Pagpapakilala ng mga kandidato at paglatag ng kanilang plataporma, itinampok sa Miting De Avance Special Elections 2022

Likha ni Gerlie Gonzales

INILAHAD ng mga kandidato mula sa Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) at Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) ang kani-kanilang mga plataporma sa idinaos na Miting De Avance ng Special Elections 2022, Enero 28.

Binigyan ng tatlong minuto ang mga kandidatong tumatakbo sa college slate para mailahad ang kanilang mga plataporma, habang anim na minuto naman ang inilaan para sa mga kandidato mula sa Laguna Campus.

Tinig ng Tapat

Nanguna sa paglalahad ng mga plataporma si Elle Aspilla, tumatakbong Laguna Campus Student Government (LCSG) President. Aniya, “our first reform is a Laguna Campus that enriches learning through integration. The LCSG aims to establish a student body where students can keep up with their classes while not feeling isolated and lost.”

Bukod kay Aspilla, kumakandidato rin para sa LCSG sina Angel Lopez, bilang campus secretary; Cynric Mercado, bilang campus legislator; Zeth Pinuela, bilang CLA Representative; Mark Medrano, bilang GCOE Representative; Justine Major, bilang CCS Representative; at Nikki Platero, bilang RVR-COB Representative.

Ipinahayag naman ni Michelle Engbino, kumakandidatong BLAZE2024 batch president ng Tapat, na mahalaga sa isang lider na makipag-ugnayan sa mga kapwa-estudyante at hindi dapat ito natitigil sa paggawa ng mga proyekto. Tatakbo kasama ni Engbino sina Krisha Pangilinan, kumakandidatong BLAZE2024 batch vice president, at Elynore Orajay, kumakandidatong BLAZE2024 batch legislator.

Samantala, nilalayon nina Dona Marabe, tumatakbo bilang 76th ENG batch president; Kate Plantilla, tumatakbo bilang 76th ENG batch vice president; at Elijah Mallari, tumatakbo bilang 76th ENG batch legislator, na mapabuti ang estado ng edukasyon sa pamamagitan ng kanilang mga plataporma. Saad ni Marabe, “our projects will help you in terms of productivity, organization, and motivation.” 

Itinuon naman nina Andrei Ancheta, kumakandidato bilang CATCH2T25 batch president, at Janina Buenaflor, kandidato bilang EDGE2021 batch president, ang kanilang mga plataporma. Ani Ancheta, “we envision a CCS 121 that is well-informed and guided by proactive leaders that prioritizes representation and progressive student involvement.” Dagdag naman ni Buenaflor, “we can only transform the status quo if we begin today. Mga kapwa kong Lasalyano, andito ako sa harapan ninyong lahat upang tumindig [para] sa isang edukasyon na abot-kamay.”

Katuwang ni Ancheta sa pagtakbo sa CATCH2T25 sina Hannah Cosing bilang vice president at Melody Cham bilang batch legislator. Ipinakilala naman ni Buenaflor sina Kyla Espino, tumatakbong EDGE2021 batch vice president, at Chloe Almazan, tumatakbong EDGE2021 batch legislator. 

Para naman kay Joshua Cote, kumakandidatong FAST2021 batch president, mahalagang masolusyonan ang mga pangangailangan ng Pamantasan sa kabila ng online learning. Kasama ni Cote sa pagtakbo sina Marlon Dayo, bilang batch vice president, at Zak Armogenia, bilang batch legislator. Kumakandidato rin si Kara Valdez bilang batch vice president ng FAST2018.

Sunod namang ibinida ng Tapat ang kanilang mga kandidato para sa FOCUS2021 na sina Benedict Barrameda, para sa batch president; Kade Dalusung, para sa batch vice president; at Ren Orong, para sa batch legislator. “We believe that the batch can go beyond the four corners of the classroom and apply what has been constantly instilled in the Science curriculum,” pagpapaliwanag ni Barrameda.

Ipinakilala bilang mga kandidato sa EXCEL24 mula sa Tapat sina Juliana Meneses, tumatakbong batch president; Annika Subido, bilang batch vice president; at Phoebe Dominguez, bilang batch legislator. Binigyang-halaga nila ang pakikinig sa pagbuo ng mga platapormang makatutulong sa mga pangangailangan ng kanilang mga kamag-aral.

Boses ng Santugon

Pinangunahan ni Josene Gonzales, tumatakbong BLAZE2024 Batch President ng Santugon ang paglalahad ng kanilang plataporma. Ipinahayag ni Gonzales ang kanilang layunin na mapag-isa ang kanilang kolehiyo. “As your first batch president, I will help you reach your potential as we have the power  to go beyond what is expected and respond to the call of the times,” pagbibigay-diin niya.

Ipinakilala rin ang mga kapwa kandidato ni Gonzales para sa BLAZE2024, sina Naith Acosta,  kandidato para sa posisyong batch vice president, at Raphael Hari-ong kandidato para sa posisyong batch legislator. Tinitiyak ni Acosta na tutugunan ang bawat hinaing at pangangailangan ng BLAZE2024 dahil priyoridad nila ang kapakanan ng mga estudyante sa naturang batch. Ibinida naman ni Hari-ong ang platapormang BLAZE Masterclass na naglalayong mahasa ang mga talento ng mga Lasalyano sa kanilang kolehiyo.

Sumunod na ipinakilala mula sa partidong Santugon ang mga kandidato mula sa 76th ENG na sina Yani Buhain, tumatakbo bilang Batch President; Frankie Gamboa, tumatakbo bilang batch vice president; at Alijaeh Go, tumatakbo bilang batch legislator. 

Sa kabilang banda, pinangunahan naman ng tumatakbong CATCH2T25 Batch President na si Aliex Po ang paglalahad ng mga plataporma. Aniya, “I assure you that our focus will not only be on growing as individuals but also as a batch, through opportunities inside and outside of DLSU.” Ipinakilala rin sina Bianca Cuales, kandidato para posisyong batch vice president, at Sebastian Diaz, para sa posisyong batch legislator. 

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Diaz na binuo ang kanilang mga plataporma upang magkaroon ng isang nagtututulungan at progresibong CATCH2T25. Ibinida rin ni Diaz ang plataporma nilang Bantay Bayan 2022, na naglalayong magbigyan-diin ang papel ng teknolohiya sa paparating na Pambansang halalan.

Samantala, ipinaabot naman ni Achilles Amores, tumatakbo bilang EDGE2021 batch legislator, na layon nilang magkaroon ng episyenteng sistema sa pag-anunsyo ng importanteng impormasyon sa mga estudyante. Sinisiguro naman nina Anne Sy, tumatakbo bilang EDGE2021 batch president, at Tsarina Olis, tumatakbo bilang EDGE2021 batch vice president, na magkakasabay na uunlad ang mga nasasakupan ng  EDGE2021.

Binigyang-diin ni Kyzer Campos, kandidato bilang FAST2021 batch president, na tungkulin niyang mapag-isa ang FAST2021. Ibinida naman ni Sabina Del Rosario, kandidato bilang FAST2021 batch vice president, ang mga platapormang FAST Assist at All in 121 na layuning magbigay ng mga oportunidad na inklusibo at nakasentro sa mga estudyante.

Ipinakilala rin ang mga kandidato para sa FOCUS2021 na sina Andrea Roque bilang batch president, Kakay Gonzales bilang batch vice president, at Jeanne Cabansag bilang batch legislator. Ayon kay Cabansag, “we believe that there should be avenues that address our mental well-being, access to quality education, and opportunities despite the current limits.”

Huli namang nagpakilala ng mga kandidato ang School of Economics. Ibinida rin ng mga kandidato mula sa Santugon na sina Kyle Cansana bilang EXCEL2024 batch president, CJ Domacena bilang EXCEL2024 batch vice president, at Mikee Gadiana bilang EXCEL2024 batch legislator ang kanilang mga plataporma. Ayon kay Cansana, “we envision maximizing opportunities with and for an empowered, progressive, and student-centered EXCEL2024.”

Pagtindig ng mga Lasalyano

Nakalaan naman ang huling bahagi ng programa para sa mga katanungang nais iparating ng pamayanang Lasalyano sa mga kandidato sa pamamagitan ng isang open forum.

Unang binigyang-tuon ang mga plano ng mga kandidatong mapataas ang kamalayan ng mga kapwa mag-aaral sa mga isyung nasyonal nang hindi nakaaabala sa kanilang pang-akademikong mga gawain. Inilahad ni Marabe ang kanilang nakahandang proyekto para rito, gaya ng Kwen21 at GCareOE. Sunod namang sumagot si Gamboa. Aniya, “through informational pubs and engagements, we opt to stress the importance of our votes without sacrificing our academic workload.”

Ipinahayag naman ni Engbino na sinisiguro nilang madaling maunawaan ang kanilang mga plataporma upang mas maiparating ang kanilang adbokasiya. Tugon naman ni Orajay, “[the] best thing we can do is to relate [and] show them that we are greatly affected by everything else.” Mariin namang ipinahiwatig ni Buenaflor na lagi nilang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga estudyante. “Hindi lang iyon pangako dahil kapag maibibigay sa amin ang titulo o posisyon, aakto agad kami,” giit pa niya.

Inusisa rin ang mga plano at proyekto ng mga kandidato sakaling magkaroon ng transisyon patungong face-to-face na klase. Wika ni Po, “we came up with our projects with both possibilities in mind. . . [but] given the current situation, we’ll focus on maximizing the online set-up for our safety.”

Tinugunan naman ng mga tumatakbong Batch President ng BLAZE2024 ang tanong ukol sa kanilang plano upang matulungan ang mga estudyanteng nahihirapan sa mga major na kurso. Ibinida ni Gonzales ang kasalukuyang proyekto ng BCG na Telecom, na naglalayong matulungan ang mga estudyante sa anomang problemang kanilang kahaharapin. Ayon naman kay Engbino, “BLAZE2024 Backtrack [is] where we’d be focusing on providing reviewers and bridging courses to those having difficulties in majors.”

Ibinahagi naman ni Dalusung, ang kanilang plataporma upang maiwasan at matugunan ang paghahain ng mga isyu sa Freedom Wall. Saad niya, “our project [Anon Nasa Isip Mo?] aims to redirect the Freedom Wall concerns and complaints into a more professional avenue.” 


Pinabulaanan naman ni Cote ang tanong ukol sa kahalagahan ng pagiging partisan sa pagkakataong maihalal sa posisyon. Pagdidin niya, “know that the USG must remain non-partisan but never neutral. This means that USG resources must not be used to further party agenda.” Ipinahayag naman ni Major na iisa ang layunin ng bawat partido, ang mapagsilbihan ang mga estudyante.

Iginiit naman ni Go na dapat magkaroon ng pantay na oportunidad ang ibang kolehiyo sa on-site na mga klase at hindi lang sa GCOE. Sunod namang inilahad ni Mallari ang kanilang plataporma sa on-site na klase. Sambit niya, “we’ll establish proper channels, like the 76th Chatbot, regular contingency checks for physical and mental health, academic concerns, and whatnot.”

Kandidato para sa Pamantasan at sa bayan

Itinaas naman ang mga gampanin ng mga kandidato ukol sa mga panawagang #LigtasNaBalikEskwela at #DefendAcademicFreedom. Ipinunto ni Marabe na bahagi na ng prinsipyo ng Tapat ang pagiging pro-student at pro-people. Dagdag pa niya, “it is first step. . . to have an empathy and channels that will always open to hear your voice.” Binigyan-diin naman Buhain ang kahalagahan ng pakikipag-usap at konsultasyon upang mas mapataas ang kamalayan ng mga estudyante sa pagharap sa mga nasabing isyu.

Ipinunto naman kay Diaz ang katanungan ukol sa pag-eenmiyenda ng proseso sa grievance. Matatandaang nabanggit ni Diaz sa debate na nais niyang suriin ang kasalukuyang proseso ng grievance sa Pamantasan. “We are not proposing a revision immediately. We want to focus on reviewing it and its current form because. . . it’s inaccessible or students are not aware of it,” pagkaklaro naman ni Diaz.

Magkahawig naman ang sentimyento ng mga kandidato ukol sa hindi pagmandato ng COMELEC na dumalo sa mga debate at interbyu ang mga kandidato ng Pambansang Halalan. Ani Del Rosario, “it’s a huge indicator of the candidate’s work ethic and dedication to the citizens of the Philippines.” Para naman kay Orong, mahalaga ang pagdalo sa mga interbyu dahil ito ang nagpapatunay ng sinseridad ng mga kandidato sa kanilang plataporma.

Pinalawig naman ni Pangilinan ang diwa ng mga politikal na organisasyon sa labas ng eleksyon. Wika niya, “political organizations on DLSU are not just for electing leaders [but] for a greater cause of serving the student body.” Sagot naman ni Acosta, “when it’s not elections, we focus on advocacy-based projects that help the student body.” Naniniwala naman si Dayo na mas nairerepresenta ang mga prinsipyo ng isang estudyante sa pamamagitan ng isang politikal na organisasyon.

Binigyang-diin naman ni Subido na walang pinipiling oras ang trabaho at naniniwala siyang nililimitahan ng work hours ang kakayahan ng mga opisyal sa USG na matulungan ang mga estudyante. Binuweltahan naman ni Amores ang naging pahayag ni Subido. Giit niya, “The reason kung bakit may timeframe ang job. . . [ay] para magkaroon ng rest after that. If mawawala iyon, mas mahihirapan ang mga tao.”

Sa huli, siniguro ng magkabilang panig na hindi scripted o templated ang kanilang mga naging sagot sa Miting De Avance. Ani Armogenia, “we want to cultivate that mindset that we know what we are talking about. . . As Tapat leaders, we go through a lot of trainings.” Sa paniniwala naman ni Cansana, “it roots from our personality. Santugon has prepared its candidates to fight for what they believe in.”