NAGLIWANAG ang sinag ni Pinoy Pole Vaulter EJ Obiena matapos lampasan ang 5.81 metrong lundag at masikwat ang kampeonato sa men’s pole vault ng Orlen Copernicus Cup, Pebrero 22, na ginanap sa Torun, Poland.
Matatandaang bigong maiuwi ni Obiena ang gintong medalya sa Meeting-Hauts-de-France Pas-de-Calais sa France. Gayunpaman, nagpamalas agad ng liksi ang hari ng pole vault ng Asya matapos lampasan ang 5.41 metrong talon sa pagsabak sa Orlen Copernicus Cup.
Bagamat dumulas si Obiena sa una at ikalawang lundag sa 5.61 metro, agad naman niyang nalusutan ito sa ikatlong subok. Madali ring nalampasan ni Obiena ang 5.71 sa kaniyang unang paglundag.
Tila nahirapan ang mga natitirang atletang makalampas sa 5.81 metro sa una at ikalawang subok ng laro. Gayunpaman, hindi nagpahuli si Obiena at tuluyang lumundag para sa kampeonato sa huli niyang talon. Buhat nito, si World’s no. 5 Pole Vaulter lamang ang tanging atleta na nagtagumpay sa 5.81 meter-leap ng kompetisyon.
Hindi naman agad tinuldukan ni Obiena ang kaniyang karera sa Orlen Copernicus Cup matapos sumubok na lumundag sa 5.91 metro. Kaakibat nito, nabigyan ng pagkakataon ang kasalukuyang pinakamahusay na pole vaulter ng Asya na higitan ang kaniyang personal at season’s best na mga tala sa paglundag ng 5.91 at 6.01 metro. Gayunpaman, hindi ito umubra nang mabigo sa pagtalon ng naturang metro.
Tila nakalusot sa butas ng karayom ang pambato ng Pilipinas na si Obiena upang makamtan ang kampeonato sa torneo matapos ang kaniyang nakahihinayang na 10th place finish sa nakaraang laban na Meeting-Hauts-de-France Pas-de-Calais.
Matapos ang mga makasaysayang lundag sa Orlen Cup at Orlen Copernicus Cup sa Poland, ibabandera muli ni Obiena ang Pilipinas sa World Indoor Championships mula Marso 18 hanggang 20 sa Belgrade, Serbia at sa World Championships na nakatakda sa darating na Hulyo 15 hanggang 24 sa Oregon, USA.
Inaasahang magpapakitang-gilas din ang Olympian Pole Vaulter sa Vietnam SEA Games sa Mayo at 2022 Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre. Sa kabila ng hidwaan sa pagitan ng kampo ni Obiena at Philippine Athletics Track & Field Association, nananatiling nagliliyab ang pag-asa ni Obiena na makalalaban pa rin siya bilang bahagi ng national team sa mga nasabing paligsahan.