PATULOY NA NANGANGALAMPAG ang Kabataan Partylist para sa pagtaguyod ng kagyat na panawagan ng mga estudyante ngayong panahon ng krisis pangkalusugan at edukasyon sa isinagawang online press conference, Enero 17. Kasama ang iba’t ibang kinatawan mula sa ilang pamantasan sa bansa, ipinarating ng Kabataan Partylist ang mga resolusyong inihain ng partido sa Kongreso para sa huling sesyon bago ang isasagawang break dahil sa paparating na halalan.
Pinangunahan ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago ang press conference na nagbigay-daan para sa kaniya na ipinaliwanag ang nilalaman ng resolusyon na nakabatay sa resulta ng Konsultahan Kabataan. Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng inklusibo at makataong hakbang upang dagliang matulungan ang mga estudyante, guro, kawani, at magulang na lubos na naapektuhan ng bagyong Odette at COVID-19.
Bunsod nito, unang inihain ng partido ang panukalang End the Semester Now para sa mga kolehiyo at unibersidad na sinalanta ng bagyong Odette. Kaakibat nito, inihain din ang pagpapatupad ng No Fail Policy at No Forced Drop Policy na maglalaan ng sapat na panahon para sa mga mag-aaral na tapusin ang kanilang mga pang-akademikong gawain. Giit ni Elago, isinusulong ito hindi lamang para sa kapakanan, kaligtasan, at kalusugan ng mga estudyante, kundi pati rin para sa mga guro at kawani.
“[We need] maximum support and leniency, not just in students but also in teachers [and staff],” panawagan ni Elago.
Bukod sa mga nabanggit, isinusulong din ng partido ang Student and Teacher Aid Bill na matagal nang nakabinbin sa Kongreso at komprehensibong plano para sa rebuilding at rehabilitation, risk and reduction management, climate action, recovery at pandemic response. Kaisa rin ang Kabataan Partylist sa panawagan ng mga estudyante sa agarang pagdedeklara ng health break sa lahat ng institusyon sa bansa na nasa ilalim ng Alert Level 3.
Suporta mula sa sektor ng kabataan
Dumalo sa talakayan si Hazekiah Johann Cordeño, vice president for internals ng Cebu Doctors University at ibinunyag ang sitwasyon ng mga estudyante sa Cebu. Pagbabahagi niya, marami pa ring mga estudyante ang nakatira sa mga lugar na wala pang maayos na elektrisidad at sapat na suplay ng pangunahing pangangailangan ngunit hindi nabibigyan ng sapat na oras upang makabangon mula sa trahedya ng bagyong Odette dahil ipinagpatuloy pa rin umano ng mga unibersidad doon ang mga eksaminasyon at pagpapasa ng mga pang-akademikong gawain. Bunsod nito, tinawag ito ni Cordeño bilang mapang-aping polisiya ng mga pamantasan.
Inilahad din ni Cordeño na hindi nabibigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga mag-aaral na kumuha muli ng pagsusulit sa pagkakataong nawawalan sila ng internet. Sambit niya, “[This is a] poor example of admin action that should be lenient to students.”
Tumindig din kasama ni Cordeño si Jonas Angelo Abadilla, chairperson ng University Student Council (USC) ng University of the Philippines (UP) Diliman upang itaguyod ang student demands na iprinesenta ng Kabataan Partylist. Ayon kay Abadilla, dalawa sa mga panawagan ng USC ang End the Semester Now at magkaroon ng dalisay na academic easing at pagpapalawig ng mga deadline, lalo na sa mga estudyanteng naapektuhan ng bagyong Odette at mga mag-aaral na nagkakasakit.
Kinuwestyon din ni Abadilla ang administrasyon ng UP kung ano-ano ang mga dahilang pumipigil sa kanilang magsagawa ng mass promotion para sa mga iskolar ng bayan. Aniya, “how come we cannot mass promote and extend deadlines of requirements now when there are already [more than] 200,000 [active] cases [in the country], which has huge differences on the 2020 statistics before?”
Pagpapaalala niya, hindi ang administrasyon ang kalaban sa mga panawagang ito dahil pagtutulungan ng administrasyon at mga estudyante ang kailangan. Naniniwala siyang sa panahon ngayon, kinakailangan para sa lahat na maging mas mahabagin at maunawain.
Tunay na anyo ng mapang-abusong edukasyon
Inilantad naman ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) SKM Treasurer na si Anna Mutuc na nasa bingit ng hindi makataong moda ng pagkatuto ang mga estudyante matapos ipatupad ang Flexible Technology-Enhanced Learning ngayong may pandemya. Bagamat hangad na maihatid ang dekalidad na edukasyon, lumabas sa kanilang isinagawang pagtatasa na marami sa mga mag-aaral ng PUP ang patuloy na nahihirapang harapin ang magkakambal na krisis pangkalusugan at pinansyal. Dagdag niya, mas pinalala pa ito ng dagdag na problema sa pagkakaroon ng sariling gadyet at malabong panuntunan hinggil sa pagpapatupad ng online learning.
Hindi rin nakatakas ang Pamantasan sa sunod-sunod na pagkaltas ng pondo matapos mabawasan ng Php59 milyon ngayong taon. Bunsod nito, kinuwestyon ni Mutuc ang posibilidad na makabalik muli ang mga estudyante sa paaralan nang ligtas at matanggap ang edukasyong kanilang dapat tinatamasa ngayong nabawasan ang pondo para sa kinakailangang utilities at facilities.
Binigyang-diin din ni Mutuc ang patuloy na paglalaan ng malaking pondo sa NTF-ELCAC sa kabila ng pagpapalaganap ng pasistang ahensya dahil sa red-tagging at terror-tagging, hindi lamang sa PUP bagkus pati rin sa iba pang komunidad. Sa panahong walang katiyakan higit na kinakailangang bigyang-priyoridad ang kapakanan ng mga bulnerableng sektor, tulad ng kabataan, kaysa pangalagaan ang interes ng mga naghaharing-uri. Aniya, “naninindigan po tayo na sa panahon ng pandemya kinakailangang siguraduhin na ligtas at buhay ang mga estudyante bago natin ilarga at iratsada ‘yung mga political interest. . . dahil hindi lamang PUP ang nakararanas ng ganitong klaseng kahirapan kundi ‘yung buong sektor ng kabataan na naiipit doon sa politikal, doon sa ekonomikal, at pangkalusugang klima ng buong bansa.”
Gayunpaman, hindi lamang mga nasa kolehiyo ang lubusang naapektuhan ng kasalukuyang krisis sapagkat isiniwalat din ni Khalil Catalan, kinatawan ng Rice for Education High School, na mabigat na pasanin ang magkasabay na gawain at synchronous sessions sa mga estudyanteng nasa sekondarya. Kaugnay nito, naniniwala siyang nararapat na mabigyang-espasyo ang mga mag-aaral na maging bahagi ng pagdedesisyon at mga konsultasyon ukol sa pagpapabuti sa paraan ng kanilang pagkatuto.
Dagdag pa ni Catalan, napakahalaga na mabigyan ng health break at extension sa deadlines ng mga gawaing pang-akademiko ang mga mag-aaral sapagkat hindi dapat kinakailangang alalahanin ang mga rekisito habang may iniindang sakit at tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19. Higit sa pagbibigay ng sapat na pahinga ang pagsusulong para sa tunay na ligtas na pagbabalik eskwela. Aniya, kaakibat ng ligtas na pagbabalik ang pagkakaroon ng malinaw at komprehensibong plano na magbibigay-pokus din sa totoong pangangailangan ng mga mag-aaral upang masiguro ang kaligtasan habang tinatamasa ang karapatan sa edukasyon.
Higit sa ilang araw na pahinga, pagpapagaan sa mga gawain, at karagdagang araw para sa pagsasagawa ng mga rekisito ang panawagan ng mga mag-aaral, kinakalampag din nila ang administrasyon at mga pamantasan para magkaroon polisiya at kondisyong makatutugon upang makalikha ng mga estudyanteng huhulma sa magandang kinabukasan ng bansa. Sa huli, hindi sila bahagi ng isang makinaryang patuloy na tatakbo para sa isang mapang-abusong sistema ng edukasyon. Nararapat silang mabigyan ng edukasyong hindi mapagsamantala at lumilikha lamang ng pagod bagkus isang edukasyong makatao at maghuhubog sa kanilang maglingkod sa lipunan.