PINANGASIWAAN ng De La Salle University Commission on Elections (DLSU COMELEC) ang Special Elections 2022 (SE 2022) mula Pebrero 2 hanggang Pebrero 7. Kaugnay nito, ibinahagi rin ng mga freshman ang kanilang kaalaman at kahandaan sa mga naturang proseso at ang kanilang mga naging batayan upang mapili ang mga karapat-dapat na kandidato.
Sinubukang kunin ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang pahayag ni Ram Vincent Magsalin, chairperson ng DLSU COMELEC, upang malaman ang mga proseso at paghahanda nila ngayong eleksyon ngunit sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito, wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan mula sa kaniya.
Proseso ng Special Elections 2022
Isinagawa ng COMELEC ang SE 2022 sa unang termino ng akademikong taon kasabay ng freshmen elections, upang punan ang mga bakanteng posisyon sa University Student Government. Kaugnay nito, pinayagang tumakbo ang ilang estudyante alinsunod sa mga kwalipikasyong inilatag ng COMELEC.
Batay sa Online Election Code, kinailangang magsumite ng mga kandidato ng digital forms sa itinalagang team drive o folder para sa mga partido at mga independiyenteng koalisyon. Pagkatapos nito, inantabayanan nila ang anunsyo para sa opisyal na listahan ng mga kakandidato mula sa COMELEC.
Kinailangan din nilang maghain ng Certification of Leave of Absence sa kanilang mga kinabibilangang organisasyon sa loob ng Pamantasan. Naglaan lamang ang COMELEC ng 48 oras pagkatapos ng itinakdang petsa ng paghain ng kandidatura para sa pagsasaayos ng mga dokumento.
Pinahintulutan ang mga kandidato na mangampanya sa pamamagitan ng verbal o online campaigning. Inilahad nila ang kani-kanilang campaign videos, websites, sponsored ads, at Specific Plans of Action. Dagdag pa rito, nagsagawa rin sila ng mga webinar at gumamit ng mga hashtag, story filter o sticker, at DP blast. Hindi bumaba sa walong araw ang inilaan para magkampanya ang mga kandidato.
Nagtakda rin ng non-campaign period ang COMELEC kung saan ipinagbawal ang mga kandidato na magsagawa ng anomang paraan ng pangangampanya. Maaaring magsagawa ang COMELEC Board ng paglilitis sakali mang lumabag ang mga kandidato sa mga naturang panukala at kinakailangang mapatunayan at maisampa ang paglabag na ito sa loob lamang ng dalawang araw.
Pinangunahan naman ng DLSU COMELEC ang naturang eleksyon mula ika-9 nang umaga hanggang ika-10 nang gabi gamit ang Automated Voting System. Matatandaang naantala ang panahon ng pagboto sa naturang eleksyon dahil sa ilang isyu sa listahan ng mga estudyante.
Ipinadala ng COMELEC sa unang araw ng pagboto ang login credentials sa DLSU email addresses ng mga botante upang maakses nila ang voting website at makapagboto sa kani-kanilang mga napiling kandidato. Nakatanggap din sila ng isang email pagkatapos nilang bumoto na nagsilbing kumpirmasyon.
Binantayan at sinayasat ng COMELEC ang mga naitalang boto sa kanilang sistema at i-validate ito bago isapubliko ang huling voter turnout.
Kamalayan ng mga freshman
Sa naging panayam ng APP, ipinahayag ng ilang freshman ang kanilang kaalaman at saloobin ukol sa SE 2022 bago pa man ito inilunsad.
Ibinahagi ni Isabelle Ledonio, ID 121 ng kursong BS Accountancy, na napulot niya ang mahahalagang impormasyon para sa isinagawang SE 2022 mula sa Facebook page ng DLSU COMELEC at sa tulong ng mga kaibigan niyang nangangampanya. Ayon naman kay Valiant Chua, ID 121 ng kursong BS Psychology, nakatulong sa kaniya ang pagiging bahagi ng Term 3 batch dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makibahagi sa General Elections 2021.
Sa kabilang banda, inilahad ni Gamille Marie Silva, ID 121 ng kursong BS Chemical Engineering, na nalaman lamang niyang may isasagawang SE 2022 noong nangampanya ang isang kandidato sa kanilang group chat. Paliwanag niya, bihira lamang ang paggamit niya ng social media kaya nagsagawa pa siya ng pananaliksik ukol sa eleksyon.
Inihayag naman ng mga estudyante na kinikilala nila ang mga kandidato at ang kanilang mga plataporma sa pamamagitan ng mga inilalabas na publication material ng mga kandidato gamit ang social media. Ani Ledonio, “dahil dito, isa-isa ko silang kikilalanin sa kanilang mga piniprisentang plataporma at adhikain, at pagkatapos ay doon ko maisusuri [nang] lubusan kung sino ang karapat-dapat na mahalal.”
Kaugnay nito, inilantad ni Chua na nakaaapekto sa kaniyang pagpipili ng kandidatong iboboto ang kanilang karanasan sa pamumuno at ang paraan ng kanilang pagtugon bilang mga estudyanteng lider. Paliwanag niya, mahirap bumoto sa isang kandidato na may nagawang hindi maganda noon kaya naniniwala siyang mas mainam na magsagawa ng background check ukol sa kanila.
Malaki naman ang naitulong ng mga anunsyo at Facebook post ng COMELEC kina Chua at Ledonio upang malaman ang kabuuang proseso ng eleksyon. Subalit, iginiit ni Silva na hindi nakatulong ang Facebook page ng COMELEC dahil nalaman lamang niya ito pagkatapos niyang makita ang mga kampanya. “I’m sure that it was helpful for a lot of people, but I think I was too late for me when I found out about it,” ani Silva.
Ipinabatid din ng mga kinapanayam na estudyante na nakatanggap sila ng mga friend request sa Facebook at mensahe sa Messenger mula sa mga kandidato upang mailahad ang kanilang mga plataporma. Pahayag ni Silva, “despite the hurdles that they had to overcome with online campaigning, I think they did a really good job in reaching out to people as best as they could.”
#SE2022 #BotoLasalyano