UMIIGPAW na legasiya ang patuloy na kinikintal ni Green Tanker Christian Sy sa mga sinasalihang internasyonal at lokal na torneo. Buhat nito, masigasig at matagumpay niyang binibitbit ang bandera ng Pilipinas at Pamantasang De La Salle (DLSU) tuwing lumalahok sa mga torneo sa kabila ng malalakas na katunggaling maaaring makasagupa sa swimming pool.
Hindi lamang sa paglangoy nakikipagsabayan si Sy sapagkat isa rin siyang konsistent na dean’s lister sa kaniyang kursong Bachelor of Science in Management of Financial Institutions. Hindi naging balakid para sa naturang Green Tanker ang mga pang-akademikong gawain upang magpunyagi sa parehong entablado ng kaniyang kampanya sa buhay.
Pagbalik-tanaw sa karera
Nagsimula man sa simpleng libangan, naging mahalagang bahagi naman ng buhay ni Sy ang pagkahilig sa isport na swimming. Nagkaroon man ng mga pangamba, nangibabaw naman ang hangarin ni Sy na maiangat ang antas ng kaniyang libangan tungo sa pagkaripas sa tubig ng entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). “My parents were the ones who supported me throughout my swimming career so since I started swimming they were always there through ups and downs, which eventually serve as a factor to help me become the swimmer and individual I am now,” pagbabahagi ni Sy sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).
Matagumpay na umukit ng karangalan sa DLSU si Sy matapos hiranging multi-medalist sa UAAP. Bunsod ng kaniyang kagila-gilalas na talento sa paglangoy, nakamit ng naturang Green Tanker ang gintong medalya sa UAAP Season 81 men’s swimming, gayundin ang pilak at tansong medalya sa parehas na torneo. Dagdag pa rito, namayagpag din si Sy sa UAAP Season 82 matapos makalikom ng parehong pilak at tansong medalya sa iba’t ibang dibisyon ng paglangoy.
Maliban sa kaniyang masilakbong karera sa pangkolehiyong kompetisyon, umabot hanggang internasyonal na tanghalan ang husay ni Sy. Buhat nito, napabilang siya sa 12 manlalangoy na Pilipino na nakasungkit ng medalya sa 40th Southeast Asian Age Group Swimming Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand. Dagdag pa rito, napabilang din si Sy sa torneong Asian Age Group Finalist sa dibisyong backstroke.
Kumpiyansa sa kabila ng pag-antala
Sa kabila ng dalawang taong pagkakaantala ng taunang pagbubukas ng UAAP, nagpatuloy pa rin ang pagpapakondisyon ni Sy sa pamamagitan ng lingguhan pool training session. Kasabay ng kaniyang marahan na kampanya sa entablado ng UAAP, siniguro ni Raphael Grabador, tagapagsanay ng Green Tankers, na hindi anurin ang talento ni Sy sa paglalangoy. “Nag-umpisa pa rin kami ng three times a week na Zoom training, pero dahil sa Omicron cases ‘di kami assured na makapag training physically nang sama-sama, pero every week naman magbibigay kami ng program that leads to our. . . strategic workout plan,” pahayag ni Grabador sa APP.
Bagamat hindi umaayon ang panahon sa umiigting na kumpiyansang makabalik sa Season 84 ng UAAP, nagsusumikap pa rin sina Grabador at Sy na makapagsanay sa kabila ng limitadong espasyo at programa sa pag-eensayo. “Pinaka-challenging para sa aming coaches [ay] maghanap ng swimming pool. Ang mahirap kasi sa sports namin ay kailangan ng tubig para makapag-training,” giit ni Grabador.
Maliban dito, naapektuhan din ang pisikal na kalusugan ng Green Tankers bunsod ng paglaganap ng pandemyang COVID-19. “Isa sa mga mabigat na challenges sa buong team is ‘yung nahahawa o naiinfect ng COVID-19 [ang mga swimmer]. Hindi [sila] nakakapag-training nang matagal,” paglalahad ni Grabador. Gayunpaman, pinaigting ni Sy ang kaniyang pagtuon sa aspektong mental at pisikal na pagpapakondisyon upang makaalpas sa tilamsik ng mga hamon.
Sinubok din ang katatagan ng estudyanteng manlalangoy matapos hiranging co-captain ng Green Tankers ngayong taon dahil sa kaakibat nitong mabibigat na responsibilidad. Sa kabila nito, hindi pinayagan ni Sy na madiskaril ang kaniyang kumpiyansa sa sarili upang pangunahan ang kaniyang koponan at makasungkit muli ng mga medalya at titulo sa UAAP.
Sa kabila ng mga pagsubok, ibinida ng atletang Lasalyano ang kaniyang disiplina sa pamamahala ng oras upang magpunyagi sa mga pang-akademikong gawain at pag-eensayo. “Time management is really a crucial factor that I had to instill to balance my academics despite the early training schedule. . . I always make sure that I am not distracted by factors that could impede the progress [that I was] making, so ‘yung ginagawa ko is staying away from gadgets which I usually use for social media ang playing games,” ani Sy.
Pasilip sa nagbabadyang pagbabalik
Namumutawi ang positibong enerhiya ni Sy sa posibilidad ng kaniyang pagbabalik-serbisyo sa koponang Green Tankers. Matapos hirangin bilang multi-medalist partikular na sa backstroke event ng UAAP men’s swimming, hindi pa natatapos para kay Sy ang paghahangad na matamo ang bantayog ng kaniyang karera sa naturang kompetisyon. “Mas na-motivate ako [na] maging faster and better swimmer despite encountering the effects of the COVID-19 pandemic,” sambit ni Sy.
Tunay na simbolo si Sy ng kahusayan bilang isang estudyanteng atleta na tampok ang karangalan sa parehong mundo ng akademya at isports. Mula sa sumisibol na tiyansang pagbabalik-ratsada ng mga entablado sa UAAP, mahigpit ang kapit at tiwala ni Sy sa kaniyang mga kakampi at sarili na makakakubra muli sila ng karangalan sa ngalan ng Pamantasan.