TANYAG ang De La Salle University (DLSU) Animo Squad sa kanilang kahanga-hangang talento sa cheerdancing na karaniwang natutunghayan sa entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Kaakibat nito, hangad ng koponan na makapagpamalas ng nakamamanghang palabas para sa kanilang muling pagsalang sa pangkolehiyong torneo.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Emmanuel Calanog, direktor ng DLSU Office of Sports Development (OSD) at Presidente ng UAAP Season 84, inaasahang magsimula ang UAAP Season 84 sa darating na Marso sa pamamagitan ng bubble set-up. Gayunpaman, sa pagkakataong lumobo muli ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, piling mga isport na lamang ang makasasali sa UAAP at isa na rito ang cheerdance competition na nilalahukan ng Animo Squad.
Pagsisikap sa kabila ng pagsubok
Sa kabila ng halos dalawang taong pagliban sa face-to-face na ensayo at pagtitipon, nananatili pa rin ang liyab ng determinasyon ng Animo Squad na mahasa ang kanilang talento. Kaugnay nito, binibigyan ng atensyon ng mga coach at mga kapitan ng koponan ang pisikal at mental na kalusugan ng isa’t isa.
Ibinahagi ni Lester John Go, assistant coach ng Animo Squad, sa APP na sinusubukan pa rin ng koponang pagtibayin ang kanilang samahan at komunikasyon sa isa’t isa sa kabila ng kakulangan sa face-to-face trainings. “Tsinitsek [namin] from time to time ‘yung mga leaders kung ano ‘yung update, kung anong nangyari sa team, at kung may problems ba ‘yung mga teammates nila on their academics and siyempre ‘yung sa emotional at tsaka sa mental [na kalusugan],” pagbabahagi ni Go.
Bagamat hindi pa rin tiyak na maisasagawa ang face-to-face trainings ng Animo Squad, inilahad ni Go na sa pagkakataong pahihintulutan na ng mga tagamapamahala ng UAAP at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagsasagawa ng face-to-face trainings, mag-eensayo ang nasabing koponan sa pamamagitan ng bubble type na set-up.
Sa kabila nito, patuloy pa ring nag-eensayo ang bawat miyembro ng Animo Squad para sa inaasahang pagbabalik ng UAAP sa ika-84 na season nito. “Noong nag-stop pa lang ‘yung face-to-face training, pagdating ng first term on that year, nag-training na kami kaagad, so tuloy-tuloy naman, never stopped training naman, three times a week. Nag-stop lang naman kami kapag may exams, ‘yun lang naman. Puro pagpapalakas lang, conditioning training, mental training,” pagbabahagi ni Go.
Nagagalak din ang assistant coach ng Animo Squad dahil sa matibay na determinasyon at hindi natitinag na lakas ng loob ng koponan sa kanilang puspusang pagsasanay kahit mayroong mga pagbabagong kailangang isagawa. “Thank you rin na kahit na ganitong online training tayo, naibahagi ko ‘yung talagang mahal kong sport. . . sobrang passionate ako sa sport na ‘to, and love na love ko ‘tong sports na ‘to kaya thank you rin na na-express ko ‘yung mga gusto kong gawin,” wika ni Go.
Balakid sa pag-eensayo
Maituturing na pundasyon ng cheerdance ang pagsasagawa ng mga stunt at sayaw ng mga koponan. Gayunpaman, bunsod ng restriksyon ng pandemya, nagkaroon ng mga pagbabago sa sistema ng pagsasanay ng Animo Squad ngayong online set-up at isa na rito ang pagbabawas ng kanilang mahahalagang training routine.
Dahil sa kakulangan ng mga kagamitan sa kani-kanilang mga tahanan, tulad ng mga safety mat, hindi nasasanay ng mga miyembro ng koponan ang kanilang talento sa paggawa ng mga stunt na tumbling at pyramid. Buhat din ng kakulangan sa espasyo na maaaring gamitin sa pag-eensayo, pansamantalang nahinto ang weight training ng mga miyembro ng Animo Squad.
Maliban dito, pagsubok din para sa Animo Squad ang hindi pagkakatugma-tugma ng kanilang mga iskedyul bilang mga atleta at estudyante. Hamon din para sa koponan ang pagkakaroon ng mabagal na koneksyon sa internet. “Minsan sa kalagitnaan ng training, bigla na lang nawawalan kami ng internet o kaya naman bago kami magsimula, ‘yung isa [sa amin] hindi maganda ‘yung connection,” sambit ni Go.
Pagpapahalaga sa mental na kalusugan
Bagamat naging malaking hamon para sa mga coach at miyembro ng Animo Squad ang pagtransisyon sa online set-up na pag-eensayo, sandigan naman nila ang isa’t isa tuwing may kinahaharap na pagsubok. “From time to time, the leaders [o team captains] talaga ‘yung nag-aapproach doon sa mga athlete,” pagbabahagi ni Go.
Binibigyang-priyoridad at pinangangalagaan din ng mga coach ang mental na kalusugan ng bawat miyembro ng koponan. Higit pa rito, hindi maiiwasan na makaranas ng depresyon at pagkabalisa ang mga estudyanteng atleta. Kaya naman, hinihikayat ng coaching staff ng Animo Squad na magpakonsulta sila sa sports psychiatrist ng DLSU kapag may mga personal na problema at nangangailangan ng tulong.
Sa kabila nito, kakaibang mga galaw sa cheerdancing ang inaasahan ng pamayanang Lasalyano na ipamamalas ng Animo Squad sa kanilang pagbabalik sa entablado ng UAAP. Kaakibat nito, maaasahang magkakaroon ng mga bago at kakaibang tema ng stunts at sayaw ang Animo Squad sa Season 84 ng torneo. “‘Wow! Ito ba ‘yung La Salle?’ medyo parang ganoon [ang magiging reaksyon ng mga manonood]. Hindi mo maiisip na ‘yung theme na ‘yun is for La Salle. . . parang ‘yung La Salle is nag-out sa kaniyang comfort zone,” maligalig na pagbabahagi ni Go.
Pursigidong nagsasanay ang Animo Squad upang makapagpamalas ng kahanga-hangang palabas sa entablado ng UAAP Season 84. Humarap man sa mga pagsubok ngayong online set-up, hindi natinag ang katatagan at determinasyon ng bawat miyembro ng koponan na mag-ensayo kahit sa paraang hindi nakasanayan. Kargado ang angking talento sa cheerdancing, inaasahang magsusumikap ang mga estudyanteng atleta upang makamit ang inaasam na gintong tropeo sa naturang pangkolehiyong torneo.