Patuloy na pinalalawig ng pamahalaan ang mga programang tutugon sa pagpapalawak at pagpapaunlad ng imprastraktura ng bansa. Hindi naging balakid ang unos na dulot ng pandemya at ang ingay ng pambabatikos para isakatuparan ang kanilang adhikaing mapayabong ang programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte.
Mahigit isang taon na ang nakalilipas mula nang igawad sa San Miguel Corporation (SMC) ang pamamalakad sa pagpapatayo ng Pasig River Expressway (PAREX) na may habang 19.37 kilometro at nagkakahalaga ng Php95.4 bilyon. Sa proyektong iminungkahi ng naturang kompanya, isasagawa ang six-lane na elevated road mula Maynila patungong C6 na sasampa sa karatig Ilog Pasig upang malunasan umano ang malubhang problema ng trapiko sa Kamaynilaan.
Pangkalahatang kaginhawaan o kapahamakan?
Ibinabandera ng SMC ang malaking kaginhawaang maidudulot ng PAREX sa patuloy na lumalalang daloy ng trapiko sa Metro Manila buhat ng pagdami ng mga pribadong sasakyan na primaryang nagpasisikip sa mga kalsada.
“This [PAREX] will be an inclusive, user-centered infrastructure that will integrate various modes of transportation beyond cars. It will have dedicated bike lanes, walkways, a bus rapid transit system, among others,” pahayag ni SMC CEO Ramon S. Ang sa inagurasyon ng pag-gawad ng PAREX.
Sa kabila ng mga paglilinaw ng SMC sa kanilang proyekto, hindi pa rin buo ang tiwalang nakukuha nila sa taumbayan dahil sa ilang mga desisyong kahina-hinala, tulad ng pagtanggi ng kampo ni Urban Planner Felino “Jun” Palafox na sumailalim sa isang kontrata upang tumulong sa pagtatayo ng PAREX. Sa inaasahang pagdami ng sasakyang dadaan sa PAREX, pinangangambahan ng mga mamamayan ang maaaring epekto nito sa kalikasan partikular sa Ilog Pasig.
Sa inilabas na petisyon laban sa pagpapatayo ng naturang proyekto, idiniin na maikokompara ang pagpapatayo ng PAREX sa pagkakamali ng mauunlad na bansa, tulad ng South Korea, Japan, at America. Matatandaang naglaan ang mga ito ng malaking pera upang magpatayo ng mga expressway na kasalukuyan nang sinisira upang buhayin ang kanilang mga ilog at protektahan ang kanilang kapaligiran at heritage sites.
Tumitinding pangamba
Makapagbibigay man ng dagdag alternatibo at mas mabilis na ruta ang PAREX para sa mga motorista at komyuter, partikular na sa mga biyaheng papuntang Rizal, inaasahang lalong mas mapalalala nito ang problema sa trapiko. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Nielsen Castillo, isang motorista, pinaninindigan niya ang kaniyang pagsalungat sa pagpapatayo ng naturang daan dahil inaasahan niyang mas marami ang pinsalang maidudulot nito kompara sa benepisyong maaari nilang matamasa.
“Sa tingin ko, makakapagpalala pa lalo ito ng trapiko sa Metro Manila dahil hinihikayat nitong ilabas ng mga tao ang kanilang mga kotse sa halip na gumamit ng pampublikong transportasyon, o kaya naman ay gumamit ng mga bisikleta dahilan upang mas dumami ang mga sasakyan sa lansangan,” paliwanag ni Castillo.
Sa kabila ng pangakong mapabibilis nito ang biyahe at mapauunlad ang turismo at kabuhayan ng maraming Pilipino, naniniwala si Castillo na magiging sanhi ng maraming pagbaha sa mga kalapit na lugar ang pagpapatayo ng PAREX. Aniya, kapalit ng kaginhawaan sa transportasyon ang pangmatagalang pinsala sa mga mamamayan at sa nanganganib na kalikasan.
Kalbaryo sa kalsada
Bagamat maraming nangakong tutugunan ang problema sa kalsada, tila usad-pagong pa rin ang paglutas sa problema sa daloy ng trapiko. Sa panayam ng APP kay Argel Rafael, komyuter at mag-aaral ng Unibersidad ng Sto. Tomas, ibinahagi niyang labis na naaapektuhan ng mabigat na trapiko ang kaniyang pamumuhay, lalo na tuwing kinakailangang pumasok sa paaralan.
Naniniwala siyang, hindi lamang nito nalilimitahan ang kaniyang panahon kasama ang mga kaibigan kundi kinakailangan din niyang tantyahin ang oras upang hindi sumabay sa dagsa ng pasahero. Dagdag pa ni Rafael, hindi niya nakikitang susi ang PAREX upang masolusyonan ang problema sa trapiko bagkus mas maghihimok lamang ito para sa mga tao na bumili ng pampribadong sasakyan.
Bunsod nito, iminungkahi ni Rafael na dapat mas bigyang-pansin ang pagpapabuti ng mga tren at iba pang uri ng pampublikong transportasyon na may kakayahang magsakay ng mas maraming bilang ng pasahero. Iginiit niyang ang pagtahak sa mas modernisadong pampublikong transportasyon ang makatutugon sa problema ng polusyon, trapiko, at mga aksidente. Gayunpaman, kinakailangan pa rin umanong masiguro ng gobyerno na hindi maaagrabyado ang mga drayber ng dyip, lalo na ang mga tsuper na nananatiling walang sapat na kita upang makapambili ng mas modernisadong sasakyan.
Ilang dekada na ang lumipas ngunit hindi pa rin nalulutas ng sunod-sunod na pagpapagawa ng mga expressway ang suliranin ng mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila. Tila hindi matumbok-tumbok ng pamahalaan ang ugat ng suliraning nagiging dagok sa ekonomiya at sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayang Pilipino. Sa halip na ilaan ang oras at pondo para sa mga pangmatagalang solusyon, nananatiling priyoridad pa ang mga proyektong hindi na nga makatao at makakalikasan, pumupuno pa ng bulsa ng iilan.