NAGPAKITANG-GILAS ang Gilas Pilipinas matapos patumbahin ang India, 88-64, sa Group A ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers, Pebrero 25, sa Smart Araneta Coliseum.
Matatandaang umatras ang bansang South Korea sa FIBA World Cup Asian Qualifiers matapos matamaan ng COVID-19 ang mga manlalaro ng kanilang koponan. Bunsod nito, nagkamit na ng isang panalo ang Gilas Pilipinas bago pa man harapin sa kort ang India.
Nagpamalas ng nagbabagang combo sina Dwight Ramos at Thirdy Ravena sa laro nito kontra India matapos hiranging best scorers ng koponan. Kaakibat nito, nakapagtala ng 17 puntos si Ramos habang pumukol ng 15 marker si Ravena. Samantala, nagpakilala rin sina Roger Pogoy at Robert Bolick na kumahon ng pinagsamang 22 puntos.
Sa unang yugto ng torneo, hirap makatira at makagawa ng play ang parehong koponan. Tila low-scoring ang ball game ng Pilipinas at India matapos magmintis ang kanilang mga tirada. Gayunpaman, nagtapos ang unang yugto sa iskor na 18-13, pabor sa Pilipinas.
Bagamat naging hamon ang unang yugto, bumulusok ang India sa pagpasok ng ikalawang kwarter. Subalit, nakaahon agad mula sa pagkakadapa ang Gilas Pilipinas matapos magpaulan ng tres si Ravena na nakapagtala ng 15 puntos.
Maliban kay Ravena, kumamada rin ng sandata ang Gilas Pilipinas sa katauhan ni Ramos sa ikatlong yugto ng laro. Hindi rin nagpatalo ang dating team captain ng DLSU Green Archers na si Kib Montalbo matapos bumitaw ng isang buzzer beater shot upang wakasan ang naturang ikatlong yugto ng bakbakan.
Hindi nakabawi ang India sa huling yugto ng laban at nagtapos ito sa iskor na 88-64. Bunsod nito, nakamit ng Gilas Pilipinas ang kanilang ikalawang panalo sa torneo. Napasakamay ng koponang Pilipino ang unang puwesto sa Group A ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers, habang nasa ikatlong puwesto naman ang India na may dalawang talo.
Abangan ang susunod na laro ng Gilas Pilipinas kontra New Zealand bukas, Pebrero 27, ika-7 nang gabi.