NAGTIPON-TIPON ang mga miyembro ng pamayanang Lasalyano na binubuo ng mga estudyante, alumni, guro, at kawani mula sa 16 na Lasallian schools sa bansa upang ilunsad ang organisasyong “Lasallians for Leni,” Enero 21. Pinangunahan ng naturang organisasyon ang talakayang pinamagatang “From Green to Pink: Mga Lasalyano Para sa Tapat na Pamumuno” upang bigyang-halaga ang platapormang isinusulong ng tambalang Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan para sa nalalapit na pambasang halalan.
Bago simulan ang programa, ipinaalala ng host na si Alex Glinoga na itinatag ang Lasallians for Leni dahil sa misyon nitong magmulat ng mga Lasalyano at mga botante na panahon na para magkaisa ang lahat upang makabuno ng positibong pagbabago sa bansa at pumili ng mga pinunong naghahangad ng mabuting interes ng sambayanang Pilipino.
Mensahe ng pakikiisa
Bilang pakikiisa sa programa, nagpadala ng mga pre-recorded video sina Robredo, Senador Risa Hontiveros, Atty. Chel Diokno, Atty. Alex Lacson, at Senador Leila de Lima. Ayon kay Glinoga, hindi nakapagpadala ng mensahe sina Senador Bam Aquino at Senador Antonio Trillanes dahil may mga tungkulin silang itinatapos bilang mga lingkod-bayan. Gayunpaman, ipinarating nina Aquino at Trillanes ang kanilang pagbati sa lahat ng manonood ng programa.
Sa mensahe ni Robredo, nagpasalamat siya sa mga tagapagtatag ng organisasyon at inilatag ang layunin ng tambalang Robredo-Pangilinan. “Ang misyon natin ngayon, ilatag ang katotohanan, ipakita ang resibo, ibahagi ang track record, sa mga batas na itinakda, sa mga posisyon sa isyu. . . sa mga kilos tuwing may krisis o sakuna, [at] sa mga initiatives, tulad ng Angat Buhay,” aniya. Nagpasalamat naman si Robredo sa tiwala ng kaniyang mga taga-suporta at siniguro niyang buo rin ang tiwala niya sa kanila.
Sinundan ni Hontiveros si Robredo sa pagbabahagi ng mensahe. Ipinaalala niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng mamamayang Pilipino sa Halalan 2022 dahil hindi lamang politika ang maaapektuhan nito kundi ang kasaysayan at kultura ng Pilipinas. Iginiit ni Hontiveros na nagbigay-daan ang pakikipaglaban sa demokrasya sa patuloy na pagsulong ng bansa at pagtatanggol sa prinsipyo ng mga Pilipino.
Sumang-ayon naman dito sa Diokno at hinimok ang kabataang kumilos pa lalo upang mas mapadami ang bilang ng mga sumusuporta kay Robredo. Bilang tumatakbong senador, binigyang-diin niyang titiyakin niya ang pantay na pagtrato, pagbibigay ng ngipin sa batas, at kagat sa hustisya sa bansa.
Inamin naman ni Lacson, isang abogado at manunulat na isa ring kandidato para sa Senado, na hindi siya politiko ngunit binanggit na may simbuyo sa kaniyang baguhin o repormahin ang politika sa bansa. Ito aniya ang kaniyang rason bakit siya tumatakbong senador—politika sa tunay na pagbabago.
Pagdidiin naman ni de Lima, walang bahid ng anomang katiwalian ang tambalang Robredo-Pangilinan. Bukod pa rito, ipinahayag niyang mahusay ang kanilang track record, malalim ang pagpapahalaga sa karapatang pantao, sistema ng hustisya, saligang batas, at laging inuuna ang kapakanan ng bansa sa halip na sa kapakanan ng dayuhang interes. Bunsod nito, buo ang tiwala ni de Lima na pasisiglahin muli nina Robredo at Pangilinan ang demokrasya sa bansa kung sakaling maihalal sa posisyon.
Usapang kabataan at halalan
Para sa ikalawang bahagi ng programa, pinangunahan nina Millicent Tandoc at Gelo Lescano ang talakayang sinalihan nina Jobelle Domingo, lead convenor ng Liberal Youth of the Philippines at Head ng Tropang Leni Chapters; Bro. Armin Luistro FSC, isa sa mga convenor ng 1Sambayan; Cong. Erin Tañada, kinatawan ng ikaapat na distrito ng Quezon City; Labor Rights Defender Atty. Sonny Matula; Cong. Teddy Baguilat Jr., kinatawan ng nag-iisang distrito sa Ifugao at Chairman ng Committee on Natural Cultural Communities; at Spokesperson ni de Lima na si Atty. Dino de Leon.
Sinagot nina Domingo at Tañada ang unang katanungang umikot sa panghihimok sa mga mamamayang sumali at makibahagi sa mga politikal na kampanya. Ani Domingo, mahalaga ang pagdinig sa nararamdaman ng isang tao at pagrespeto sa kanilang opinyon. Bagamat naniniwala siyang malaking hakbang na ang pagbuo ng isang grupo, hamon rito ang pagsasabuhay sa bisyon upang tuluyan itong maging misyon.
Dagdag ni Tañada, “if you want to change society, if you want to be part of the society, you have to learn to accept that you have to be with a group that carries the same vision and principles. . .”
Ukol naman sa katagang “kabataan ang pag-asa ng bayan” ang naging usapan nina Luistro at Baguilat. Para kay Luistro, nakita niya ang naging bunga ng pagkakaisa ng kabataan sa dalawang pangyayari sa bansa. Ito ang pagsiklabo ng kabataan sa panawagang “No To Marcos Burial” at pagtutulungan ng kabataan sa community pantry. Panawagang climate action naman ang inihalimbawa ni Baguilat. Sambit niya, kultura, edukasyon, at kalikasan na ang mga adbokasiya ng kabataan sa kasalukuyan. Inilarawan niya bilang leading force ang kabataan.
Ibinatay naman nina Matula at de Leon sa istatistika ang kanilang kasagutan at ikatlong tanong. Para kay Matula, isang malaking insulto sa mga Pilipino kung ibabalik muli ang mga lider na magnanakaw sa Malacañang. Ayon kay de Leon, nasa 66 na abogado na ang pinatay nitong nakaraang taon at patuloy rin ang pagpapatahimik sa kabataan.
Idiniin ni de Leon na “the youth are being silenced. . . precisely because they are speaking up already against the incompetence of the government during the peak of the pandemic response. . . The Filipino people is not a people who chooses violence over and above anything else, the Filipino people wouldn’t want to tolerate lies, killings, and incompetence.”
Pagtugon sa mga hamon
Naniniwala naman si Matula na maaari pa ring makamit ng oposisyon ang pagkapanalo sa darating na eleksyon sa kabila ng mga suliraning kinahaharap nila. Ipinunto niya na malaki ang tungkuling pupunan ng lipunang sibil, simbahan, at mga kabataan sa pagtugon sa hamon ng halalan. “Ang mga bulto ng mga botanteng iyan ay makapaglilikha ng malaking pagbabago sa ating lipunan. Dapat ‘yang bulto na ‘yan ay makuha ng oposisyon,” ani Matula.
Ipinunto rin ni Tañada na kinakailangang mahimok ang masa na magkaisa tungo sa iisang adhikain. Aniya, “we may not have the resources. . . but we have the people with us. We just have to go and convince the people that this election means a lot to the future of our country.”
Nagbahagi rin ng mga suhestiyon ang mga tagapagsalita nang tanungin hinggil sa pagpapalawig ng voter turnout. Ayon kay Domingo, kinakailangang makabuo ng matibay at makabulahang relasyon katuwang ang mga botante upang patuloy na maikintal sa kanila ang kahalagahan ng bawat boto.
Para kay Luistro, hindi lamang dapat nakukulong sa pagiging aktibo sa social media ang pagsuporta kay Robredo. Kinakailangan itong makita sa labas upang mahikayat ang ibang botante na tumindig at magpakita ng suporta para sa naturang kandidato. “Kailangan nating bigyan ng boses at hayaang maghayag [ang mga botante] kung ano ang nasa puso nang hindi natatakot,” wika ni Luistro.
Iniugat naman ni de Leon ang kaniyang mga kasagutan sa mga prinsipyong natutuhan niya bilang isang Lasalyano. “We have to teach minds, touch hearts, and eventually transform lives. And I think that’s the best framework that we can use as Lasallians so that we can encourage people to get out and vote,” paglalahad ni de Leon.
Pinasadahan din nina Baguilat at Tañada ang katanungang nakatuon sa panghihikayat ng mga botante na makiisa sa oposisyon. Binigyang-halaga ni Baguilat ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor ng mga Pilipino upang malaman ang kanilang kalagayan. Mula rito, ipinunto niya na maaaring magamit ang kanilang mga natatanging karanasan at naratibo upang mailapit sila sa tunay na estado ng bansa.
Naniniwala naman si Tañada na kinakailangang laging tumalima sa katotohanan upang hindi ito matabunan ng kasinungalingan. Dagdag pa niya, “kailangang alam natin ang katotohanan. . . at doon natin mahihikayat ang mga kausap natin tungo sa tamang pagtingin sa ating lipunan.”
Sa huli, nagbahagi si Pangilinan ng kaniyang pangwakas na pananalita. Binalikan niya ang kaniyang karanasan bilang isang Lasalyano at kung paano siya nahubog nito bilang isang pinuno. “Magkalat ng pagmamahal hanggang maging lahat para sa tapat,” pagtatapos ni Pangilinan.