UMALPAS ang pambato ng Pilipinas na si EJ Obiena sa ikasampung puwesto matapos mapagtagumpayan ang 5.61 metrong talon sa men’s pole vault ng Meeting-Hauts-de-France Pas-de-Calais, Pebrero 18, sa Arena Stade Couvert sa Lievin, France.
Matapos masungkit ang gintong medalya sa lumipas na 2022 Orlen’s Cup, sumalang sa entablado ng larong pole vaulting ng France ang World’s No. 5 na si Obiena. Agad namang nalagpasan ng atletang Pilipino ang taas na 5.51 metro upang makapagpatuloy sa susunod na yugto ng kompetisyon.
Tila nahirapan ang atletang Pilipino na matalon ang taas na 5.61 metro sa unang subok nito. Parehas na suliranin at resulta naman ang pinagdaanan ni Obiena sa kaniyang ikalawang talon matapos muling mabigo. Gayunpaman, nalagpasan niya ang kaniyang maagang kalbaryo sa kaniyang ikatlong subok sa paglundag.
Tila nakulangan din sa liksi at puwersa si Obiena sa kaniyang pag-alpas sa ikaapat na yugto ng laban. Buhat nito, nabigo siyang makalundag sa 5.71 metro ng laro sa kabila ng pagkakaroon ng tatlong pagkakataon na sumubok na pagtagumpayan ito.
Nanguna sa kompetisyon ang Amerikano na si Chris Nilsen matapos mangibabaw tangan ang 5.91 metro na talon. Sa kabilang banda, nakamit nina Thiago Braz ng Brazil at Menno Vloon ng Netherlands ang ikalawa at ikatlong puwesto matapos nilang lagpasan ang taas na 5.81 metro. Buhat nito, napasakamay ni Braz ang kaniyang pinakamataas na personal na rekord sa larong pole vaulting.
Sa kabilang banda, isang upset loss ang ipinamalas ng pinakamahusay na pole vaulter ng Asya na si Obiena matapos lumapag sa ikasampung puwesto kontra sa 11 katunggali sa torneo. Pinataob lamang niya sina Alioune Sene ng France na nakatalon ng taas na 5.61 metro at Rutger Koppelaar ng Netherlands na may 5.51 meter-leap.
Bagamat bigong magpunyagi sa kompetisyon, makasasali pa rin ang alas ng Pilipinas sa World Indoors at World Champs. Gayunpaman, may sasalihan pang torneo si Obiena bago lumahok sa dalawang world athletic championships. Abangan ang muling paglundag ni Obiena sa kaniyang nalalapit na pagsabak sa Orlen Copernicus Cup sa darating na Pebrero 22 sa Torun, Poland.