MATAGUMPAY NA NAISAGAWA ng Center for Social Concern and Action-Lasallian Outreach and Volunteer Effort (COSCA-LOVE) ang For the Kids (FTK) 2022 A Thank-Choo Concert, Enero 30. Sa temang Care Express: Stations of Love, layon ng FTK na bigyang-halaga ang mga batang may special needs. Ito ang ikalawang taon na ginanap ang FTK online bunsod ng pandemyang patuloy pa ring kinahaharap ng bansa.
Kalagayan ng kabataan
Nagbahagi si Vice President for Lasallian Mission, Fritzie De Vera ng kaniyang pambungad na pananalita upang pormal na salubungin ang mga kalahok ngayong taon. Inilahad niya rito ang mga suliraning nararanasan ng mga batang may espesyal na pangangailangan. Aniya, “given this reality, there is a greater need to come up with solutions that will help institutions in providing services to children with special needs.”
Sinundan naman ito ng online torch lighting na pinangunahan nina Br. Martin Sellner, COSCA-LOVE Convenor Bernadette Dela Vega, at mag-inang Sharmaine Perillo at Shine Marie Perillo bilang kinatawan ng mga kalahok.
Matapos ang pormal na pagbubukas ng programa, ibinahagi ng COSCA-LOVE Social and Formation Advocacy Team ang situationer na naglalaman ng mga datos at impormasyon ukol sa kalagayan ng mga batang may kapansanan at special needs sa panahon ng pandemya.
Selebrasyon ng talento
Itinampok sa ikalawang bahagi ng A Thank-Choo Concert ang mga tagapagtanghal mula sa Pamantasan at pati na rin ang mga bata mula sa iba’t ibang Special Education (SPED) Centers. Unang nagbahagi ng talento ang mga tagapagtanghal mula sa Culture and Arts Office ng Pamantasan. Kabilang dito ang De La Salle Innersoul, Harlequin Theatre Guild, De La Salle University Chorale, at La Salle Dance Company – Street.
Mula sa unang pangkat ng mga batang tagapagtanghal, ipinamalas nina Ryza Reyes, Sophie Del Valle, at Cassie Gabor ang kanilang galing sa pagsayaw. Nagluto naman ng iba’t ibang putahe sina Dalbir Singh, Reinalyn Javier, at Luke Ong. Sinundan naman ito ng pagkanta ni Tyron Mendoza at pagtugtog ng piano ni Angelo Cristobal.
Nagbahagi rin ng mensahe ng pag-asa ang mga guro na sina Eddie Busadre ng Bagong Silangan Elementary School at Jay Evangelista Bautista ng Pasay City Special Educational Center.
Ibinahagi ni Busadre ang kaniyang dahilan kung bakit niya napiling maging guro ng SPED. Ayon sa kaniya, “I feel happy, joyous, satisfied, contented, and peaceful every time I am serving them.” Pinasalamatan naman ni Bautista ang 21 taong pakikipag-ugnayan ng FTK sa kanilang paaralan. Umaasa siya na muling manunumbalik sa normal ang lahat upang maisasagawa muli ang FTK sa Pamantasan.
Naghandog din ng mga pagtatanghal ang COSCA-LOVE para sa mga kalahok ng FTK. Binigyang-buhay nila ang kuwentong “May Alaga Akong Bakulaw” sa pamamagitan ng isang puppetry storytelling. Sinundan naman ito ng isang awitin mula sa COSCA-LOVE Muses.
Nagpakitang gilas din ang ikalawang hanay ng mga kabataang tagapagtanghal. Umindayog sa iba’t ibang musika sina Martin Gonzales, Faizan Macaraya, at Shanyl Binamira. Narinig din ng mga kalahok ang pagkanta nina Amiel Samantha Sabang at Shian Hope Enopia. Nagbahagi rin ng talento sa pagguhit si Johannes Delos Santos na sinundan naman ng mga pangkatang pagtatanghal mula sa Bagong Silang Inclusive Education Center at Payatas B. Elementary School.
Sa huli, nakibahagi rin sina Reese Lansangan at Gary Valenciano na parehas na naghandog ng espesyal na awitin para sa mga kalahok ng FTK.
Bilang pagtatapos, pinasalamatan ni Neil Oliver Penullar, direktor ng COSCA ang lahat ng dumalo at nakibahagi sa FTK ngayong taon. “Sumama po kayo sa aming byahe ng Care Express. Ito ang biyahe upang magbigay ng kalinga at pagmamahal sa iba,” pag-aanyaya ni Penullar.