NAGLABAS ng saloobin ang ilang mga estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa isinagawang Special Elections 2022 (SE 2022) nitong Pebrero matapos makaranas ng iba’t ibang aberya sa mismong mga araw ng botohan.
Kabilang sa naturang mga aberya ang hindi pagkatanggap ng ilang estudyante ng kanilang voter credentials, pagiging invalid ng voter credentials, at hindi pag-abot ng 50%+1 na voter turnout.
Kaugnay nito, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Elle Aspilla, kasalukuyang OIC President at tumakbong Campus President ng Laguna Campus Student Government (LCSG), Nikki Platero, nagwaging representatibo ng Ramon V. Del Rosario – College of Business (RVR-COB), at Zeth Pinuela, tumakbong representatibo ng College of Liberal Arts (CLA) mula sa DLSU Laguna Campus upang ibahagi ang kanilang mga hinaing sa DLSU Commission on Elections (DLSU COMELEC).
Mga balakid sa pagboto ng mga Lasalyano
Unang inilahad ni Aspilla ang mga problemang kinaharap ng mga estudyante ng Laguna Campus na naging dahilan upang hindi sila makaboto. Mula sa 1% inilabas na voter turnout sa Laguna Campus sa unang tatlong araw ng botohan, napag-alaman ng kanilang kampo na iilan lamang sa mga estudyante ang nakatanggap ng kanilang voter credentials.
“Tatlong araw ‘yung lumipas na hindi nakakaboto ‘yung mga taga-Laguna Campus and you would expect us to have a voter turnout na 50%+1? Make it make sense DLSU COMELEC,” ani Aspilla. Ipinupunto rin niyang malaki ang naging epekto ng naunang tatlong araw sa voter turnout ng naturang kampus.
Bunsod nito, nagsagawa ng poll sina Aspilla at kaniyang mga kasama sa mga ‘di opisyal na group chat ng Laguna Campus upang tulungan ang mga estudyanteng may kinahaharap na problema sa pagboto.
Mula sa mga tugon ng mga estudyante, muling napag-alaman nila Aspilla na malaking bilang ng mga estudyante mula sa College of Computer Studies (CCS) at Brother Andrew Gonzalez FSC College of Education (BAGCED) ang hindi pa rin nakatanggap ng voter credentials hanggang sa huling araw ng botohan.
Pagdidiin ni Aspilla, “hindi nila nakuha [ang kanilang credentials] kahit na nagkaroon ng report process. Nag-report sila na wala silang voting credentials pero hanggang sa natapos ang eleksyon, wala silang nakuhang voting credentials.”
Sa karanasan naman ni Joshua Jadie, ID 119 ng kursong BS Computer Science major in Software Technology, kinailangan din niyang magpasa ng report sa DLSU COMELEC upang makuha ang kaniyang credentials. Pagsasalaysay niya, natanggap na lamang niya ito tatlong oras bago matapos ang eleksyon.
Ayon naman kay Pinuela, marami ring mga estudyante sa kaniyang kolehiyo ang huli nang nakatanggap at hindi nakatanggap ng kanilang voter credentials. Bunsod nito, isinaad niyang lubhang pinanghinaan ng loob ang mga Lasalyanong bumoto, lalo na dahil sa nalalapit na pinal na pagsusulit ng Pamantasan noong kasagsagan ng SE 2022.
Matatandaang nagbigay ang COMELEC ng website na maaaring pagpasahan ng report ng mga estudyante bilang tugon sa mga suliranin ukol sa pagtanggap ng credentials. Gayunpaman, iginiit ni Aspilla na ilang araw na ang nakalipas bago pa nailagay ng COMELEC ang report button. Dagdag pa niya, bagamat nagpasagot din ang COMELEC ng sarbey sa pamamagitan ng Google Forms upang matugunan ang naturang aberya, may mga estudyante pa ring hindi nakatanggap ng kanilang credentials.
Ibinahagi naman ni Platero na may ilang estudyanteng lumapit sa kaniya dahil hindi pumapasok ang kanilang mga report sa website at tanging “file extension invalid” lamang ang nagpapakita. Dahil dito, nagtangka rin siyang magpasa ng report ngunit hindi rin ito pumasok kahit na sinunod niya ang format at file size na hinihingi ng COMELEC.
Samantala, nagkaroon din ng suliranin ang mga estudyanteng nakatanggap ng kanilang voter credentials sa pagsusumite ng boto. Inilahad ni Aspilla na hindi tinatanggap ng sistema ang credentials ng mga estudyante. Paghahalimbawa niya, kinakailangan pang mag-abstain ng mga estudyante ng kanilang boto kay Cynrik Mercado, tumakbong Campus Legislator, upang tanggapin ng sistema ang kanilang boto.
Pagdidiin ni Aspilla, “it’s unfair dahil what if ang mga boto ng mga estudyante ay para talaga sa kaniya [kay Mercado] pero kailangan ng mga estudyante na i-abstain dahil nga sa system error na hindi naman namin kasalanan?” Bukod pa rito, ipinunto rin niyang suliranin sa eleksyon ang hindi paggamit ng COMELEC ng opisyal na DLSU e-mail sa pagpapadala ng credentials sa mga estudyante.
Panawagan para sa pananagutan
Naghain naman ang ilang grupo mula sa parehong kampus ng Pamantasan sa Maynila at Laguna ng petisyon sa DLSU COMELEC tungkol sa nangyaring aberya sa nagdaang SE 2022. Kabilang na rito ang College of Student Affairs ng Laguna, Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat), at maging ang DLSU University Student Government (USG). Nanawagan din ang ilang mga estudyante ng Pamantasan sa Laguna Campus upang palawigin ang mga araw ng botohan.
Inamin naman ni Aspilla na hindi agad nila naipabatid sa COMELEC ang nangyaring aberya sa eleksyon dahil sa sinusunod na election code. Aniya, “as much as possible, nililimitahan namin na directly makipag-communicate sa DLSU COMELEC at kung sino man ‘yung may hawak nung eleksyon.” Matatandaang tumakbo si Aspilla bilang Campus President ng Laguna Campus sa ilalim ng partidong Tapat.
Isiniwalat naman ni Platero na tanging automated response lamang ang kanilang natatanggap na tugon mula sa COMELEC matapos ipadaan sa mga miyembro ng Tapat sa Manila Campus ang kanilang pag-aapela. Iginiit niyang walang mga konkretong hakbang na isinagawa ang COMELEC upang solusyonan ang aberya sa eleksyon. “Hindi nila inako ‘yung pagkakamali. . . lagi nilang tugon ay sumusunod lang sila sa election code,” dagdag ni Aspilla sa pahayag ni Platero.
Hiningi rin nina Aspilla, Platero, at Pinuela na panagutan ng COMELEC ang kanilang mga pagkukulang sa nagdaang SE 2022. Giit pa ni Aspilla, walang nakasaad sa Election Code na hindi dapat aminin ng COMELEC ang kanilang pagkukulang.
Nais ng tatlo na ipaliwanag ng COMELEC ang naging aberya sa lumipas na eleksyon upang malaman ng mga estudyante ang rason sa pagdanas nila ng mga ito. Dagdag ni Aspilla, hindi nila responsibilidad bilang mga kandidato ang pagpapaliwanag sa mga estudyante kung bakit hindi sila nakaboto at bakit hindi naluklok sa posisyon ang mga kandidato.
Dagdag ni Aspilla, responsibilidad ng COMELEC ang pagpapabatid sa mga estudyante ng mga nangyaring problema. “Ni isang statement sa naganap na recent election, wala silang binigay at ipinamukha pa nila na may kakulangan ang student body at ang mga taong tumatakbo kung bakit hindi nakaboto [ang mga estudyante],” dagdag pa niya.
Samantala, iminungkahi nina Platero at Pinuela na kompletuhin ng DLSU COMELEC ang kanilang database at siguruhing walang system errors upang hindi na maulit ang aberyang naranasan ng mga estudyante mula sa Laguna Campus sa nagdaang SE 2022. Paalala rin ni Pinuela, kinakailangang paghandaan nang maigi ng COMELEC ang pangangasiwa sa eleksyon, lalo pa at mas maraming bilang ng populasyon ang boboto sa General Elections.
Hiling din ni Jadie na mas paghandaan ng COMELEC ang mga susunod na eleksyon. Aniya, “responsibilidad nila ang eleksyon at sana ay naging maayos ‘yung sistema na kanilang isinagawa. Sana ay tulad ng mga tumatakbo, sila din ay naghanda sa eleksyon na ito.”
Ipinahayag naman ni Aspilla ang pagkadismaya sa sistema ng COMELEC dahil pareho pa rin ang problemang kinaharap ng mga estudyante mula sa Laguna Campus kahit na hindi ito ang unang beses na nagsagawa sila ng online na eleksyon. Ipinunto rin niya na madalas na hindi nabibigyan ng pagkakataong makapagsalita ang mga kandidato ng Laguna Campus at makaalam ang mga estudyante mula sa kanilang campus dahil higit na binibigyang-tuon sa mga diskursong may kinalaman sa eleksyon ang mga taga-Manila Campus.
“What the COMELEC can do is to have a representative from the Laguna Campus dahil after all, mayroon kaming sariling student body at mayroon kaming sariling mga student leader na handang maglingkod at dumaan sa tamang proseso ng eleksyon,” mungkahi ni Aspilla sa kawalan ng representasyon ng Laguna Campus.
Samantala, ipinahayag ni Platero na sasamahan niya ang kaniyang slate sa pagtaguyod para sa karapatan ng mga estudyante mula sa Laguna Campus kahit na bahagi na siya ng USG. Aniya, ipinaglalaban niya ang mga estudyanteng pinaglilingkuran niya, hindi ang kaniyang posisyon.
Sa kabilang banda, inamin ni Aspilla na pinahaba niya ang kaniyang pananatili sa Pamantasan kahit natapos na ang kabuuan ng kaniyang kurso. Aniya, may oras siya para kausapin ang COMELEC ukol sa naging suliranin sa SE 2022. Nilinaw niyang pinalampas niya muna ang kaniyang pagtatapos dahil sa kagustuhang pagsilbihan pa ang mga estudyante, hindi para sa ikatataas ng kaniyang sarili.
“Kung aabot tayo sa impeachment para panagutin ‘yung mga taong nasa likod ng problema, aberya, at pagbagsak nung eleksyon. . . gagawin natin dahil alam ko na hindi ko ito laban, laban ito ng bawat estudyante na nawalan ng karapatang bumoto,” pagtatapos ni Aspilla.
Sinubukang kunin ng APP ang pahayag ni Ram Vincent Magsalin, chairperson ng DLSU COMELEC, upang malaman ang naging problema sa kanilang sistema at naging pagtugon nila rito ngunit sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito, wala pa ring natatanggap na tugon ang Pahayagan mula sa kaniya.