Hindi pa man nakalalaya ang Pilipinas sa masalimuot na pagkakasadlak dulot ng COVID-19, isang panibagong variant na naman ang kumalat natinawag na Omicron. Kaakibat ng pag-usbong ng naturang variant ang pagkakaroon ng mas malalang takot at pangamba sa mga mamamayang Pilipino. Dahil sa kakulangan ng sapat na datos sa Omicron, kinatatakutan ng marami kung sasapat ba ang naturang bisa ng mga kasalukuyang bakuna kontra sa maaaring panganib nito sa kalusugan. Dagdag pa rito, pinangangambahan din na maaari itong maging balakid sa pagbangon ng ekonomiya at pagpapalakas sa puwersa ng mga healthcare worker sa bansa.
Batay sa datos ng World Health Organization, unang natuklasan ang Omicron variant (B.1.1.529 variant) sa South Africa noong Nobyembre 24, 2021. Bagamat kinilala ito bilang pinakanakahahawang variant, hindi ito kasing bagsik ng mga naunang variant, katulad ng Delta. Gayunpaman, naging mabilis ang pagkalat ng Omicron sa iba’t ibang panig ng mundo at isa na ang Pilipinas dito nakatakas dito ang Pilipinas.
Noong Disyembre 15, 2021, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 1,153 bilang ng kaso ng Omicron variant sa bansa. Batay naman sa datos nitong Enero 27, 618 ang nadagdag na bilang ng kaso ng Omicron variant sa bansa. Bagamat 560 na rito ang mga gumaling, mayroon pang 13 aktibong kaso nito. Umabot naman sa dalawa ang bilang ng nasawi habang kinukumpirma pa ng DOH ang kinahinatnan ng natirang bilang.
Paghahanda ng IATF laban sa Omicron
Bilang isa sa mga lider ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources, hindi lang pagiging pinuno ang ginagampanang tungkulin ni Atty. Juan Miguel Cuna. Kaakibat ng posisyong ito ang paghahanda laban sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 at banta ng Omicron variant sa Pilipinas. Bahagi ng kaniyang tungkulin ang pagpapatupad ng mga patakaran na kailangang sundin ng nasasakupan.
Bunsod nito, hinihikayat ni Cuna ang mga mamamayan na sumunod sa mga health protocol, magpabakuna, at iwasang magkalat ng mga maling impormasyon ukol sa COVID-19. Ani Cuna sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), “. . .kasama ng iba pang mga ahensya, patuloy ang aming Kagawaran sa pakikipagtulungan sa IATF bilang isa sa mga miyembro nito sa pagbalangkas ng mga agarang tugon sa inaasahang muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.”
Impit na panawagan
Binigyang-diin ni Dr. Leopoldo Sison Jr., sub-investigator sa COVID-19 Vaccine Trial ng University of the East-Ramon Magsaysay Los Baños Research Center, sa panayam niya sa APP ang kakulangan ng datos sa Omicron variant. Aniya, wala pang kasiguraduhan ang bisa ng mga kasalukuyang bakuna laban sa Omicron na pinangangambahan niyang maaaring maging sanhi muli ng pagkakapuno ng mga ospital sa bansa. Kaugnay nito, mas hinihikayat niya ang pagbabakuna at pagkakaroon ng booster shots upang magsilbing dagdag-panangga at maging handa sakaling magkaroon ng bagong variant.
“For me, it’s [vaccines] still effective and it will be effective kasi nga pinapalakas mo rin ‘yung immunity mo and parang hinahanda mo rin ‘yung sarili mo,” paliwanag ni Sison.
Mas bumubuti man ang pamamahagi ng bakuna sa bansa nitong mga nakalipas na buwan, hindi pa rin ito maaaring ituring na indikasyon ng tuluyang pag-ahon ng bansa mula sa pagkakasadlak sa kahirapang hatid ng pandemya. Sa kasalukuyan, marami pa rin ang hindi nababakunahan at nananatiling may pagdududa sa bisa at epekto nito sa katawan. Dahil dito, binigyang-diin ni Sison na malaki ang gampanin ng edukasyon upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng simpleng pagbabahagi ng kaalaman tungkol sa social distancing at tamang pagsusuot ng face mask, mas mapoprotektahan ng bawat isa ang kanilang mga sarili.
Bukod sa mga mamamayan,binigyang-diin din ni Leopoldo ang kasalukuyang kalagayan ng mga frontliner sa bansa na hindi sapat ang benepisyong natatanggap. “Siguro ang panawagan ay ibigay ang karapatan, ang mga benepisyo ng healthcare workers. Pagpatuloy na pagpapatibay ng kalusugan. Sunod, palakasin pa ang population-based health care, hindi lang ‘yung individual health care,” wika ni Dr. Sison.
Gayunpaman, tila wala pa ring nakaririnig sa kanilang panawagan. Isang halimbawa nito ang insidente sa Philippine General Hospital na patuloy ang pagtatrabaho ng mga frontliner sa kabila ng pagiging positibo sa COVID-19 hangga’t hindi nakararanas ng anomang sintomas. Lumakas man ang impit na panawagan ng mga frontliner at mamamayan, tila walang pakiramdam at bingi ang mga nasa kapangyarihan.
Sakal ng pangamba
Umukilkil sa isipan ni Rowena Bicalan, isang mamamayan, sa kaniyang panayam sa APP ang resulta ng kapabayaan ng mga mamamayan dulot ng pansamantalang pagluwag sa restriksyong ipinatutupad ng IATF sa bansa. Batid niyang sa pagluwag ng restriksyon, muling nakaramdam ng kalayaan ang mga mamamayang dalawang taong bilanggo sa sarili nilang tirahan.
Sa paglabas sa rehas ng mga tahanan, dagliang nakalimutan ng nakararami na naging sanhi ito ng muling paglobo ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ang pang-abuso sa pansamantalang pagbibigay-laya ng IATF ang nagtulak kay Bicalan na manawagan upang muling higpitan ang mga panuntunan para sa ikabubuti ng karamihan.
Bagamat hindi kontrolado ang paglabas ng mga mamamayan, mariing hinihikayat ni Bicalan ang pagpapabakuna, pagiging alerto sa kapaligiran, at pagpapanatili ng pansariling disiplina. Sa haba ng laban na sinusuong ng bawat mamamayan sa gitna ng krisis pangkalusugan, malinaw sa kaniyang hindi lamang nasa kamay ng gobyerno ang susi sa muling pagbabalik ng normal na pamumuhay ng bawat isa—nakasalalay rin ito sa kakayahan ng mga mamamayang sumunod sa mga patakarang iniimplenta.
Tila patuloy na pinipihit ang kapalaran ng bansa sa yugto ng paghihikahos sa pagpasok muli ng mas mapanganib na variant. Kasabay ng mas mabilis nitong kakayahang makapanghawa, mas masidhi ang pagkalampag ng taumbayan para hindi na muling makulong sa apat na sulok ng bahay nang may kalam sa sikmura at may matinding pangamba sa kaligtasan. Sa gitna ng patuloy na pangangapa ng mga mamamayang Pilipino ang realidad na kinakailangan na nilang gamitin ang kanilang kapangyarihan sa darating na halalan upang makapagluklok ng lider na magsusulong sa bansa sa direksyon ng kaunlaran at kaligtasan.