PATULOY NA ISINUSULONG ng iba’t ibang opisina ng Pamantasang De La Salle ang kabuluhan ng paghahain ng grievance ng mga estudyante. Gayunpaman, hindi pa rin batid ng nakararami ang pormal na proseso nito. Bunsod nito, higit na pinalawig ng administrasyon, Legislative Assembly (LA), at University Student Government (USG) Judiciary ang mga tamang hakbangin sa paghain ng grievance.
Pagbibigay-kahulugan sa salitang grievance
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Associate Dean of Student Affairs Dr. Cyril Ryan Lituañas ukol sa paghahain ng grievance. Una niyang inilahad ang kahulugan ng grievance. Aniya, tinatawag na grievance ang mga reklamo sa iba’t ibang sektor ng Pamantasan. Maaaring maghain ng grievance ang isang estudyante sa kapwa niya estudyante, sa isang propesor, sa mga dekano, at sa iba pang miyembro ng Pamantasan.
Inilahad din ni Lituañas ang dalawang klase ng grievance. Una, ang informal grievance kung saan mag-uusap ang estudyanteng naagrabyado at ang nahainan ng grievance at pangalawa, ang formal grievance kung saan kinakailangan na ng pormal na liham. Dadaan sa mabubusising proseso ang mga Lasalyano kung sakaling mapunta sa formal grievance.
Idiniin ni Lituañas na nakabatay sa student handbook ang kabuuang proseso ng paghahain ng grievance. Kaugnay nito, maglalabas din ng bagong bersyon ng student handbook ang Pamantasan ngayong taon na maglalaman ng mga rebisyon.
Dagdag pa niya, mahalagang mabigyan ng espasyo ang mga estudyante na makapaghayag ng suliranin o grievance dahil nais ng Pamantasan na maramdaman ng mga Lasalyano na sila ang priyoridad nito.
Gampanin ng Legislative Assembly
Kinapanayam din ng APP si Francis Loja, kasalukuyang Chief Legislator ng LA, upang lubos pang masiyasat ang proseso ng paghahain ng grievance. Matatandaang isinapinal ang pag-eenmiyenda sa Grievance Manual noong nakaraang taon, Hunyo 25. Pagsasaad ni Loja, “according to the latest copy of the Grievance Manual, a student must first undergo the process of informal grievance. [They] are encouraged to settle grievances with their respective faculty members through [a] sincere discourse.”
Ipinaliwanag ni Loja na maaari ding makipag-ugnayan ang mga estudyante sa kani-kanilang mga batch representative o mga student advisor mula sa Judiciary. Sa pagkakataon namang hindi pa rin maresolba ang isyu, maaari nang magsampa ang estudyante ng pormal na grievance. Ipinaalam din niyang ipapasa ang written complaint na ito sa USG President.
Nilinaw rin ni Loja ang papel ng mga legislator hinggil sa proseso ng grievance. Aniya, “other than providing students with assistance. . . the primary role of batch and campus legislators is to lobby for policies that enable students to air out their concerns.” Ipinabatid din niyang mahalaga pa ring alamin ang gampanin ng kanilang sangay kahit na hindi sila ang direktang nakaatas sa paghahain ng grievance.
Naniniwala si Loja na nararapat pang magsagawa ng mga programa ang USG at ang mga katuwang nitong opisina upang matiyak na sapat ang kaalaman ng bawat estudyante sa prosesong ito. Isinaad din niyang pinamamahalaan ng mga opisina ng USG President at Judiciary ang mga grievance sa student sector.
Samantala, ang mga opisina ng bawat college departments, Association of Faculty and Educators of DLSU, Vice Chancellor ng Academics, at University Chancellor naman ang nakatalaga sa usaping pang-administrasyon. Pagdidiin ni Loja, “it is important to take note that grievances that pertain to sexual harassment shall be handled by the offices stipulated in the DLSU Safe Spaces Policy.”
Ayon kay Loja, nareresolba ang mga kaso ng grievance sa pamamagitan ng pagsunod sa pormal na proseso na nakabatay sa polisiya ng Pamantasan. Muli rin niyang itinaas ang kahalagahan ng pagdinig sa hinaing ng mga estudyante sa isyu man ng grievance o sa iba pa nilang suliranin. Wika pa niya, “this and more as we strive to safeguard student welfare and advance student rights.”
Para sa karagdagang impormasyon sa Grievance Manual, mangyaring magtungo lamang sa link na ito: https://tinyurl.com/LA-GrievanceManual.
Paghahain ng pormal na grievance
Inilahad ni Student Adviser Director Jensine Parungao ang proseso para sa paghahain ng pormal na grievance. Aniya, “students are encouraged to approach their respective batch representatives in filing an informal grievance. However, if matters remain unreserved, the student is encouraged to file a formal grievance through the office of the Judiciary.”
Binanggit ni Parungao na nakapaloob sa Student Handbook ang gabay para sa grievance process. Nilalaman nito ang panuntunan para sa espesipikong academic at behavioral na kasong maaaring ihain ng mga estudyante. Aniya, makikita rin sa Student’s Charter ang karapatan ng bawat estudyante sa campus na magsisilbing gabay sa mga estudyante at board sa pagtugon sa mga kaso.
Batay sa isang Help Desk Announcement na inilabas noong Enero 31, nasa huling yugto na ng rebisyon ang Student Handbook para sa taong 2021-2024. Nakasaad dito na gagamitin muna ang Student Handbook 2018-2021 sa transition stage. Makikita ito sa https://tinyurl.com/DLSU-HandBook.
Ayon kay Parungao, wala pang natatanggap na kaso ng grievance ang Student Advisers Committee ngayong unang termino sapagkat dumadagsa lamang ang mga reklamo tuwing araw ng grade consultation. Ilan sa mga karaniwang kaso ang hindi patas na grading system, mga nakaligtaang rekisito, at pagliban sa klase.
Ibinahagi rin ni Parungao na isang hamon ang online set-up sa paghawak ng mga kaso dahil sa pagkakaiba ng mga iskedyul at isyu sa connectivity ng mga estudyante at student adviser. Sa kabila nito, sinabi ni Parungao na mayroong tuloy-tuloy na follow-up upang maagapan ang mga pagkaantala sa pag-uusap sa email.
Binanggit din ni Parungao na kaunti lamang sa mga estudyante ang nakaaalam sa proseso ng paghahain ng grievance. Bilang tugon, naglulunsad ang Judiciary ng grievance awareness campaigns tuwing grade consultation day sa kanilang Facebook page.
Binigyang-diin naman ni Chief Magistrate John Andre Miranda ang kahalagahan ng grievance process. Aniya, “the grievance process is a hallmark of democracy, which we uphold not only in the USG but also in the University. . . The existence of such a mechanism empowers students to be critical and eventually become responsible citizens.”
Pagtatapos ni Parungao, “the Student Advisers of the Judiciary are trained to uphold justice and fairness in the service of the studentry. We aim to help students protect and maximize their rights in formal correspondence and meetings with the faculty.”