Noong Disyembre 30, 2021, pormal na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakamalaking pambansang pondo sa kasaysayan ng Pilipinas na nagkakahalaga ng mahigit Php5 trilyon. Sa gitna ng sumisidhing krisis pangkalusugan, inaasahang epektibong ilalaan ng bawat ahensya ng gobyerno ang pondo para sa pagbangon mula sa dalawang taong pagkakasadlak.
Gayunpaman, tila nangangamba ang ilang ahensya, katulad ng Department of Agriculture (DA) na maisakatuparan ang programang magpapabangon sa kanilang sektor dahil sa mas mababang pondong inilaan sa kanilang ahensya. Matatandaang kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson ang ilan sa mga proyekto ng DA, gaya ng karagdagang Php5 bilyon pondo para sa pagpapatayo ng farm-to-market roads.
Naudlot na pagbangon
Sa pag-apruba ng General Appropriations Act of 2022, inaasahang maraming ahensya ng gobyerno ang makikinabang rito. Ngunit, hind pa rin maikakailang may mga ahensyang makakakuha ng mas mababang pondo. Isa ang DA sa mga ahensyang maliit lamang na pondo ang matatanggap sa kabila ng malaking pondo ng gobyerno ngayong taon. Bunsod nito, ilan sa mga proyekto ng DA ang maaapektuhan, gaya ng coconut industry development plan na matagal nang pinaghandaan ng ahensya simula noong 2021. Puspusan din ang pagsisikap ng DA sa mga nakaraang taon upang makamit ang kanilang layuning 2.5% na pag-unlad para sa sektor ng agrikultura at fisheries.
Ayon sa pahayag ni Secretary William Dar noong Marso, nananatiling mabagal ang pag-unlad sa sektor ng agrikultura at uusad lamang itosa pamamagitan ng paglulunsad ng OneDA Reform Agenda. Gayunpaman, pansamantalang mahihinto ang mga planong ito dahil nabawasan ang pondo ng ahensya na mula Php231 bilyon, naging Php91 bilyon na lamang. Bunsod nito, ninais ng ahensyang magkaroon ng karagdagang Php8 bilyon hanggang Php10 bilyong sa kanilang pondo upang sumapat ito para sa kanilang mga programa.
“The agriculture sector has been contributing at an average of about 10% to the gross value product of the country, and yet ang budget niya ay nasa 1.5-1.8% of the national budget. So sana, i-angat man lang hanggang 5%,” giit ni DA Assistant Secretary Noel Reyes.
Kinabukasan ng palayang uhaw
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Ella Hazel Estrada, isang agrikultor, pabor siya sa iminungkahing pagbabawas ng pondo para sa naturang ahensya. Aniya, “. . .this slashing of the budget is also needed to devolve and decentralize the budget of the department. Mandanas Ruling will take place this 2022. Mandanas Ruling devolves the functions handled by the department to the local government unit. LGUs can now prioritize projects that are needed by the locals,” paliwanag niya.
Gayunpaman, iginiit niyang labis na maaapektuhan nito ang ibang mga proyekto ng ahensya na umaalalay sa mga magsasaka tungo sa mataas na produksyon ng bigas at mais. Inaasahan niyang kaakibat ng mas maliit na pondo ang maaaring pagbaba ng bilang ng produksyon ng agrikultural na produkto ng bansa na magtutulak sa sektor upang umangkat ng mga produkto mula sa ibang bansa. Tila hindi matatakasan na parehong masasadlak sa kahirapan ang mga magsasaka at ang pambansang ekonomiya.
Bunsod ng mas maliit na pondo at suporta mula sa gobyerno, iminungkahi ni Estrada na bukod sa pagtuturo sa mga magsasaka ng mga teknikal na kasanayan sa pagtatanim, kinakailangan ding hasain ang kakayahan ng mga magsasaka sa pagbebenta ng mga sariling produkto gamit ang Clustering and Consolidation Approach (CCA). Sa pamamagitan ng CCA, hindi lamang pawang mga prodyuser ng agrikultural na produkto ang mga magsasaka, bagkus sila rin ang primaryang makapagbebenta nito sa merkado.
Naniniwala si Estrada na malaki ang gampanin ng mga iniluklok na pinuno sa pagpapayabong ng sektor ng agrikultura at kinakailangang makinig ng pamahalaan sa panawagan ng mga magsasakang nakararanas sa realidad ng agrikultura sa bansa. Higit pa rito, iginiit niyang dapat magsimula sa mga lider ang paghimok sa kabataang tuklasin at pasukin ang larangan ng agrikultura dahil tumatanda na ang mga magsasaka at ang kabataan lamang ang maaaring magpatuloy sa industriyang bumubuhay sa bawat mamamayang Pilipino.
Mitsa ng paghihirap
Ibinahagi ni Herminio Agsaluna, presidente ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA), sa kaniyang panayam sa APP na mayroong negatibong epekto sa sektor ng agrikultura, lalo na sa mga maliliit na magsasaka sa bansa, ang mas maliit na pondo ng DA.
Tinuligsa ni Agsaluna ang mga dahilan ni Senador Lacson upang mabawasan ang pondo ng DA dahil malaki ang ginagampanan ng mga farm-to-market roads, lalo na sa mga maliliit na magsasaka na nasa malalayong lugar. Mula sa Php60, Php5 na lamang ang ibabayad ng mga magsasaka sa transportasyon ng kanilang mga ani kapag mayroong maayos na mga kalsada mula sa mga sakahan papuntang bayan.
Bukod dito, matatanggal umano ang mga makinarya at subsidiyang binhi at pataba na binibigay ng DA sa mga magsasaka sa mga munisipalidad. Gayunpaman, naniniwala pa rin si Agsaluna na higit pa sa sapat ang Php91 bilyong pondo ng DA ngunit hindi lamang ito nagagamit nang mabuti dahil sa kawalan ng maayos na implementasyon ng mga proyekto at malawakang korapsyon sa gobyerno na mismo niyang nasaksihan bilang lider ng kanilang organisasyon.
Hindi rin maitago ni Agsaluna ang kaniyang pagkadismaya sa patuloy na pagbibigay-priyoridad ng pamahalaan sa malalaking negosyante sa sektor ng agrikultura. “Ang bansa natin ay agricultural country. Hindi tayo mahirap. . . Hindi dapat tayo mag-export ng pagkain natin,” pagbibigay-diin ni Agsaluna.
Bilang pagtatapos, nanawagan si Agsaluna sa DA na buksan ang mga transportasyon ng mga ani upang patuloy na kumita ang mga magsasaka. Sambit niya, mahirap magpadala ng mga ani ngayong pandemya dahil iba’t iba ang mga patakaran ng mga lalawigan sa pag-aangkat ng mga produkto.
“Dapat ang ilagay [iboto] nila sa puwesto ang may damdamin sa mga magsasaka. Ang administrasyon natin ngayon, walang damdamin sa mga magsasaka, dahil hindi sila magsasaka. Kung nagsasaka ka, alam mo kung paano malugi ang mga magsasaka,” paninindigan ni Agsaluna.
Karera sa pilapil ang paggaod ng mga magsasaka upang buhayin ang sektor ng agrikultura sa bansa. Bagamat kayod-kalabaw sa kalagitnaan ng pandemya, inilulugmok sila ng mga neoliberal na polisiya at atrasadong sistema. Ugatin natin ang suliraning kinahaharap ng ating mga magsasaka at maglaan ng mga repormang tiyak na magbubunga ng kasaganahan sa kanila. Walang magandang binhi sa palayang tuyot na sa uhaw–ito ang panawagan ng mga anakpawis.