INILATAG ng Lasallian Social Enterprise for Economic Development (LSEED) ang kanilang mga inihahandang proyekto para sa bagong akademikong taon at mga pagbabago sa kanilang sistema mula face-to-face classes tungo sa kasalukuyang online set-up.
Nakatuon ang mga naturang proyekto sa paglinang ng kakayahan at kamalayan ng mga estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU), pati na rin ng ibang komunidad pagdating sa social innovation at social entrepreneurship.
Estado ng mga proyekto ng LSEED
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Norby Salonga, founding director ng LSEED, ibinahagi niyang nakaugat ang konseptong social innovation at social entrepreneurship sa mga problemang makikita sa mga komunidad. Bilang tugon, nakikipag-ugnayan sila sa iba’t ibang organisasyon upang solusyunan ang mga nakaaapektong suliranin sa buhay ng mga Pilipino.
Kaugnay nito, nakapaglunsad ang LSEED noong nakaraang akademikong taon ng humigit-kumulang 10 programa, tulad ng pagsasanay at pagbibigay-puhunan sa mahigit 180 negosyante sa bansa, pagsagawa ng Angat Buhay Young Social Entrepreneurship Program katuwang ang Office of the Vice President of the Philippines, at pagsulong ng Kaagapay sa Yugto-Yugto at Abot-Kayang Negosyo na nagbigay ng seed grants sa mga negosyong kaakibat ng tanggapan.
Patuloy rin nilang isinasagawa ang LSEED Talks na binibigyang-pansin ang mga pananaliksik ukol sa social entrepreneurship at social innovation, LSEED Internship and Volunteering Program na nanghihikayat sa mga Lasalyano na makisangkot sa kanilang mga programa, at LSEED Fellowship Program o tinatawag nang LSEED Online Mentoring na tinuturuan ang mga kalahok na magtayo ng mga negosyong tumutugon sa mga suliraning kinahaharap ng bawat komunidad.
Bukod sa mga nabanggit na programa, maglulunsad din sila ng mga bagong proyekto, tulad ng certificate course hinggil sa social entrepreneurship sa buwan ng Marso at ang Social Enterprise Development for Student Organization na layong gawing inklusibo ang mga proyekto ng mga student organization.
Katuwang din ng LSEED ang DLSU Startup Creator and Accelerator for Lasallian Entrepreneurs at Hult Prize at DLSU sa pagpapalaganap ng kanilang mga proyekto sa mga estudyante. Ani Salonga, “these two organizations under LSEED Center will help us reach out to more students through the programs and initiatives as well as by engaging them as potential officers [or] volunteers of these student organizations.”
Epekto ng online na midyum
Napilitan ang LSEED Center na iayon ang kanilang paraan ng pagpaplano ng mga proyekto sa kasalukuyang online na set-up. Kaugnay nito, iginiit ni Salonga na palagi nilang sinusuri ang mga disenyo ng bawat programa upang mas mailapit ng mga tagapagsanay ang layunin ng tanggapan sa mga estudyante.
Ibinahagi rin ni Salonga na mas marami silang nagagawa ngayong online dahil maaari na lamang nilang imbitahin ang mga komunidad sa pamamagitan ng Zoom. Subalit, ipinahayag din niyang naapektuhan nito ang antas ng interaksiyon sa mga sangkot na komunidad dahil kinakailangang makita nang personal ang tunay na kalagayan ng mga komunidad.
Binanggit din niyang nahirapan silang makipag-ugnayan sa mga komunidad dahil sa kasalukuyang set-up kaya sinisiguro nilang mayroong mga kauukulang load ang mga komunidad para sa internet connection at maturuan sila ng tamang paggamit ng Zoom o Gmail. Napagdesisyunan din nilang bigyan ng akses ng recording ng mga sesyon ang mga komunidad dahil madalas nagkakaroon ng problema sa internet.
Isinaad ni Salonga na sakali namang manumbalik ang face-to-face classes, maasahan ng mga estudyante ang mas makabuluhang interaksiyon ng LSEED sa mga komunidad. Dagdag pa niya, “I’m sure they miss the campus. I’m sure they miss interacting with their fellow students [or] fellow social entrepreneurs, so we’ll definitely have more sharing sessions [and] face-to-face interaction, when the circumstance allows it.”
Pagbabago sa sistema ng LSEED
Ipinabatid naman ni Salonga na mas aktibo na ang kanilang tanggapan ngayon sa iba’t ibang proyekto at mas dumami ang kanilang katuwang sa pamamahala ng kanilang mga programa.
Patuloy rin nilang sinusuri ang kanilang mga proseso at ginagamit nila ito bilang batayan upang makabuo ng mga flowchart na nakatutulong sa pagpapabuti ng kanilang operasyon. “We are a new center so it’s very crucial for us to be very mindful of the processes so I think that will help us—the documentation of the processes will help us—to be able to be more efficient and effective in the delivery of the services and programs of the center,” sambit ni Salonga.
Ipinahayag din niyang naging mas madali ang proseso nila ng pakikipag-ugnayan sa mga opisinang makatutulong sa kanila ngayong online na set-up dahil bahagi na sila ng istruktura ng Pamantasan.
Karanasan para sa kinabukasan
Nabigyan din ng pagkakataon ang APP na makapanayam ang ilang estudyante ng DLSU upang maihayag ang kanilang karanasan sa mga programa ng LSEED.
Ayon kay Fernando Magallanes Jr., ID 120 ng kursong BS Manufacturing Engineering and Management, naniniwala siyang hindi naging sagabal ang pandemya upang maipatupad ng LSEED ang kanilang mga proyekto. Sa katunayan, nakatulong ang kasalukuyang set-up sa pagkonekta ng mga estudyante sa iba’t ibang tagapayo at dalubhasa na nasa ibang probinsya o bansa.
Kaugnay nito, ipinabatid ni Magallanes na lubos na natutugunan ng LSEED ang layuning ikintal ang kahalagahan ng social entrepreneurship dahil mas nalinang ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo at natutuhan nilang gamitin ang konseptong sustainability para sa ikabubuti ng bansa. Pahayag niya, “[namulat] ako sa kahalagahan ng pagtayo ng social enterprise na hindi lamang nakatuon sa sariling negosyo . . . [kundi] sa [ikabubuti rin] ng tao at [ng] mundo o kapaligiran.”
Bukod kay Magallanes, ipinunto rin ni Emil Concepcion, ID 120 ng kursong BS Mechanical Engineering, na nakatulong ang mga proyektong isinakatuparan ng LSEED pagdating sa project management, paghanap ng mga solusyon sa problema ng kapwa Pilipino, paghubog sa kaisipan ng mga estudyante, at paglatag ng mga tamang hakbang para sa mga gustong magnegosyo. Ayon kay Concepcion, “LSEED has succeeded in making me a more involved citizen and conscientious by giving me a few things to think about.”
Naniniwala sina Concepcion at Magallanes na naging makabuluhan ang kanilang mga karanasan sa mga proyekto ng LSEED. Subalit, hangad pa rin nilang bigyang-pansin ng tanggapan sa susunod nilang mga proyekto ang epektibong paraan ng paglatag ng negosyo at paggabay sa mga Lasalyanong sumasali sa mga internasyonal na patimpalak.