Nitong Pebrero 8, opisyal nang sinimulan ang panahon para sa pangangampanya ng mga kandidatong tatakbo sa Pambansang Halalan. Kabilang dito ang pinakamataas na posisyon ng pamahalaan—ang pagkapangulo. Ayon sa opisyal na tala ng COMELEC, sampung pangalan ng mga indibidwal na tatakbo sa pagkapangulo ang nasa balota.
Sa parehong araw, nagsagawa ng proclamation rally ang ilan sa mga kandidato at ibinahagi nila ang kanilang mga plano para sa bansa. Ipinahayag ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nais niyang pagkaisahin ang sambayanang Pilipino na makabangon mula sa krisis na kinahaharap ng ating bansa. Para naman kay Leni Robredo, layon niyang bumuo ng isang pamahalaan na nakasentro sa mga mamamayang nasa laylayan ng lipunan. Layunin naman ni Manny Pacquiao na tulungan ang mga mamamayan na makaahon sa kahirapan at umasenso ang kanilang buhay. Aniya, nais din niya ng isang gobyernong walang bahid ng korapsyon.
Inilahad naman ni Ping Lacson na ang gobyerno ang pangunahing suliranin ng ating bansa kaya’t adhikain niyang simulang ayusin ito. Ayon naman kay Francisco “Isko” Moreno, priyoridad niyang tulungan ang bansa na makabangon mula sa COVID-19, isaayos ang ekonomiya ng bansa, at sugpuin ang laganap na katiwalian sa pamahalaan. Ibinida naman ni Ka Leody De Guzman ang mga platapormang kaniyang isinusulong, katulad ng paglaban para sa karapatan ng mga manggagawa, pagsulong ng direktang demokrasya, pagkilala sa karapatan ng mga katutubo, at pagpapatibay ng karapatang pantao sa bansa.
Nalalapit na naman ang panahon ng eleksyon. Sa loob ng 90 araw, pipili tayo ng isang indibidwal na mamumuno sa ating bansa sa loob ng anim na taon. Isa itong gampanin na may kaakibat na malaking responsibilidad. Hindi ito isang simpleng bagay na maaari lamang pumili ng kahit sino.
Sa kabila nito, nakalulungkot isipin na tila napakasimple lamang ng mga kwalipikasyon para sa mga nagnanais na tumakbo sa kandidatura ng pagkapangulo. Ayon sa Saligang Batas, Artikulo VII, Seksyon 3, maaaring maging pangulo ang isang indibidwal na pasok sa pamantayan na nakasaad dito—likas na ipinanganak na Pilipino, isang rehistradong botante, nakababasa at nakasusulat, 40 taong gulang sa araw ng halalan, at kailangang nakapanirahan sa bansa nang sampung taon bago ang halalan.
Kaya paano tayo pipili ng kandidato na iluluklok natin ng anim na taon? Dapat ba nating piliin kung sino ang mas sikat at pinapanigan ng marami? Dapat bang ibatay natin kung ano ang kanilang pamantayan at pananaw sa karapatan nating mga mamamayan? O dapat ba natin tingnan ang kanilang kasaysayan at mga nagawa para masabing karapat-dapat sila?
Kung tutuusin, wala namang eksaktong depinisyon o pamantayan kung sino ang dapat nating piliin na maging pangulo. Maaari pa ngang sabihin ng ilan na kani-kaniya namang opinyon ‘yan. Baka nga pagod ka na ring pumili dahil sa huli, wala naman tayong magagawa at mas mabuti kung hahayaan na lamang ang resulta ng eleksyon. Tutal mga naghaharing-uri at kilalang politiko naman ang mananalo sa huli. Subalit kung mananatili ang ganitong klase ng kaisipan, talagang walang pag- asa ang ating hinaharap at kukunin nila ang oportunidad na magpatuloy lamang sa kanilang kinalalagyan.
Dapat maunawaan natin ang kapangyarihan ng ating boto. Dapat maunawaan natin na mayroon tayong boses sa pagpili kung sino ang dapat na uupo sa pamahalaan. Dapat maunawaan nating karapatan at tungkulin ang matalinong pagboto. Dapat nating tandaan na hindi lang sarili ang sangkot sa ating pagpili, nakasalalay rin dito ang kinabukasan ng ating bansa at ng mga susunod na henerasyon.
Nawa’y gamitin natin ang 90 araw para kilalanin at kilatisin ang mga kandidato na tumatakbo para sa pagkapangulo. Alamin natin ang kanilang plataporma at mga plano sa loob ng anim na taon nilang pamumuno. Siyasatin natin ang kanilang buhay at pamantayan lalong-lalo na sa usaping karapatang pantao. Tingnan ang kanilang katangian bilang indibidwal at kakayahang tumindig sa mga isyung kinahaharap ng ating bansa.
Huwag tayong magpapadala sa agos ng opinyon ng iba kung sino ang iboboto. Marapat nating tandaan na repleksyon ng ating pag- uugali o pagkatao ang kandidatong ating susuportahan. Huwag tayong magpadala sa kasikatan ng kandidato o sa maliit na salapi kapalit ng ating boto. Piliin nating maging kritikal at magkaroon ng sariling paninindigan sa pagpili ng susunod nating pangulo. Huwag tayong huminto sa pag-asam ng isang gobyernong may pananagutan at pagpapahalaga sa kapakanan ng kaniyang nasasakupan.
Sa darating na halalan, sa pagpatak ng tinta sa mga balota, nawa’y magsilbi itong mitsa ng isang lipunang inklusibo, patas, at tunay na para sa Pilipinas at mamamayang Pilipino.