DUMAUSDOS ang kampanya ng Gilas Pilipinas kontra Tall Backs ng New Zealand, 63-88, sa 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers, Pebrero 27, sa Smart Araneta Coliseum.
Pinangunahan ng tambalang Thirdy Ravena at Dwight Ramos ang pakikipagbakbakan ng Gilas Pilipinas kontra Tall Blacks. Nakapagtala si Ravena ng 23 puntos upang paganahin ang opensa ng Pilipinas. Samantala, 18 puntos naman ang ipinukol ni Ramos para alalayan ang best scorer ng koponan.
Sa kabilang banda, nagpamalas din ng umaatikabong laro si Taane Samuel na dating atleta ng DLSU Green Archers matapos tumikada ng 12 puntos para sa Tall Blacks.
Umalagwa ang Gilas Pilipinas sa pagpasok ng unang kwarter ngunit agad naman itong sinagot ng Tall Blacks. Sinubukan ding lumamang ng koponang Pilipino sa kabila ng matinding opensa ng Kiwis. Gayunpaman, naging dikit ang laban at natapos ang unang yugto sa iskor na 19-22, pabor sa New Zealand.
Sa pagpasok ng ikalawang yugto, maagang nagliyab ang opensa ng Tall Blacks at umakyat sa sampu ang kanilang bentahe. Maaga ring na-foul trouble ang parehong koponan. Sa kabila nito, sinubukang pumiglas ng Gilas Pilipinas mula sa pagkakatali sa halos magkadikit na talaan nila ng New Zealand. Gayunpaman, natapos ang ikalawang yugto sa iskor na 33-40, pabor pa rin sa Tall Blacks.
Nagpasiklab ng tres si Thirdy Ravena sa pagsisimula ng ikatlong yugto. Subalit, agad ring nagpaulan ng tres ang kalalakihan ng Tall Blacks upang tumbasan ang pag-arangkada ng atletang Pilipino. Sinubukan ding paliitin ng Gilas Pilipinas ang bentahe ng New Zealand sa ikaapat na kwarter. Gayunpaman, malakalbaryong natamasa ng Gilas Pilipinas ang 25 kalamangan ng New Zealand sa pagtatapos ng bakbakan, 63-88.
Dahil sa pagkabigong patumbahin ang New Zealand, nakamit ng Gilas Pilipinas ang 2-1 panalo-talo kartada sa torneo. Sa kabila nito, tiyak na may puwesto na ang Gilas Pilipinas sa 2023 World Cup kasama ang Japan at Indonesia.
Raratsada muli ang Gilas Pilipinas sa 2022 FIBA Asia Cup sa Jarkarta, Indonesia mula Hulyo 12 hanggang 14 na gaganapin sa Istora Gelora Bung Karno. Kabilang ang pambato ng Pilipinas sa Group D ng torneo kasama ang New Zealand, Lebanon, at India.