MAINIT na isyu tuwing eleksyon sa bansa ang kakayahang maghain ng kandidatura at tumakbo ang mga kandidatong may kasalukuyang kinahaharap na kaso o dating nabilanggo. Lokal man ito o pambansa, laging may mga politikong kumakandidato sa kabila ng kanilang kinahaharap na kaso o pagkakabilanggo. Isa ito sa mga nagiging sanhi ng pag-usbong ng mga pang-aabuso sa sistema ng isang demokratikong halalan.
Bagamat may mga kondisyon para madiskwalipika sa pagtakbo ang isang kandidato batay sa pamantayang nakasaad sa Seksyon 12 ng Batas Pambansa Blg. 881 o ng Omnibus Election Code of the Philippines, nagiging komplikado ang implementasyon nito dahil sa iba’t ibang interpretasyon ng mga eksperto ukol dito.
Kalayaan mula sa kawalan ng hatol
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Gerardo Eusebio, propesor ng Political Science ng Pamantasang De La Salle, ipinaliwanag niyang tanging mga kandidatong napatunayan na nagkasala ng subversion, insureksyon, rebelyon, at mayroong mga kasong may kaparusahan ng mahigit 18 buwan na pagkakabilanggo ang mga pagbabawalang tumakbo sa isang halalan.
Kaugnay nito, nangangahulugan lamang na maaari pa ring tumakbo ang sinomang kandidato na may hinaharap na kaso o kasalukuyang nakakulong habang naghihintay ng hatol mula sa Korte. Samakatuwid, tila pabor sa mga kandidatong may sala at lumalabag sa batas ang pagpapaantala sa kanilang mga kaso dahil tanging mga taong napatunayan lamang na guilty ang hindi pahihintulutang kumandidato.
“Ideally, dapat itong palitan dahil hindi natin alam kung ang kandidatong ito ay talaga bang nagkasala, lalo na kung mapapatunayan talagang may sala,” pagpapatuloy ni Eusebio.
Nakababahala man ang maaaring maging epekto ng nabanggit na panuntunan, hindi umano magiging madali ang pagpapalit ng batas ukol dito sapagkat nananatiling inosente ang isang tao sa mata ng batas hangga’t hindi pa naisasapinal ang hatol. Bukod dito, ibinahagi rin ni Eusebio sa APP na hindi lamang ito instrumento upang kumandidato ang isang may sala bagkus ginagamit din ang pagsasampa ng kaso sa mga kandidato bilang taktika laban sa kanila upang masira ang kredibilidad at matalo sa eleksyon.
Tila naging masalimuot ang linya sa pagitan ng inosente at nagkasala, lalo na sa pagkakataong maaari itong abusuhin ng mga kandidatong walang totoong hangaring maglingkod sa bayan. Kinakailangang patuloy na maging kritikal at mapanuri lalo na’t hindi palaging patas ang batas–lalo na sa mga taong nasa laylayan. Bunsod nito, iginiit ni Eusebio ang pangangailangan para sa mas malinaw na polisiya para sa diskwalipikasyon upang maiwasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan at kalayaang kumandidato ang mga may sala.
Paglilinaw sa moral turpitude
Katulad ng mga naunang nabanggit sa unang bahagi ng artikulong ito, sinang-ayunan din ni Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson James Jimenez ang mga pamantayan para sa pagkakansela o pagdidiskwalipika ng isang kandidatura. Aniya sa kaniyang post sa Twitter, “to be disqualified, there must be a conviction for a crime involving moral turpitude (not all crimes do), or a sentence to a penalty of more than 18 months.”
Matatandaang laman ng mga diskurso kamakailan ang depinisyon ng moral turpitude mula nang maghain ang mga kritiko ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng petisyon para sa diskwalipikasyon ng kaniyang kandidatura para sa Halalan 2022. Batay sa inihaing petisyon, nanindigan silang hindi maaaring tumakbo ang anak ng dating diktador dahil sa kaniyang kaso noong 1995 matapos siyang masistensyahan ng Quezon City Regional Trial Court nang tatlong taong pagkakakulong na may kasamang Php30,000 multa dahil sa pagkabigong magbayad ng buwis simula 1982 hanggang 1985.
Sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema noong 2009 sa kasong inihain laban sa COMELEC, inilarawan ng hukom na moral turpitude ang lahat ng mga aksyong ginawa na taliwas sa hustisya, kababaang-loob, at good moral. Batay sa kaparehong desisyon, nangangahulugan din itong “an act of baseness, vileness or depravity in the private and social duties which a man owes his fellowmen, or to society in general.”
Nilinaw naman ni Jimenez na tanging ang Korte Suprema lamang ang maaaring makapagbigay ng depinisyon ng moral turpitude. Dahil dito, limitado lamang ang hurisdiksyon ng COMELEC sa mga usaping tulad ng nabanggit at nasa kamay ng mga mamamayan ang pagsasampa ng kaso laban sa inaakusahang indibidwal.
Batas sa kamay ng mga naghaharing-uri
Patuloy na nagbabago ang nagiging batayan ng mga botante para sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa. Ilan sa mga kumandidato sa nakalipas na halalan ang nagtagumpay na naupo sa posisyon sa kabila ng pagkakaroon ng mabibigat na kaso. Sa huli, tila hindi rin naging limitasyon ang posibilidad ng pagkakulong upang makatakbo ang mga politikong may sala sa batas.
Maihahalintulad ito sa pagkapanalo ni Romeo Jalosjos, politikal kingpin ng Zamboanga, na nagwagi bilang Kongresista noong 1998 at 2001 habang nasa loob ng kulungan. Bukod dito, matatandaan ding pinahintulutan na tumakbo para sa pagkapangulo si dating Pangulo Joseph Estrada noong 2010 sa kabila ng kaso ng pandarambong. Sa kasamaang palad, tila isa sa pinamalaking pagkakamali ng taumbayan ang hayaang maluklok sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno ang taong mayroong nakabinbing kaso dahil sa huli, ninakawan niya ang kaban ng bayan at napatunayang nagkasala ng pandarambong.
Sa kasalukuyan, isang buong ispektrum ng mga kaso ang isinampa at ikinabilanggo ng ilan sa mga kandidato para sa nalalapit na Halalan 2022. Mayroon nang nagbalik at nagwagi noong nakaraang eleksyon, katulad nina Ramon Bautista “Bong” Revilla Jr. at Jinggoy Estrada na nakulong sa kaso ng pandarambong. Bukod dito, kumakandidato rin para sa pinakamataas na posisyon si Senador Panfilo “Ping” Lacson na may kinaharap na mga kaso ng pagpatay noong 1995 at 2010. Habang si Raffy Tulfo naman na bagong pasok sa larangan ng politika ang humarap sa kaso ng graft na isinampa sa kaniya noong mga nakaraang taon.
Hindi maikukubling tila mas mahirap pang makahanap ng trabaho kaysa tumakbo sa gobyerno ang isang mamamayanang humaharap sa mabigat na krimen. Mula sa pagnanakaw sa kaban ng bayan hanggang sa pagkitil ng mga inosenteng buhay, tila nagiging mailap sa ngipin ng batas ang mga politikong may sala. Bunsod nito, nasa kamay na ng mga mamamayang Pilipino ang kakayahang pumili ng lider na malinis ang pinagmulan at hindi hahayaang mabigyan ng pagkakataong makatakas sa rehas ang mga kandidatong totoong nagkasala.