Mistulang kuryenteng dumadaloy sa buong katawan ang sensasyong kaniyang nararamdaman. Napapaso siya sa bawat hipo niya sa kaniyang balat sapagkat may namumuong init sa loob ng kaniyang katawan na kailangan niyang mailabas. Sisiguruhin muna niyang walang makaaalam at makakikita bago siya maglakbay tungo sa mga kuwebang kaniyang susuungin. Kaniyang gagamitin ang makukulit na kamay at mga laruan upang maibsan ang hilab na kaniyang nadarama. Tila sa pagtagal ng paglalakbay sa kuweba ang kaniyang pananabik upang makamtan ang rurok na kaniyang hinahanap. Sa huling kumpas ng kaniyang mga daliri, kaniyang natagpuan ang sapang nakapagtighaw ng init sa kaniyang katawan. “Tagumpay ang paglalakbay,” sambit niya kasabay ng kaniyang paglilinis ng kalat na ginawa.
Katulad ng kalalakihan, kinakailangan din ng kababaihang magparaos sa tuwing nakararamdam ng init sa kanilang mga kalamnan. Normal man kung ituring para sa mga lalaki, tila nilalamon pa rin ng anino ng kahihiyan at pandidiri ang paksa ng pagpaparaos sa tuwing kababaihan ang pinag-uusapan. Bagkus, kinakailangan pa ring palawigin ang diskurso upang maiwaksi ang estereotipikong pag-iisip na ito—ang sariling pagpaparaos ng kababaihan.
Pagtuklas sa malilikot na kamay
Kamay ang kasangga ni Jade* tuwing nilalasap ang sarap na dala ng sariling pagpaparaos. Sa tulong ng romansa at libro, abot-langit na ligaya ang kaniyang natuklasan sa murang edad. “Ginagawa ko lang siya dahil sa feeling, pero ‘di ko alam na ‘yun [ang] tawag doon,” pagbabahagi ni Jade. Luminaw man ang kaniyang kaalaman tungkol sa konsepto ng masturbation kinalaunan, hindi pa rin maikakailang hindi malayang napag-uusapan ang paksang ito. “Hindi talaga ako nag-she-share ng [ganoon], though sobrang open ko na tao,” ani Jade habang inilalahad ang kaniyang pananaw pagdating sa usaping sex. Ibinahagi rin niya na iba ang ihip ng hangin noon tuwing maglalahad ng maseselang karanasan ang mga babae. “May iba kaming schoolmates na open, hindi lang sa masturbation nila kundi sa mga sexual activities nila. Sobrang taboo [noon] na ang bata-bata tapos sobrang sexually active na,” paglalahad niya. Talamak man ang pornograpiya sa internet, iba pa rin ang turing sa kababaihang inihahayag ang kanilang sekswalidad. Kaya kahit pa sabihing mas malawak na ang espasyo ngayon para sa ganitong mga usapin, hindi maiwasang mapiit ang boses ng kababaihan sa takot na maaari silang matahin ng lipunan.
Relihiyoso man ang pamilya ni Jade, hindi ito nakaapekto sa kaniyang pananaw sa masturbation. Aniya, “wala na akong [pakialam] sa sinasabi nila kasi wala naman akong nasasaktang ibang tao.” Dagdag pa niya, hindi tamang nagsisilbing pamantayan ng pagkadalisay ang female masturbation dahil may kalayaan namang magpahayag ng pagpaparaos ang kalalakihan nang walang pagpuna. Kung pagtuklas lamang ng sariling katawan ang usapan, hindi naman kailangan ituring itong kasamaan. Kaya’t taboo man ito para sa iba, pangangailangan ito para sa kaniya.
Propesyonal na pagkalikot
Hindi maikakailang hindi gaanong napag-uusapan ang female masturbation dahil sa kahihiyang lumilingkis sa paksang ito. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Dra. Janmarie Sandoval, isang obstetrician-gynecologist, kaniyang inilahad na sa kabila ng kaniyang labingtatlong taong karera sa pagiging doktor, hindi pa siya nagkaroon ng pasyenteng sumangguni tungkol sa female masturbation. Aniya, “I think, kaya nila hindi dini-discuss, hindi nila mine-mention, kasi nga it’s verging on taboo na. So wala pa akong actually na-encounter na gano’n, unless itanong mo sa kanila.” Inilahad ni Sandoval na culturally sensitive ang paksa ng masturbation, pati ang paggamit ng sex toys. Kaya naman, naniniwala siyang dapat nagsisimula sa tahanan ang diskurso tungkol sa mga usaping ito.
Inilahad din ni Sandoval na dapat inormalisa ang mga diskusyon at buwagin ang nakasanayang pananaw sa female masturbation dahil nakatutulong din ito sa kalusugan. “So it can be self-soothing, it’s calming. However, syempre dapat in appropriate times and places siya gagawin,” pagpaliwanag niya. Nagsisilbi rin itong paraan ng paggamot para sa mga may sexual dysfunctions. Gayunpaman, ipinapaalala ni Sandoval ang kahalagahan ng hygiene at environment dahil sa kaakibat nitong sexually transmitted infections na maaaring makuha kapag ginagawa ito mutually.
Aminado si Sandoval na nagkukulang din silang mga obstetrician sa pagbubukas sa usapin ng female masturbation. Kaya naman, inaanyayahan niya ang mga kababaihan na huwag mailang sa sex-related na mga katanungan. Pagdidiin niya, dapat ipaalam ito sa mga doktor upang mas mabigyan sila ng sapat na impormasyon ukol dito.
Kapit-kamay tungo sa diskurso
Bago pa man mahusgahan ang kababaihan pagdating sa usapin ng masturbation, nararapat lamang na magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol dito. “Dapat meron tayong teaching approaches na madevelop para hindi siya nakakahiyang pag-usapan,” ani Sandoval. Mababanlawan lamang ang konsepto ng female masturbation sa oras na matanggal ang malagkit na pag-iisip at pagtingin tungkol dito.
Malaswa man kung ituring ng nakararami, ngunit ang tawag pa rin ng laman ang mananaig. Kinakailangang mabigyang-linaw ang konsepto ng female masturbation sapagkat hindi lamang ito makatutulong sa kababaihan upang mas maintindihan ang kanilang pagsisiyasat sa kanilang mga hiyas kundi pati na rin sa kanilang kalusugan. Kasabay ng pagpasok ng mga daliri ang dapat siyang simula ng makabuluhang diskurso ukol sa female masturbation.
*hindi tunay na pangalan