“Retirement plan”—karaniwan itong nasasaksihan sa ilang pamilyang Pilipino kung saan mga magulang ang nagdidikta ng kinabukasan ng kanilang anak, na nagsisimula sa pagpili ng kurso sa kolehiyo.
Alalang-alala ko, noong pumipili ako ng kurso, narinig ko ang katagang “bakit hindi na lang ito ang kunin mo? Mas kikita ka pa rito.” Nakalulungkot. Hindi ba’t parang ang hirap naman kung iaasa ko ang aking kinabukasan sa sinabi ng iba? Sapat bang pera lamang ang maging dahilan ng pagpili sa kinabukasan o dapat ring isaisip ang sariling pagkakakilanlan?
Palaisipan pa rin sa akin kung bakit may mga taong humahadlang sa pag-abot ng ating mga pangarap dahil lamang sa kikitaing pera. Sumagi naman sa aking isipan na hindi nga naman tayo pare-parehas ng estado sa buhay, may mga estudyanteng walang magawa kundi kunin na lamang ang kursong tingin nilang mas makatutulong sa kanilang pamilya. Mayroon ding mga estudyanteng napipilitan lamang kunin ang isang kursong dahil nakasalikop sa paniniwala ng kanilang pamilya—o naka-enmeshed na sikolohikal na terminong nangangahulugang ibinabaon ng mga magulang ang kanilang paniniwala o kasanayan na dapat sundin ito ng kanilang mga anak.
Mahirap man kung iisipin ngunit naging kultura na ito sa Pilipinas. Ani @MillennialOfMNL sa kaniyang tweet, “while it’s true that some parents really see their kids as retirement plans, meron ring parents na walang choice but to rely on their kids during their senior years. . . Not everyone can afford good retirement plans.”
Nakapanlulumo man, sumasang-ayon ako sa opinyong ito. Kung hindi kayang suportahan ng gobyerno ang ating mga senior citizen, o kaya hindi maayos ang sistema ng pensyon sa bansa, mapipilitan silang umasa sa kanilang mga anak kahit pa may sariling pamilya nang inaasiko.
Kaya naman, dapat tayong matuto na maglaan ng pera para sa kinabukasan, lalo na sa isang bansang mahirap sabayan ang daloy ng pamumuhay dahil sa patuloy na pagkalugmok ng ekonomiya at paglaganap ng pandemya.
Hindi masamang humingi ng tulong lalo na’t kung sa mga anak naman natin manggagaling, at oo, malaking bagay ang utang na loob para sa ating mga Pilipino, ngunit lahat ng bagay ay may hangganan lalo na’t kung kinabukasan ang pinag-uusapan.