Narinig mo na ba ang mga katagang, “uy, minus Ligtas Points ‘yan.” Nabiro ka na rin ba at nasabihang, “dagdag Ligtas Points sa magshe-share ng post ko.”
Hindi man malinaw ang pinagmulan, napadadalas sa kasalukuyan ang paggamit ng ekspresyong ‘Ligtas Points’ sa social media. Sabi ng iba, nadadagdagan ito tuwing sinusunod mo ang Sampung Utos ng Diyos. Sa kabilang banda, maaari itong mabawasan sa tuwing ginagamit mo ang pangalan ng Panginoon upang pagsamantalahan ang iyong kapwa. Sa huli, anoman ang iyong gawin, titimbangin muna ang iyong Ligtas Points bago ka makapasok sa langit.
Hindi na bago para sa mga Pilipino ang magkaroon ng iba’t ibang malikhaing coping mechanism. Noong kasisimula pa lamang ng pandemya at sa kalagitnaan ng mga bagong pangambang dala nito, nakahanap tayo ng pansamantalang kaginhawaan sa isang baso ng Dalgona coffee.
Gaya ng aliw na natagpuan sa kapeng ito, paniguradong mayroon din tayong natatamasa sa paggamit ng Ligtas Points. Seguridad? Kapayapaan ng isip? O baka wala talagang dulot ang ekspresyong ito, at sa halip, naging madali lamang sa atin ang magbiro hinggil sa langit sapagkat hindi na natin masyadong binibigyang-halaga ang Diyos?
Ano nga ba ang tunay na kuwento sa likod ng Ligtas Points?
Banal na katuwaan
Saksi ang social media sa mga pinagdadaanan ng buong mundo. Naglabasan ang maraming trends at memes. Nabigyan din ng panibagong anyo ang sagradong kahulugan ng pag-akyat patungong langit. Nauso ang katagang “Ligtas Points”—puntos na makakamit umano kapag gumawa ng mabuti o hindi tumawa sa mga larawan o sitwasyong hindi dapat pagtawanan.
Ang punto ng puntos—pagtitimpi; pagtitimpi upang hindi matawa sa mga hindi kaaya-ayang pangyayari. Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Elspet How at Faith Evangelista, mga indibidwal na gumagamit ng katagang Ligtas Points, upang malaman ang kanilang dahilan sa paggamit nito. Para kay How, nagagamit niya ang ekspresyong ‘minus Ligtas Points’ kapag napatawa siya sa mga hindi kaaya-ayang pangyayari. Sa pagtawa niya sa memes, minsang sumasagi rin sa kaniyang isipan na, “parang ‘di na ata ako aabot [sa langit] sa kababawas ko ng Ligtas Points.”
Naging katuwaan ang paggamit ng ekspresyong Ligtas Points, lalo na ng mga kabataang pumapalagi sa social media. Para kay Evangelista, ginagamit niya ang ekspresyon bilang pang-asar sa kaniyang mga kaibigan. Bagamat madalas matawa sa paggamit ng naturang ekspresyon, napagtanto ni Evangelista na hindi gaanong maganda ang paggamit nito dahil labag ito sa kaniyang paniniwala. “Gusto ko ‘yung joke ng Ligtas Points, ‘yung context. Pero minsan nakakaguilty din siyang gamitin. Kasi bilang isang Kristiyano [na] naniniwala na may langit sa afterlife, nakakaguilty kasi ginagawa kong katatawanan ‘yun,” ani Evangelista.
Sa pagitan ng gumagamit at hindi gumagamit ng ekspresyong ito, hindi maiiwasang magkaroon ng hating opinyon. Sa isang panig, itinuturing na kalapastangan ang paggamit nito sapagkat hindi mabuti ang pagtawa sa mga paksang may kinalaman sa relihiyon. Sa kabilang panig naman, hindi ito maituturing na paglabag dahil nagbabago ang takbo ng mundo. Tulad ng buhay at kultura, sumasabay ang mga biro sa pagbabagong-anyo ng mundong ating ginagalawan. “‘Di naman siya tumitigil lang doon kasi nag-eevolve din ‘yung tao ‘pag nagbabago ang panahon kaya, at the same time, nag-eevolve din ‘yung kultura,” ani How.
Bagamat kaakibat ng katagang ito ang konsepto ng kamatayan, mistulang hindi pa rin naging magaan ang usaping ito para kina Evangelista at How. Anila, ibang konsepto ang kamatayan dahil mas malalim ang kahulugan nito.
Sa kabatiran ng palatauhan
Nakapanayam ng APP si Fatima Molina, isang antropologo at kasalukuyang koordinator sa Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Association, upang ibahagi ang kaniyang pananaw ukol sa paggamit ng Ligtas Points sa bansa. Kaniyang inihayag na malaking salik ang panganib sa pagsikat ng kataga sa kasagsagan ng pandemya. Aniya, “once na-expose ang tao o ‘yung society sa particular danger, naghahanap siya ng protection or sense of security.” Nagpapakahulugan lamang na nakapanghihikayat ang Ligtas Points na gumawa ng kabutihan ang isang tapat na mananampalataya dahil maaari nilang gamitin ito upang makaiwas sa disgrasya at kalamidad.
“We are committed to do good or committed to do something positive to our kapwa or to other people knowing that we would be saved,” ganito ipinahayag ni Molina ang kaniyang pananaw ukol sa pagsibol ng Ligtas Points sa bansa. Dagdag pa niya, “we are highly faithful to our religious affiliations. . . our religion shapes the way we live or we interact and the way we shape our culture.” Malinaw na binibigyang-diin ng mga banal na paniniwalang makaliligtas ang sinomang tatanggap at susunod sa mga kabutihang yabag ng tinitingalaang Panginoon.
Taliwas man sa mga lupon ng mananampalataya, may ilan ding ginagawang katatawanan ang relihiyon dahil tuluyan nang naglaho ang tiwala at kumpiyansa sa Maykapal. “Marami na rin ang hindi magandang nangyayari, so some people tend to not believe anymore. They resort to humor [just] to make fun of the religious faith,” paglalahad niya. Bukod pa sa lumuluwag na pag-akap sa kanilang pananalig, isinaad ni Molina na ginagamit nila ang pangungutya sa pananampalataya upang takasan ang bagaheng kanilang pinapasan. “It’s their way of escaping the difficult reality that we are all facing right now,” giit niya.
Lalong sumisikat ang paggamit ng katagang Ligtas Points dahil maaaring maramdaman ng isang indibidwal ang lawak ng pagkakaugnay at pagkakaisa sa pangkat na kanilang kinabibilangan—sumasang-ayon o sumasalungat. “I think it is also a way na parang social cohesion na if you have something to share with other people [or] to relate with them—that’s how you establish relationships,” paglalahad ni Molina.
Gayunpaman, pagpapaalala ni Molina, hindi sana pinapairal ang paggawa ng kabutihan dahil sa inaasahang Ligtas Points o dahil may inaasahang kapalit sa huli. Hangad niyang maging pangunahing motibasyon ang kanilang huwarang tungkulin. “At the end of the day, sana ang motivation nila is because of what they believe in or what they advocate for and their own moral obligation—you know having that sense of responsibility to other people,” pananalig niya.
Palabirong pagtantos
Sa malalim na pagbabad ng madla sa social media, unti-unti nitong binabago ang uri ng katatawanang ating kinasasanayan. Subalit, natatakpan ng pagpindot ng dilaw na laugh react sa internet ang ilan sa mga hubad na katotohanang nagpapaigting sa patuloy na paggamit ng Ligtas Points bilang katatawanan. Komedya man para sa karamihan, pinatutunayan nito na ang mga Pilipino, kahit madali mang patawanin—hindi mababaw. Gaya ng larong pambata na Langit, Lupa, at Impiyerno, sinasalamin din ng Ligtas Points ang ilan sa realidad na bumabalot sa ating kasiyahan.
Para sa iba, tila patikim ng langit ang bawat halakhak na nagbibigay ng kaunting konsensya upang gumawa ng mabuti sa kapwa. Sa kabilang banda, pagtanggap sa sitwasyon sa kalupaan naman ang isa ring dahilan sa paggamit ng ligtas points bilang biro dahil sa sunod-sunod na pagsubok na hinaharap ng bansa. Nakalulungkot mang isipin, ngunit kawalan ng pag-asa sa mundo na maihahalintulad sa nag-iinit na impiyerno ang isa ring nagiging dahilan ng mga tao sa patuloy na paggamit ng Ligtas Points bilang katatawanan.
Ikaw, bakit ka nag-iipon ng Ligtas Points?