“I am unique, I am special, I am Intersex.”
LUBOS NA MINIMITHI ng mga indibidwal na kabilang sa komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual, at iba pa (LGBTQIA+) na tuldukan ang kanilang mga kinahaharap na pagsubok sa lipunan. Buhat nito, patuloy na itinataguyod ng iba’t ibang organisasyon, tulad ng Intersex Philippines na mapataas ang antas ng kamalayan ng lipunan kaugnay sa kasarian ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Kabilang ang mga intersex sa mga taong nakararanas ng diskriminasyon sa lipunan dahil sa nabuong estereotipikong pag-iisip. Kaakibat nito, hindi nagiging pantay ang pagtrato sa kanila ng mga mapanghusgang mamamayan at nalilimitahan ang kalayaan nilang isabuhay ang kanilang totoong pagkakakilanlan. Hindi rin maiiwasan ang pagkiling ng lipunan sa mga cisgender o ang mga taong may tugmang gender identity sa kani-kanilang sex. Bunsod nito, hamon para sa mga intersex na umangkop at makasali sa iba’t ibang larangan, tulad ng industriyang pampalakasan.
Ipinanganak ang mga atletang intersex na may parehong katangiang sekswal na panlalaki at pambabae. Maliban sa mithiin nilang makakuha ng samu’t saring parangal, hangad din nilang baklasin ang pamantayang panlipunan na ang mga binaryong babae at lalaki lamang ang may kalayaang makapaglaro ng mga isport sa iba’t ibang torneo.
Masalimuot na karanasan
Kabilang sa mga atletang intersex na nakaranas ng diskriminasyon sa industriyang isports si Caster Semenya na nakatanggap ng batikos mula sa mga manonood sa kabila ng kaniyang pagsungkit ng gintong medalya sa Berlin World Championships. Matapos magwagi sa naturang torneo noong 2009, pinilit siya ng mga tagapamahala ng International Association of Athletics Federations na sumailalim sa prosesong gender verification. Kaya naman, pansamantala siyang pinagbawalan na lumahok sa mga torneo.
Naglabas naman noong 2017 ang World Athletics ng pahayag na nagsasabing nakalalamang ang mga atletang may mas mataas na lebel ng testosterone kaysa sa ibang manlalarong babae. Bunsod nito, maliban kay Semenya, pinagbawalan din si Francine Niyonsaba na makasali sa Olympics dahil sa kaniyang mataas na lebel ng testosterone.
Noong 2019, inanunsyo ng World Athletics ang panibagong regulasyon para sa karerang 400-meter hanggang isang milya. Para sa kababaihan na may “sufficient androgen sensitivity” o mataas na lebel ng testosterone, kinakailangang pababain ang antas ng testosterone sa pamamagitan ng medikasyon o pagsasailalim sa operasyon upang makasali sa mga torneo.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Jeff Cagandahan, co-founder ng Intersex Philippines at dating atleta ng larong track and field, ibinahagi niya ang kaniyang opinyon hinggil sa mailap na pagtanggap ng mga tagapamahala ng sport tournaments sa mga intersex. Aniya, bilang isang atleta, hindi dapat basehan ang pisikal na anyo ng isang tao upang makasali sa mga larong pampalakasan. Naniniwala siyang mas mataas ang tiyansang manalo kung mas pahahalagahan ang pag-eensayo sa mga torneo.
Kamalayan tungo sa pagtanggap
Ibinahagi ni Cagandahan sa APP ang layunin ng Intersex Philippines at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga ganitong klaseng organisasyon sa loob ng isang konserbatibong bansa, tulad ng Pilipinas. Nagsisilbi umanong malaking hakbang sa pagtamasa ng ligtas na espasyo para sa mga intersex ang Intersex Philippines dahil nagkakaroon sila ng oportunidad na makilala at makapagbahagi ng kanilang karanasan sa ibang tao. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas na espasyo at tulong-pinansyal, patuloy na nakapagbabahagi ng suporta ang naturang organisasyon para sa mga intersex na nakararanas ng anomang pagsubok o uri ng diskriminasyon.
Gayunpaman, hindi pa rin naiibsan ang iba’t ibang uri ng diskriminasyon laban sa mga intersex. Bahagi na rito ang mga pampublikong lugar na hindi pa maituturing na ligtas na espasyo para sa mga intersex. “Mahirap din lalo kapag pupunta sa restroom. Lagi ako nasisigawan, lalo kapag mag-isa—‘uy ‘yung restroom ng babae doon ka sa kabila,” wika ni Cagandahan.
Maliban sa pagiging biktima ng diskriminasyon, kulang din aniya ang mga isinasagawang pag-aaral ng mga mananaliksik na Pilipino hinggil sa mga paksang may kinalaman sa pagiging intersex. Pagdidiin ni Cagandahan,“noong panahon na kami ay naghahanap ng resources, puro western countries [ang pinagkukuhanan namin ng impormasyon ukol sa kondisyon ng mga intersex]. Wala kaming makita sa Pilipinas”.
Bakas ng pag-asa
Kapos man sa pagkilala at kamalayan ang ilang indibidwal ukol sa mga pinagdadaanang dagok ng mga atletang intersex, makatutulong naman ang mga hakbang ng gobyerno at mga organisasyon, tulad ng Intersex Philippines sa pagsulong ng mga makatao at inklusibong batas. Isa na rito ang Anti-Discrimination Law na layuning protektahan ang mga karapatan ng iba’t ibang indibidwal at mapuksa ang diskriminasyon laban sa komunidad ng LGBTQIA+.
Bakas sa bawat hakbang at inisyatiba na ginagawa ng mga lupong namumuno ng torneo ang mga pagbabagong nakapagbibigay ng patas na oportunidad at patakaran para sa lahat ng atleta. Naglabas ng panibagong balangkas ang International Olympic Committee noong nakaraang taon ukol sa mga atletang transgender at intersex. Nakatuon ito sa sampung prinsipyo: inclusion, prevention of harm, non-discrimination, fairness, no presumption of advantage, evidence-based approach, primacy of health and bodily autonomy, stakeholder-centered approach, right to privacy, at periodic reviews.
Layon ng bagong balangkas na mapuksa ang iba’t ibang klase ng diskriminasyon sa mga dekalibreng torneo, tulad ng Olympics. Isa sa mga layunin ng panibagong panukala na pahintulutan ang mga atletang intersex, gaya nina Semenya at Niyonsaba na makalahok muli sa Olympics at iba pang mga torneo nang hindi kinakailangang sumailalim sa mga medikal na proseso.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nagniningas ang diwa at determinasyon ng mga atletang intersex upang magpunyagi sa kani-kanilang karera at makamit ang hangaring ligtas at inklusibong espasyo. Kaakibat nito, nagsisilbing sandata ng mga atletang intersex ang kanilang makapangyarihang tinig na nag-aasam ng tunay na tagumpay—ang pagkilala at pagtanggap sa kanila ng mga miyembro ng lipunan.