NAGTAGISAN ang ilang piling kandidato ng Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) at Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) sa Harapan 2022: Special Elections Debate na pinangunahan ng De La Salle University (DLSU) Commision on Elections, Enero 28.
Pinangasiwaan ang naturang debate ng La Salle Debate Society at sangay ng Judiciary ng University Student Government (USG), na nagsilbing mga moderator at hurado, katuwang ang Archers Network sa pag-livestream ng naturang debate.
Nagwagi sina Annika Subido ng Tapat, tumatakbo bilang EXCEL2024 batch vice president at Yani Buhain ng Santugon, tumatakbo bilang 76th ENG batch president sa unang bahagi ng Harapan. Kaugnay nito, nakamit din ni Subido ang overall best speaker.
Hinirang naman sina Sebastian Diaz ng Santugon, tumatakbo bilang CATCH 2T25 batch legislator at Elynore Orajay ng Tapat, tumatakbo bilang BLAZE2024 batch legislator para sa ikalawang bahagi ng debate.
Pagpapalawig ng kaligtasan sa Pamantasan
Tinalakay sa unang bahagi ng debate ang usapin hinggil sa pagbabalik ng face-to-face classes. Inihayag nina Joshua Cote, tumatakbo bilang FAST2021 batch president sa ilalim ng partidong Tapat, at Anne Sy, tumatakbo bilang EDGE2021 batch president sa ilalim ng partidong Santugon, ang kanilang mga plataporma at inisyatiba hinggil sa muling pagbubukas ng Pamantasan.
Inilahad din nina Subido at Buhain ang kanilang mga hakbangin na ipatutupad upang mapanatili ang kaligtasan ng mga Lasalyano sa panahong maisakatuparan ang pagbabalik ng face-to-face na klase.
Ayon kay Subido, “in order to ensure that students are able to transition effectively, ngayon pa lang, we need to put in place the necessary measures for students to be informed; ngayon pa lang we need to cover all the bases.”
Dagdag pa niya, mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa mga estudyante nang malaman ang mga kinahaharap nilang problema. Inilahad din niya na nararapat na bumuo ng mga proyektong magpapalaganap ng impormasyon sa mga estudyante hinggil sa mga hakbanging isasagawa sa face-to-face na klase.
Ibinahagi rin ni Buhain na kinakailangang paigtingin ang paghahatid ng impormasyon sa mga estudyante. Aniya, “we should let all our batchmates know what will happen, what are the specifics, the scheduling, and also coordinate as well with the USG, so that we can really help them transition, especially to a safe transition.” Siniguro rin niya na naaayon sa lahat ng mga Lasalyano ang mga aksyon at proyektong kanilang gagawin.
Ibinato rin sa mga kandidato ang mga katanungan hinggil sa estado ng pagpapabakuna ng mga estudyante. Ayon sa mga kandidato, marapat na palawigin ang paghahayag ng mga impormasyon sa mga mag-aaral ukol sa pagpapabakuna. Pahayag ni Sy, “may kalayaan ang mga estudyante na mamili kung magpapabakuna o hindi.” Ayon naman kay Cote, “we don’t want unvaccinated students to be left behind. . . we need to empower students with proper information that are data-driven.”
Pagharap sa mga reklamo
Kinuwestiyon naman ng mga hurado ang mga kandidato hinggil sa mga kontrobersiyang naganap sa nakalipas na General Elections. Matatandaang nasangkot ang dalawang partido sa mga alegasyon ng sexual harassment. Tinanong nila kung paano matitiyak ng bawat partido na magiging isang ligtas na lugar ang DLSU para sa lahat ng estudyante. Tiniyak ni Buhain na kanilang sisiyasatin ang lahat ng mga alegasyon at magkakaroon sila ng wastong pananaliksik para mapatunayang totoo ang mga isyu.
Pagdidiin ni Sy, “sexual harassment will never be tolerable in all places. We must make sure that students are protected on the campus and in the online set-up.” Pinalawig din niya ang pagtalakay ng Safe Spaces Act. Aniya, maipatutupad ito nang mas maayos kung may malawak na kamalayan ang mga estudyante ukol dito.
Inilahad din ng mga hurado ang kanilang tanong ukol sa proseso ng pagsusumite ng pormal na reklamo bago imbestigahan ang mga hinaing ng mga estudyante sa loob ng DLSU Freedom Wall. Naniniwala sina Subido at Sy na dapat pagtuunan ng pansin ang mga reklamo sa Freedom Wall, at tugunan ang mga ito sa propesyonal na pamamaraan. Pagdidiin ni Subido, “we should act on allegations. . . we need to take the proper courses of action in order to address this issue.”
Sunod namang hiningi ng mga hurado ang opinyon ng mga partido ukol sa paggamit ng social media at internet upang palawigin ang participative democracy sa mga estudyante at kung paano nila ito maipaaabot sa mga estudyanteng walang maayos na internet connection.
Pahayag ni Subido “we need to know how we can collectively contact them. We need to know kung ano ang sitwasyon ng ating mga batchmates, kung ano ang mga nararanasan nila, [and] how can we directly contact them. We need to know how to be resourceful.”
Para naman kay Buhain, “it is very important that we are able to research and consult, and with this, we have 76th ENG support wherein we will really be able to research and know what are the situations of our batchmates.”
Kamalayan sa isyu ng bayan
Sa ikalawang bahagi ng debate, unang tinanong ng hurado kung dapat bang mag-endoso ang mga student government ukol sa kanilang sinusuportahang kanditato sa darating na Pambansang Halalan. Iginiit ni Alijaeh Go, tumatakbo bilang 76th ENG batch legislator sa ilalim ng partidong Santugon, na dapat suportahan ang kandidatong may integridad at may kakayahang tugunan ang mga problema ng bansa.
Para naman kay Orajay, isang mikroskosmo ang Pamantasan ng lipunan kaya nararapat lamang na malaman ng mga estudyante ang mga kaganapan sa bayan at sa darating na Halalan. Sa kaniyang opinyon, si Leni Robredo ang pinakanararapat para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Sunod namang tinanong ng mga hurado kung ano ang dapat pang bigyang-priyoridad ng administrasyon, maliban sa pandemya. Ayon kay Diaz, dapat pagtuunan ng pansin ang ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa niya, “The economy is important. If we have a weak economy, then how can we ensure education for everyone? How can we ensure that the students can actually have the means to actually get the education that we deserve?”
Diin naman ni Angel Lopez, tumatakbo bilang Laguna Campus Student Government OSEC sa ilalim ng partidong Tapat, na dapat bigyan ng priyoridad ang sektor ng edukasyon. Para sa kaniya, “economy is under education naman. We have fake news about economy and the Philippines. How can you detect fake news kung hindi ka educated?”
Katuparan ng mga pangako
Tinalakay rin ng mga hurado ang usapin hinggil sa bagong academic calendar na ipinasa ng Pamantasan. Pinapili ang mga kandidato kung alin sa dalawang opsyon ang mas nararapat na ipatupad. Una, ang recalibrated calendar kung saan tatanggalin ang Term 3. Pangalawa, ang short term break calendar kung saan mananatili ang Term 3. Para kay Go, kinakailangang bumuo ng academic calendar na angkop para sa buong pamayanang Lasalyano. Wala pa silang mailalabas na konkretong plano dahil naniniwala silang kailangan pa ng agarang konsultasyon ukol dito.
Pinasalamatan naman ni Lopez ang Pamantasan sa mga ginawang inisyatiba, ngunit ayon din sa kaniya, hindi kailangang mamili sa pagitan ng kalusugan at edukasyon. Inilahad niya ang kaniyang konkretong plano. Sa unang opsyon na longer term break, aniya “[we should] open special classes para mapaaga ang graduation ng graduating students.” Para naman sa pangalawang opsyon na may short term break, makikipag-ugnayan sila sa Office of Counseling and Career Services upang mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante.
Inihayag din ng dalawang partido ang kanilang mga LA agenda. Mayroong tatlong pillars na inilahad si Orajay. Una, patungkol sa edukasyon. Pangalawa, palawigin ang student services. Pangatlo, progresibong pangingialam sa mga usaping panlipunan.
Equal student representation, purposeful student empowerment, at holistic student development naman ang naging sentro ng mga proyekto nila Go.
Sa huli, nanindigan ang dalawang partido na tutuparin nila ang lahat ng kanilang mga plataporma. Dagdag pa nila, nagmula sa mabusising proseso ang lahat ng mga inilahad nilang plano at idiniing wala silang bibitiwan sa mga ito.