Mga pagbabago sa academic calendar ng DLSU, inilatag sa USG Town Hall Session

Mula DLSU USG

BINIGYANG-LINAW sa isinagawang University Town Hall Session ang mga pagbabago sa academic calendar ng Pamantasang De La Salle, Pebrero 11. Pinangunahan ito ng University Student Government (USG) upang ipagbigay-alam sa pamayanang Lasalyano ang mahahalagang detalye ukol sa naturang pagbabago.

Dahilan ng mga pagbabago

Unang ipinresenta ni Vice Chancellor for Academics Dr. Robert Roleda, ang mga dahilan sa pagbabago ng academic calendar. Una niyang ipinunto na nais ng mga estudyanteng magkaroon ng panahon upang makapagpahinga. Aniya, tumatagal lamang ng dalawang linggo ang pagitan ng mga termino kung kaya’t wala nang sapat na oras upang makapagpahinga ang mga Lasalyano.

Idiniin rin niya na kinakailangang magkaroon ang Pamantasan ng kakayahang makiangkop sa mga suliraning kinahaharap ng bansa, tulad ng pandemya at iba’t ibang kalamidad. Maliban dito, makapagbibigay rin ang recalibrated calendar ng pagkakataon na makapili ang mga estudyante ng iskedyul na naayon sa kanilang kalagayan. 

Sa huli, nagsilbi rin itong hakbang upang maibalik muli sa buwan ng Setyembre ang pagbubukas ng akademikong taon ng Pamantasan. 

Kaganapan para sa ikalawang termino

Inilatag din ni Roleda ang mga alituntunin para sa Ikalawang Termino ng A.Y. 2021-2022 na magsisimula sa Marso 21 at magtatagal hanggang Hulyo 9. Batay rito, isasagawa ang nasabing termino sa loob ng 16 na linggo, kompara sa 14 na linggong nakasanayang iskedyul na sinusunod ng Pamantasan. 

Magkakaroon din ng dalawang linggong school breaks ang Pamantasan para sa Ikalawang Termino. Gaganapin ito sa Mayo 9 hanggang Mayo 14 upang bigyang-daan ang nalalapit na Pambansang Halalan at ipatutupad naman ang ikalawang school break sa Hunyo 27 hanggang Hulyo 2 upang mapaghandaan ang pinal na pagsusulit ng mga estudyante.

Sinusuri din ng Pamantasan ang posibilidad nang muling pagbubukas ng face-to-face na klase. Kaugnay nito, magkakaroon ng Flex Week sa ika-sampung linggo na magsisilbing pilot implementation ng face-to-face na klase. Nakapaloob din sa Flex Week ang Independent Learning Week, Type C na klase, at HyFlex classes. 

Inilatag din ni Roleda ang ikalawang opsyon hinggil sa pagsasagawa ng face-to-face na klase. Batay rito, maaaring magsagawa ng Flex Fridays and Saturdays na magtatagal nang apat na linggo. 

Sumunod namang ibinahagi ni Roleda ang tatlong alituntunin ukol sa pagsasagawa ng HyFlex na klase. Pagdidiin niya, opsyonal lamang ang pakikibahagi ng mga estudyante rito. Dagdag pa rito, kinakailangan munang magkaroon ng malinaw na kasunduan sa pagitan ng mga estudyante at gurong nagnanais na magsagawa ng naturang set-up.

Kaugnay nito, isasagawa rin ng Pamantasan ang bawat klase sa mga Flex classroom na naglalaman ng mga kagamitan, tulad ng camera at speaker upang makapagturo ang guro ng face-to-face at online nang sabay. 

Alituntunin tungkol sa Summer Term

Gaganapin naman ang Summer Term sa loob ng walong linggong interbal ng Ikalawang Termino ng A.Y. 2021-2022 at Unang Termino ng A.Y. 2022-2023. Nakalaan ito para sa mga estudyanteng malapit nang magtapos, nais ipasa ang kanilang kurso, at nagkaroon ng withdrawn course.

Maaaring kumuha ng 12 units ang mga estudyanteng malapit nang magtapos at anim na units naman para sa mga estudyanteng nagnanais na maipasa ang kanilang kurso. Ngunit nilinaw ni Roleda na opsyonal din lamang ang pag-enroll dito. Ipinunto niya na kinakailangan munang suriin ng bawat estudyante ang magiging benepisyo ng pakikibahagi sa Summer Term. 

Sinagot din ni Roleda ang katanungan hinggil sa matrikula ng Summer Term. Iginiit niya na hindi magbabago ang halaga nito at at tanging miscellaneous fees lamang ang babawasan nila ng halaga.  

Lilimitahan din ng Pamantasan sa pitong estudyanteng undergraduate, apat na estudyanteng kumukuha ng masters, at tatlong estudyanteng kumukuha ng doctorate ang bawat klase para sa Summer Term. 

Pinasadahan din ni Roleda  ang katanungan hinggil sa mga kursong bubuksan para sa naturang termino. Aniya, nakabatay ito sa kalalabasan ng isasagawang pre-enlistment. Nilinaw rin niyang manggagaling sa departamento ang mga kursong bubuksan para sa mga espesyal na programa, tulad ng BS Human Biology at BS Accountancy. 

Mga karagdagang detalye at paglilinaw

Nabigyan din ng pagkakataon ang pamayanang Lasalyano na maipabatid ang kanilang mga katanungan sa tulong ng isang open forum. Iminungkahi sa simula ng open forum ang mga katanungan tungkol sa akademikong usapin. 

Nang tanungin hinggil sa alituntunin ng pag-shift, ipinaalam ni Roleda na hindi maipoproseso ang shifting sa Summer Term dahil sa maikling panahon para dito. Sa halip, iminungkahi na lamang niya na mag-apply ang mga estudyante sa Ikalawang Termino ng A.Y. 2021-2022. 

Nilinaw rin ni Roleda na hindi nila ipatutupad ang Dean’s List para sa Summer Term bunsod ng limitadong bilang ng unit na maaaring kunin ng isang estudyante. 

Pinasadahan din niya ang mga katangungan hinggil sa flowchart at CGPA ng mga Lasalyano. Ayon kay Roleda, mapabibilang sa kalkulasyon ng CGPA ang gradong makukuha ng mga estudyante sa Summer Term. Dagdag pa rito, hindi na rin kinakailangang baguhin ang mga flowchart dahil papalitan lamang ang titulo ng mga terminong nakapaloob dito. 

Sunod namang tinalakay ni Roleda ang mga katanungan ng mga estudyanteng malapit nang magtapos. Ibinahagi niya na maaaring magsagawa ng OJT at thesis sa Summer Term ang mga estudyanteng malapit nang magtapos. 

Pinakinggan din ang hinaing ng mga estudyanteng inaasahang magtatapos ng kanilang thesis at practicum courses sa Ikatlong Termino ng kasalukuyang akademikong taon. Inilatag ni Roleda ang dalawang opsyon para sa kanila. Una, mag-enroll sa Summer Term at magpa-defer upang maipagpatuloy ito sa Unang Termino, pangalawa, kunin ito sa Unang Termino ng A.Y. 2022-2023.

Sa huli, binigyang-linaw ang mga usapin ukol sa enrollment, scholarship, at enlistment ng ID 121. Ayon kay Roleda, papayagang mag-enroll ang mga university scholar sa Summer Term at nakapaloob pa rin ito sa scholarship program na kinabibilangan nila. 

Ipinaliwanag rin niya ang sistemang susundin ng ID 121 para sa enlistment. Aniya, ipatutupad pa rin nila ang block section para sa ikalawang termino at ililipat sa Unang Termino ng A.Y. 2022-2023 ang kanilang self-enlistment. 

Sa huli, naglahad ng mensahe si USG President Giorgina Escoto bilang pagtatapos sa Town Hall Session. Aniya, “it is our hope that this Town Hall was able to shed light on our most pressing concerns as members of the academe and of the Lasallian community. Moving forward, we will continue reaching out to all of you in our goal of being a consultative USG,” paglalahad ni Escoto.