ITINATAG ng administrasyon ang bagong ngalan ng Tañada-Diokno College of Law ng Pamantasang De La Salle (DLSU), Pebrero 26. Ginunita sa naturang seremonya ang mga serbisyo at prinsipyong ipinamalas nina dating Senador Lorenzo “Ka Tanny” Martinez Tañada Sr. at Jose “Ka Pepe” Wright Diokno. Kasabay rin nito ang pagdaraos ng ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Pepe at paglulunsad ng libro ukol sa kaniyang buhay.
Pinasinayaan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang online na misa na pinamunuan ni Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David, isa sa mga nagawaran ng JW Diokno Human Rights Award noong 2018. Nagsilbi namang tagapagdaloy ng programa si Dr. Rebecca Khan, associate dean ng Tañada-Diokno College of Law.
Paninindigan sa karapatang pantao
Pinangunahan ni Br. Bernard S. Oca FSC, presidente ng DLSU, ang selebrasyon sa kaniyang pambungad na salita. Inalala niya ang pagkakatatag ng College of Law noong 2009 na kasabay rin ng ika-100 taong anibersaryo ng Pamantasan. Itinaas din niya ang layon ng kolehiyong makapagsanay ng mga abogadong maglilingkod para sa Diyos at sa bansa.
Binigyang-diin ni Oca na naiiba sila sa ibang law school na may mahabang kasaysayan at mahabang listahan ng magagaling na abogado na titingalain ng mga estudyante. Dahil dito, taon-taon ang pagpaparangal nila kay Ka Pepe, na isa ring Lasalyano. Paglalahad pa niya, “this year we have a twist. We decided to recognize another Lasallian. . . [like] Senator Lorenzo.” Ipinabatid niya na ang dalawang namayapang senador ang magiging huwarang modelo ng mga Lasalyanong abogado sa darating pang mga siglo.
Ipinunto rin ni Oca ang naging karanasan nina Ka Tanny at Ka Pepe sa patuloy na pagtataguyod ng karapatang pantao. Nabanggit din niyang nagsilbing abogado ni Ka Pepe si Ka Tanny sa kaniyang pagkakakulong noong panahon ng Batas Militar. Dagdag pa rito, isinaad niyang nagkaisa rin ang dalawa sa paglunsad ng Free Legal Assistance Group. “Today, they are joint to remind us that once upon a time, [there were] two lawyers, two patriots, and two Lasallians [who] worked [together] to make a better world for all of us.”
Ipinakilala naman si Nestor Tan, Chairman ng DLSU Board of Trustees, upang basahin at ipresenta ang birtuwal na palatandaan ng Tañada-Diokno College of Law. Paghahayag niya, “the patriotism of these two Lasallians was at its pinnacle in the struggle against the dictatorship and repression from the 1970s to the 1980s. . . They were both active in the parliament of the streets, asserted national sovereignty, and defended the most vulnerable.
Legasiya ni Ka Tanny
Binigyan naman ng pagkakataon ang mga piling kapamilya nina Ka Tanny at Ka Pepe upang isalaysay ang naging pamumuhay ng kanilang yumaong kaanak.
Unang naglahad ng sentimiyento ang dating Senador na si Wigberto “Ka Bobby” E. Tañada Sr., upang katawanin ang mensahe mula sa pamilya Tañada. Lubos niyang pinasalamatan ang administrasyon at ang Board of Trustees sa pagpapangalan ng kolehiyo sa kaniyang pumanaw na ama. “In so doing, you honor the ideals they’ve fought for all their lives: national sovereignty, freedom, democracy, justice, truth and human rights,” ani Tañada.
Isinaad din ni Ka Bobby ang pagdalo ng kaniyang ama sa isang pagpupulong sa Europa nang maideklara ang Batas Militar sa bansa. Pagkukuwento niya, agaran siyang umuwi sa Pilipinas dahil sa pagnanais na maghain ng kaso upang kuwestiyonin ang konstitusyonalidad ng Batas Militar, at para din maging service lawyer ng mga political detainee. Sambit pa niya, “I would like to recall out that tatay inspired many with his consistent concern for those who had less in life and lesser in law.”
Inalala rin ni Ka Bobby ang mga kasong pinangasiwaan ng kaniyang ama at ni Ka Pepe. Kabilang dito ang mga kaso ng pagpatay kay Macli-ing Dulag at kaso ni JBL Reyes laban kay Bagatsing noong 1993. Ipinabatid din niya ang patuloy na partisipasyon ng kaniyang ama sa mga rally sa kabila ng kaniyang edad. Pagpapaalala naman niya sa publiko, “let us honor their memories by being vigilant and by not allowing those who continue to cause the suffering of the Filipino people to occupy positions of power. Never forget. Never again.”
Pamana ni Ka Pepe
Sunod namang nagbigay ng pahayag ang anak ni Ka Pepe na si Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno na isa ring founding dean ng DLSU Tañada-Diokno College of Law.
Ibinida ni Diokno ang mga batas na itinaguyod ng kaniyang ama sa pamamalagi niya sa Senado. Ilan ang nga ito ang Equal pay for Equal Work Act, Investments Incentives Act, Export Incentives Act, at Revised Election Law. Saad pa niya, “dahil sa pagsusulong sa mga batas na ito, itinanghal siya bilang Most Outstanding Senator mula 1967-1970, ang tanging senador na pinarangalan sa apat na sunod-sunod na taon.”
Isinalaysay rin ni Diokno ang pinagdaanan ng kaniyang ama sa ilalim ng Batas Militar at ang kaniyang pagkakakulong nang dalawang taon kahit walang kasong kriminal. Aniya, inilantad nito ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan na ipinalaganap ng mga Marcos habang nasa kapangyarihan. Pagdidiin niya, “that is one lesson that we should have learned from Martial Law [and] that those who ruled with an iron fist while promising change [will] actually do everything to prevent real change.”
Ginunita rin ni Diokno ang pahayag ng kaniyang ama na ang ating lahi ang unang nag-alsa laban sa imperyong Kanluran. Kaugnay nito, binanggit din niya na ang Pilipinas din ang isa sa mga unang nagpatupad ng demokrasya sa Asya. “There is no insurmountable power that can stop us from becoming what we want to be,” giit pa niya.
Binigyang-tuon ni Diokno ang paninindigan ni Ka Pepe sa salita at sa gawa upang mapaglingkuran ang mga kapwa Pilipino. Ipinahayag niya ang matatag na dedikasyon ng kaniyang ama upang mahalin ang ating bayan. “The best way to honor the life and legacy of my father is to nurture and deepen the love we have for our nation,” panawagan din niya.
Ipinagkaloob din sa mga hinirang na abogado, madre, pari, presidente, chief justice, at mga mamamahayag ang J.W. Diokno Human Rights bilang pagkilala sa kanilang natatanging kontribusyon sa pagsulong ng hustisya at karapatang pantao. Samantala, binigyang-parangal din ang nagwagi sa ginanap na paligsahan sa TikTok bitbit ang temang, Makatao at Maka-Pilipino: #JWDiokno100 Tiktok Competition.
Bilang pagtatapos, inihayag ni Atty. Virgilio Delos Reyes, dekano ng Tañada-Diokno College of Law ang kaniyang pagtatapos na talumpati. Pinasalamatan niya ang partisipasyon ng pamilyang Diokno at Tañada, gayundin ang iba’t ibang grupo sa komunidad ng Pamantasan.