Sa pagyapos natin sa maunlad na kinabukasan para sa bayan at bansa, tila balakid ang mga kasinungalingang nag-aanyong katotohanan. Bilang hakbang sa pagpuksa ng mga ito, naging katuwang ang sining sa pagpapayabong at pagmulat ng kaisipan ng mga Pilipino. Subalit, hindi nakararating ang lahat ng mensahe sa dapat makatanggap nito o kaya hindi natatanggap ang mensaheng nais ipabatid. Anong kulang? Anong kailangang gawin?
Handog ng Malate Literary Folio, kasama ng DLSU Poliscy, ang Sining ng Pagbabago 2022—isang palihang binubuo ng mga panelista mula sa iba’t ibang larangan na naglalayong linangin ang kaisipan at kakayahan sa sining ng madla at mga kalahok. Idinaos ang programang ito nitong Pebrero 25 at 26.
Mga taingang pilit na tinatakpan, mga bungangang pilit na binubusalan, at mga matang pilit na pinipiringan—sa panahon ng pagmamalabis, paano nga ba natin magagamit ang literatura at sining-biswal bilang mga sandata laban sa mga sigalot ng kasalukuyan? Paano nga ba magiging epektibong daluyan ng mensahe ang mga tula, prosa, retrato, at sining?
Pagwawasto sa arte at retrato
Masiglang binuksan ang unang araw ng workshop sa pamamagitan ng paunang mensahe ni Lauren Angela Chua, patnugot ng Malate Literary Folio. Sa nalalapit na Pambansang Halalan, nais ni Chua na sagutin ang popular na katanunang “Ano ang ambag mo?” sa pamamagitan ng paglikha dahil aniya, “ang ambag natin ay ang ating mga ideya, ang puso, ang oras at panahon, ang sarili, at ang ating mga likha.” Para sa kaniya, ito ang ambag ng milyong-milyong manlilikha ng bayan kaya’t kaniyang ipinaalala na, “ang sining ng pagbabago ay sining na mula sa ating pag-aasam ng mas maunlad na buhay.”
Para sa piyesang “Captured,” ibinahagi ni Toni Panagu, isang self-taught artist, ang kahalagahan ng mga simbolismo sa paggawa ng isang likha. Aniya, “ano sana ‘yung mga symbols or representations na dapat ay idinagdag ng artist para malaman natin na malinaw na doon [sa PNP] siya nakatutok [ang mensahe].” Sumasang-ayon si Jessel Duque, propesor ng art, literatura, at Philippine soap opera mula sa Pamantasang De La Salle, at kaniyang napansin ang kakulangan sa konteksto ng mga simbolismong ginamit. Dagdag din ni Duque, mahalaga ring pagnilayan ang paggagamitan ng naturang likha upang mas madali itong magamit sa pamamaraang mas maipapahayag ng manlilikha ang kaniyang obra. Dagdag pa niya, nakasalalay sa presensya ng takot sa loob ng obra kung maituturing ang nasabing likha bilang isang chismis o citizen journalism.
Pinuri naman ni Antonio Pastoriza, dating Art Staffer ng Malate Literary Folio, ang likha. Ngunit, napansin niyang “distracting” ang komposisyon dahil mas mabigat raw ang mga pangyayari sa kaliwang bahagi ng likha kompara sa kanang bahagi kaya’t tila nag-aagawan ng atensyon ang magkabilang dako ng obra. Bilang suhestiyon, kaniyang ipinaalala na mas mabuti kapag may balanse sa pagitan ng strong elements at subtle layers na maaaring mag-iwan ng tanong sa makakakita ng digital art.
Ibinahagi ni Dana Tan, manlilikha ng obrang “Captured,” na pangunahing intensiyon ng kaniyang likha na magsilbing babala sa pagmamalabis sa kapangyarihan ng Philippine National Police (PNP). Dagdag pa niya, sinisimbolo ng baril sa kanang bahagi ng obra ang mga baril na itinatanim ng mga pulis bilang ebidensya laban sa mga umanong nanlabang mga suspek. Pag-amin ni Tan, nahirapan siya sa pagbuo ng kaniyang piyesa dahil gagamitin dapat ito bilang isang pabalat gaya sa isang libro.
Para sa piyesang “The Strongman,” inilarawan ni Panagu na minimalist at may popular appeal ang nasabing obra dahil sa pagkakahalintulad nito sa isang tarot card. Kaniyang binigyang-pansin ang dalawang pangunahing elementong makikita sa piyesa–isang karakter mula sa kanluraning mitolohiya at ang Palasyo ng Malacañang. Aniya, “sa Malacañang ay may nagtatago na strongman.” Kaniya ring hinangaan ang paggamit ng malaking negatibong espasyong makikita sa loob ng obra dahil aniya, “ang mga Pilipino ay takot sa vacant space. . . kaya nga kapag sa mga poster making nung hayskul tayo ay talaga ngang napakaraming elemento’t kulang na lang [ay] punuin natin ang page.”
Ayon kay Duque, maihahalintulad ang naturang obra sa isang portraiture bagamat nakasulat ang katagang “The Emperor” sa ibabang bahagi nito upang puwersahin ang madla na tingnan ang digital art ayon sa kagustuhan ng may likha. Paalala niya, importante ring malaman ng mga taong makakakita ng obra kung ano ang mga simbolismong ginamit nito upang mas maintindihan nang malaliman. “What if other people, looking at it, don’t know what Malacañang looks like?” pag-aalala niya. Bukod pa rito, maaaring magdala ng kalituhan sa mambabasa ang paggamit ng ilang simbolismo sa loob ng obra dahil gumamit ng halo ang may likha sa isang karakter na hiram sa kanluraning mitolohiya. Binalikan ni Duque na imahen ng Katolisismo ang paggamit ng halo sa ulo ng mga karakter. “Siya ba ay banal? Ito ba ang kaniyang projection?” pagtatanong niya.
Hindi naman masyadong pabor si Pastoriza sa kinalabasan ng komposisyon kahit na naiintindihan niya ang kahalagahan ng paggamit ng negative space lalo na sa pagbuo ng disenyo. Ngunit para sa kaniya, maaari pang magamit sa mas makabuluhang paraan ang mga blankong espasyo ng naturang obra upang mas paigtingin ang mga detalyeng gustong iparating ng manlilikha. Dagdag pa niya, iniiwisan niya ang paggamit ng plain black dahil aniya, “it doesn’t show anything else beyond just being black.”
Sa kabilang dako, nagbigay ng konstruktibong kritisismo ang mga napiling panelist para sa mga retrato. Para sa retratong pinamagatang “Pandacan,” ibinahagi ni Kimberly Dela Cruz, isang awarded independent photographer at journalist, ang importansiya ng kawalan ng distraction sa mga larawan upang mabigyang-diin ang mga karakter sa loob ng retrato. Dagdag pa niya, hindi rin masyadong angkop ang street photography para sa temang “childhood” dahil kulang ito sa intimacy. Naniniwala siyang sa modang gamit ng retratista, nakikita lamang ang mga tao sa loob ng larawan bilang mga estranghero at hindi bilang isang taong may kuwento patungkol sa kanilang pamilya o magulang. Para naman kay Mikki Luistro, isang freelance photographer na nagtapos sa DLSU, kinakailangan pa niya ng konteksto sa mga larawan upang lalong magamay ang mga kuwentong hatid ng mga retrato.
Sa panghuling piyesang pinamagatang “Samid,” ipinaalala ni Dela Cruz na kailangang matutong kontrolin ang bawat aspekto ng pagkuha ng retrato tuwing gagamit ng black and white. Para naman kay Eunice Sanchez, isang visual artist at museum worker, madaling magustuhan ang ganitong klaseng komposisyon ngunit hindi niya nakikitaan ng koneksyon ang larawan at ang mensaheng nais nitong iparating.
Tula at prosa mula sa danas ng masa
Naging kritikal naman ang mga huradong inanyayahang magbigay-puna sa mga tula. Walang pinalampas ang mga kritiko sa mga piyesang sinuri, mula sa paraan ng pagkakalapat hanggang sa tonong ginamit sa paglalahad.
Sa unang piyesang sinuri, pinaaalahan ni Bebang Siy, manunulat, tagasalin, at copywrite advocate, ang may-akda ukol sa kahalagahan ng pagpapanatili sa pagkakaayon-ayon ng mga elemento ng isang tula, partikular na sa kung sino ang kinakausap ng tula. Dagdag pa niya, sa pagsusulat ng tulang may layuning umatake sa isang tao o pangkat, tiyak at hindi na dapat nagdadalawang-isip sa sasabihin ang may akda. Aniya, “kapag makata tayo, kapag nagsusulat tayo ng tula, mahirap kainin ang sariling salita.”
Para sa ikalawang piyesa, tinumbok naman ni Ina Abuan, propesor mula sa Literature Department ng DLSU, ang layunin ng pagsusulat ng isang tula. Aniya, “one goal when you write is to make your readers experience ordinary in a very extraordinary way.” Ipinaalala rin ni Jonel Revistual, isang spoken word artist, na iwasan ang pag-atake sa masa dahil hindi lagi’t laging kasalanan ng masa ang mga pumapasok sa kanilang isipan.
Tinumbok naman ni Arli Atienza, isang kawani ng National Commission for Culture and the Arts, ang mga teknakalidad ng mga tula, tulad ng mga salita, bantas, at anyo. Sa ikatlong piyesa, kaniyang pinagtuunan ng pansin ang mga personang bumabalot sa tula at mga salitang napili. Sa ilang bahagi, kaniyang napansin na naghihikayat ng probokasyon ang ilan sa mga napiling salita ng may-akda. Sa kabila ng pagiging kritikal ng mga hurado, nakitaan nila ng potensyal hindi lamang ang mga tula, kundi pati na rin ang mga may-akda ng mga ito.
Sa kabilang dako, naging mayabong din ang diskusyon ng mga naimbatahang hurado para sa prosa. Ibinahagi ni Jun Cruz Reyes, isang manunulat at guro sa Creative Writing at Literary Studies sa Unibersidad ng Pilipinas, ang kaniyang saloobin patungkol sa pagtanggap ng pamumuna mula sa mga kritiko. Aniya, trabaho ng kritiko ang pagbibigay-puna, at trabaho naman ng mga manunulat ang magsulat, kaya hindi dapat maging sensitibo sa pamumuna. Dagdag pa niya, mas nakatatakot ang pagtanggap ng puri sapagkat hindi ito konstruktibo. Ani Reyes sa pagtanggap ng puri, “take it with a grain of salt.”
Inilahad naman ni Joselito Delos Reyes, isang makata at manunulat, ang kaniyang pananaw ukol sa pagkatawan sa masa. Sa pananaw ni Delos Reyes, wala umanong masama sa paghahangad na kumatawan sa masa, ngunit sa paggamit ng mga panghalip, gaya ng “tayo” o “kami,” maaari nitong maipahiwatig ng mensahe na mas magaling magsalita o magsulat ang isang tao. Ani Delos Reyes, “Paano ba malalaman ang isang issue at magiging tama at maayos ang paglalahad, well, manaliksik ka. . . tapos ilahad sa pinakamabisang paraan, pwedeng tula, sanaysay, puwedeng kuwento.” Hangad din ng manunulat na palutangin ang mensaheng hindi madali ang pagsusulat. “Hindi madali ang trabaho ng manunulat, na haharap lang tayo sa laptop at magsusulat [na] malaking bahagi ng ating pag-iral bilang manunulat ay ‘yung pag-aralan ‘yung ating lipunan,” paglalahad niya. Hindi rin aniya kinakailangang ideklara ng isang manunulat na kaniyang isinasalamin ang hinaing ng masa dahil ang mga tao mismo ang magpapabatid nito. Pagtatapos ni Delos Reyes, “do not be conscious about representing the masses. Be good at what you do. Be great at what you love.”
Nais namang paalalahanan ni Maine Lasar, isang fellow sa ika-58 UP National Writer’s Workshop at ika-11 Palihang Rogelio Sicat, na sa kasagsagan ng fake news, disinformation, at trolls, mahalagang maging maingat sa pagpili ng danas na pagtutuunan ng pansin. Aniya, “ang daming nangyayari sa mundo at lahat ng ito ay, kapag isinulat mo, provocative. But it’s your job as a writer to decide kung ano at kaninong danas ‘yung bibigyan mo ng espasyo at puwesto sa sulatin mo.”
Tungo sa maunlad na kinabukasan
Habang nalalapit na ang araw na magdidikta ng buhay natin sa susunod na anim na taon, unti-unti naman tayong lumalayo sa katotohanan. Sa panahong pawang kasinungalingan ang umiiral, ipinamalas ng mga alagad ng sining ang kahalagahan ng kanilang larangan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa. Mga elemento mang titingnan ang mga salita, kulay, imahe at simbolismo, hindi maitatanggi ang kapangyarihang taglay nito upang baguhin ang lipunan. Sa tamang pagkakaayos ng mga elemento, magkakaroon ng apoy ang mitsa ng kandilang magsisilbing liwanag at gabay para sa mga patuloy na ipinaglalaban ang kinabukasan ng bansa. Mula sa munting sinag ng liwanag mula sa kandila, unti-unting magpupuyos at lalagablab ang damdaming makabayan ng bawat isa tungo sa isang mas maaliwalas na bukas.
Bilang pangwakas ng dalawang araw na palihan, pinapaalala ng patnugutan ng Malate Literary Folio na sa anomang aspekto ng pamumuhay, laging isaalang-alang ang pagpapahalaga sa demokrasya ng ating Inang Bayan. “Gawa lang nang gawa, sining alay sa madla,” pagpapayo ni Heaven Leigh Luzara, events manager ng programa, para sa mga alagad ng sining.
Anoman ang hawak mo ngayon—bolpen, pinsel, lapis, kamera, o cellphone man ito–may kakayahan kang ilapit ang bayan sa isang maunlad na kinabukasan. Sa pamamagitan ng kolektibong pagsisikap, sama-sama nating makakamit ang maunlad na kinabukasang ating inaasam-asam.