INILATAG ng University Student Government (USG) ang mga paghahandang isinasagawa ng kanilang opisina para sa posibilidad ng muling pagbabalik ng mga Lasalyano sa Pamantasan. Alinsunod ito sa naunang plano ng administrasyong buksan ang klase sa ikalawang termino ng kasalukuyang akademikong taon at bilang tugon sa mga pagbabagong ipatutupad ng Pamantasan matapos ang muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Mga paghahandang isinasagawa
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Giorgina Escoto, pangulo ng USG, ibinahagi niyang lubos na makikinabang ang pamayanang Lasalyano sakaling buksan muli ang Pamantasan para sa face-to-face na klase dahil marami pa ring estudyante ang nahihirapang makasabay sa online na klase. Bunsod nito, layon ng kaniyang opisinang patuloy na isulong ang kampanyang #BalikDLSU upang makamit ng bawat Lasalyano ang inaasam na dekalidad at pantay na edukasyon at pagkatuto.
Paliwanag ni Escoto, nakikipagtulungan ang kaniyang opisina sa mga local government unit, Commission on Higher Education, at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa pagtataguyod nito. Kasalukuyan din nilang binubuo ang F2F Orientation Kit upang maipaalam sa pamayanang Lasalyano ang mga patakaran sa loob ng Pamantasan.
Kaugnay nito, nakatutok sina Britney Paderes, Vice President for Internal Affairs ng USG, sa pagbibigay ng emosyonal na suporta sa mga estudyante at pagtitiyak na maayos ang transisyon ng mga estudyante mula sa online na set-up. Dagdag pa niya, “the transition may be overwhelming at first, but your USG together with the admin, will ensure that we will provide policies, programs, and initiatives that would help us all.”
Samantala, binibigyang-tuon naman ng mga college president na sina Alex Brotonel ng College Government of Education, Martin Regulano ng School of Economics Government, Bea Berenguer ng Computer Studies Government, Alfonso Claros ng Engineering College Government, at Chiki Grijaldo ng Business College Government, ang paghahatid ng tulong sa mga estudyanteng naapektuhan ng COVID-19.
Ani Regulano, patuloy silang magsasagawa ng mga sarbey sa mga susunod na termino upang makakalap ng sapat na mga datos para sa kanilang bubuuing mga polisiya. Kaugnay nito, nakipagtulungan din sina Grijaldo sa DLSU-PUSO upang magsagawa ng sarbey na naglalayong malaman ang sentimiyento ng mga magulang ng mga estudyante mula sa Ramon V. del Rosario College of Business ukol sa muling pagbubukas ng Pamantasan at sa kakayahan ng mga estudyanteng nasa probinsya na makabalik sa kampus. “Makikipag-ugnayan kami sa DLSU admin upang magsilbing tulay sa pag-angat ng mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa kanila,” panigurado ni Grijaldo.
Panawagan para sa dekalidad na edukasyon
Sa nagdaang dalawang taon ng online na klase, ipinahayag ni Berenguer na malaking kaginhawaan para sa kaniyang mga kapwa estudyante ang pagkakaroon muli ng face-to-face na klase. “Walang duda na sa face-to-face na klase ay mas mapadadali ang pakikipagtulungan at paggamit ng mga software na kailangan para sa mga kurso sa kolehiyo,” ani Berenguer.
Ayon naman kay Claros, malaking tulong din ang pagsasagawa ng face-to-face na klase sa kanilang kolehiyo sapagkat maraming klase ang nangangailangan ng laboratoryo. “Mayroong mga applications at equipment na hindi [kompletong natututuhan] ng mga [estudyante] sa paggamit, at matutuhan ito nang mas mabuti kung nagkaroon ng face-to-face classes,” ani Claros.
Kahalagahan naman ng pagkakaroon ng mga practicum at teaching demonstrations ang pokus ni Brotonel ukol sa muling pagbubukas ng klase. Sa tulong ng kompletong instrumento at sapat na kagamitan mula sa kampus, malilinang nito ang kaalaman ng mga estudyante sa pagtuturo. Ilan sa mga kursong kaniyang nabanggit ang Bachelor of Arts in English Language Studies, Bachelor of Secondary Education Major in English, at Bachelor of Science, Major in Early Childhood Education.
Sa huli, umaasa si Escoto na patuloy na makikipagtulungan ang pamayanang Lasalyano upang makamit ang ligtas na pagbubukas ng mga klase sa Pamantasan. “Nais ng buong USG na maging ligtas ang proseso na ito para sa ating lahat. Nawa’y upang mas mapabilis ang ating pagbabalik ay magpabakuna na tayo laban sa COVID-19 at limitahan ang ating pagpupunta sa mga gathering,” panghihikayat ni Escoto.