa isipan ng mga mamamayang Pilipino ang mga mapanghamak na nakasanayang pagtingin. Isang halimbawa na lamang ang pagtatalaga ng kulay rosas bilang pambabae at asul bilang panlalaki. Maliit mang bagay ang pagtatalaga ng kulay, nagbibigay-daan ito upang lalong mas ikahon ang isang indibidwal sa isang limitadong pamantayan.
Isiniwalat sa maikling pelikula na pinamagatang “Colors of the Wind,” na namamayani na ang diskriminasyon simula pagkabata dahil nakasanayan na ang pagtatalaga ng espesipikong kulay, laruan, at kasuotan batay sa biyolohikal na kasarian ng bata. Lumilikha ito ng kaisipang kinakailangang umayon ang bata sa mga kagamitang angkop lamang sa kanilang kasarian. Bunsod nito, pilit na ikinukubli ng mga nasa komunidad ng LGBTQ+ ang kanilang tunay na sarili dulot ng takot na mahusgahan at hindi tanggapin ng lipunan. Iginiit din sa pelikula na patuloy na mangingibabaw ang pangamba sa puso’t isipan ng naturang komunidad hangga’t hindi nila malayang naipahahayag ang kanilang sarili at pagkakakilanlan nang walang kapalit na pangungutya at pang-aabuso mula sa iba.
Samantala, binigyang-diin naman ng nagwaging pelikula na pinamagatang “Clock Beats” ang masamang epekto ang pagkakaroon ng konserbatibong kaisipan sa mental na kalusugan ng mga indibidwal na patuloy na pinipilit na sundin ang pamantayang binuo ng lipunan. Iginiit nila na pinipigilan ng makalumang pananaw ang isang indibidwal na buong kompiyansang maibahagi ang kanilang tunay na pagkatao.
Sa isang lipunang sarado ang isipan sa iba’t ibang kulay at katangian ng kasarian, patuloy ang pakikibaka ng kabataan sa kinabukasang malaya sa diskriminasyon at panghuhusga. Panahon na para tuldukan ang pagkakahon ng lipunan sa ideolohiyang nagbubunga lamang ng pasakit at agam-agam sa mga kababaihan at LGBTQ+. Kaakibat ng patuloy na pagpiglas sa manipetasyon ng diskriminasyon ang pagtaguyod sa bansang malaya at hindi nagdidikta ng anomang uri ng pamatayan.