SUMALANG sa isang mainit na panayam sa programang pinamagatang “The Jessica Soho Presidential Interviews” ang apat sa limang nangungunang kandidato sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno, Enero 22.
Bagamat nabigyan ng pagkakataon sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Pangalawang Pangulo Leni Robredo, Senador Ping Lacson, Manila City Mayor Isko Moreno, at Senador Manny Pacquiao ng pagkakataong maipaliwanag ang kanilang intensyon sa pagtakbo at mga plataporma, tinanggihan ni Marcos Jr., anak ng yumaong diktador, ang imbitasyon bunsod ng paniniwalang biased kontra mga Marcos ang mamamahayag na si Soho.
Kaakibat nang pagsapit ng halalan ang tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino na kilatisin ang intensyon, posisyon sa mga malalaking isyu sa lipunan, at mga plataporma ng mga sumusubok na maluklok para sa pinakamataas na posisyon. Kaugnay nito, nagsilbing tulay ang #JessicaSohoInterviews upang maunawaan ang hangganan ng paninindigan, masuri ang mga plano, at maipaliwanag ang mga kontrobersiyang iniuugnay sa mga kandidato.
Punla ng pagbabago
Sa pagsisimula ng panayam, matapang na sinagot ng apat na kandidato ang katanungan hinggil sa sakit ng mga Pilipino at ang nakikita nilang solusyon ukol dito. Naniniwala man si Lacson na ang gobyerno ang pangunahing problema, tinukoy niya rin ito bilang tanging lunas sa matitinding hamon sa bansa. Aniya, kinakailangang ayusin ang mga patakaran at ang kabuuan ng gobyerno upang mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino, lalo na’t ito ang nagiging sanhi nang pagtigil ng mga mamamayang mangarap para sa kanilang kinabukasan.
Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ni Robredo ang kahalagahan ng pagkatuto mula sa mga pagkakamaling nagawa. Nanindigan siyang mahalagang maging bahagi ng kurikulum sa edukasyon ang kasaysayan para maagang maipaunawa at maimulat sa mga estudyante ang mga makatotohanang impormasyon sa nakalipas na mga taon upang maiwasan itong maulit pa. Dagdag pa niya, bahagi rin ng sakit ng lipunan ang paglimot ng mga Pilipino sa sariling paniniwala at tamang pag-uugali na maaari sanang matugunan nang maayos na sistema ng edukasyon.
Samantala, iginiit naman ni Pacquiao na ang kawalan ng disiplina sa pagsunod sa batas ang nagdudulot ng kawalan ng kaayusan sa bansa at naniniwala siyang masosolusyonan lamang ito sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan sa gobyerno. Wala namang pag-iimbot na nanindigan si Moreno na kinakailangang wakasan ang laganap na politikal na dinastiya upang mabigyan ng pagkakataon ang taumbayang hindi makulong sa malalaking pangalan at makapili pa ng ibang lider na maglilingkod para sa bansa.
Tibay ng paninindigan
Hindi rin nakatakas ang apat na kandidato sa pagkakataong sipatin ang ideya ng pagpapatuloy ng sinimulang giyera kontra droga ng kasalukuyang administrasyon. Naniniwala ang mga kandidatong nararapat lamang ipagpatuloy ang pagsugpo sa ilegal na droga sa paraang hindi mayuyurakan ang karapatang pantao ng taumbayan, lalo na ang mga nasa laylayan. Gayunpaman, nanindigan si Lacson na hindi lamang sa pagpapakulong natatapos ang problema sa droga dahil kinakailangan din itong sabayan ng epektibong mga programa at rehabilitasyon para sa mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Bukod dito, umikot din ang panayam sa pagtindig nina Moreno at Pacquiao sa pagbibigay ng akses sa teknolohiya at gadyet sa mga guro at estudyante upang matugunan ang problema sa sektor ng edukasyon ngayong pandemya. Pinanindigan naman ni Lacson ang kaniyang paniniwalang kinakailangan munang matuldukan ang katiwalian upang masigurong ligtas na makababalik sa paaralan ang mga nasa sektor ng edukasyon.
Gayunpaman, taliwas ito sa opinyon ni Robredo matapos niyang imungkahi ang agarang pagbubukas muli ng mga paaralan sa mga lugar na mababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 habang itinataguyod pa rin ang pagkakaroon ng pantay na akses sa mga online na kagamitan para masigurong walang maiiwan sa gitna ng krisis pangkalusugan.
Sa patuloy na pagtahak ng bansa para sa isang mapagpalayang lipunan, inaabangan ng maraming Pilipino ang posisyon ng mga kandidato sa posibilidad na pagsasabatas ng same-sex marriage sa bansa. Hindi nagpahayag ng suporta ang apat na kandidato sa naturang panukala ngunit ilan sa kanila ang naglahad ng alternatibong solusyon para patuloy na maprotektahan ang interes ng LGBTQ+ community. Bagamat ipinaliwanag ni Pacquiao na nagkamali lamang siya ng pag-unawa sa kaniyang nakaraang pahayag na “masahol pa sa hayop ang mga nakikipagrelasyon sa kapwa nila kasarian,” buo pa rin ang kaniyang loob na tumutol sapagkat taliwas ito sa kagustuhan ng kaniyang pananampalataya.
“Ang aking paniniwala ay mananatili, ang aking paniniwala sa Panginoon [hindi pabor sa same-sex marriage]. . . Kailangan doon tayo sa gusto ng Panginoon,” giit ni Pacquiao.
Samantala, mas pinaburan naman ni Robredo ang same-sex union at pagkakaroon naman ng civil union para kay Lacson upang makikilala ng batas ang pagsasama ng isang same-sex couple at matamasa rin nila ang mga karapatan ng isang mag-asawang heterosekswal.
Hamon ng mapanuring mata
Hindi nakaligtas ang mga kandidato nang tanungin sila ni Soho tungkol sa mga kontrobersiyang ipinupukol sa kanila. Matapang na hinarap ni Robredo ang matinding pagkuwestyon sa kaniyang kakayahan bilang isang lider matapos niyang bigong pagkaisahin ang oposisyon sa darating na halalan. Bagamat dismayado si Robredo ukol dito, iginiit niyang hindi natitigil sa pagbubuklod ng mga kandidato ang pagkamit ng nagkakaisang oposisyon. “Kahit siguro hindi namin na-unite ‘yung mga presidential contenders, naging successful tayo in uniting so many different groups na non-politicians,” giit niya.
Sinubok naman ang kakayahan ni Pacquiao na maging isang tunay na pinuno ng bansa matapos maibato sa kaniya ang pagiging top-absentee noon sa Kongreso. Ayon sa Senador, naitama na niya ang pagkakamaling ito at patunay ang kaniyang kompletong pagdalo sa mga gawain ng Senado sa mga sumunod na taon upang maipakita ang pagiging handa at disiplinado.
Sa kabilang banda, naging mainit naman ang talakayan sa pagitan nina Lacson at Soho matapos aminin ng Senador na isang pelikula na nagpakita sa masamang implikasyon ng parusang kamatayan mula sa Netflix ang nakapagpabago sa kaniyang perspektiba. Bagamat naging biktima ng maling akusasyon bilang dating intelligence officer noong Batas Militar, tila hindi ito naging sapat upang maunawaan ni Lacson ang bigat ng parusang kamatayan at tanging ang pelikula lamang ang nakapagpamulat sa kaniyang hindi imposibleng mahatulan ng kamatayan ang mga inosenteng mamamayan. Aniya, “masama ba kung magpalit ka ng pag-iisip dahil namulat ka sa isang katotohanan na talagang puwedeng mangyari sa isang tao?”
Binusisi naman sa tapatan kasama si Moreno ang natirang malaking halaga ng pera mula sa kaniyang dating kampanya noong tumatakbong alkalde ng Lungsod ng Maynila. Nanindigan si Moreno na wala siyang nilabag na batas matapos madagdagan ng mahigit Php50 milyon ang kaniyang assets mula sa sobrang pondo ng kaniyang kampanya noong 2016. Paliwanag ni Moreno, “‘pag may natira sa kampanya, dahil ‘yun naman ay pooled account, pooled money, iba’t ibang tao, you have to declare tapos kapag nasa iyo na, kailangan mong magbayad ng buwis.”
Katulad ng pahayag ng GMA News and Public Affairs, mahirap ang mga naging katanungan sa bawat kandidato dahil mahirap ang trabaho ng isang pangulo. Nararapat lamang na may paninindigan, katapatan, at tapang na humarap sa kritisismo ang susunod na pinuno ng bansa—mga katangiang hindi nakita ng mga Pilipino sa nakaraang anim na taon. Sa darating na halalan, huwag lamang isipin ang kinabukasan bagkus isaalang-alang din ang mga aral ng nakaraan upang mailuklok ang karapat-dapat na kandidato sa nararapat na puwesto. Hindi man sa balota natatapos ang lahat, ito pa rin ang unang yapak tungo sa isang lipunang malaya at mapagpalaya.