Mapagpatawad pa ang karagatan ng buhay noon: kalmado lamang itong tumutugon sa mabagal nating paglangoy. Ngunit ngayon, tila natuto na ang dagat na makipag-unahan sa mga kamay ng orasan at ipagkibit-balikat ang mga maaaring nakararamdam na ng pulikat. Kakabit ng lahat ng naging pagbabago, nariyan pa rin sina lolo’t lolang sinisikap makasabay sa mabilis na pag-agos ng buhay.
Hindi naman sikreto na noong bata pa sina lolo, tilaok ng mga manok ang nanggigising sa umaga. Boses naman ng Nanay ang nangingibabaw sa hapagkainan. Minsan galit ang tono nito dahil alas dyis na bumangon ang mga anak, ngunit nananatili itong malumanay sapagkat ang mahalaga, magkakasamang mag-aalmusal ang buong pamilya. Pagpatak naman ng alas tres ng hapon, maririnig na ang halakhak ng mga bata habang naglalaro ng tumbang preso.
Ngunit sa paglipas ng panahon, sa alarm na lamang ng selpon tayo naaalimpungatan. Hindi na nagagawang magalit ni Nanay dahil kailangan niya rin munang magbasa ng mga email upang simulan ang kaniyang araw. Hindi na alintana ang hindi sabay-sabay na pag-aalmusal sapagkat baka may proyekto pa si bunso na dapat tapusin o marahil nanonood pa siya sa Netflix kaya’t hindi muna kakain. Wala na sa kalsada ang saya; bagkus, matatagpuan na sa loob ng apat na sulok ng tahanan, kaharap ng ating mga laptop at selpon.
Pagsabay sa daloy ng panahon
Sa lawak ng karagatan, hindi maikakailang madaling matangay sa malalakas na alon ang mga nakatatanda. Patuloy itong nagsisilbing paalala na ang bawat paghampas nito, siya ring pag-ikot ng mundo. Tiyak na iba’t ibang karanasan ang nag-aabang sa mahabang paglalakbay ng kabataan, at habang papalapit sila sa kanilang pinaroroonan, doon lamang nila maiintindihan na tanging pagbabago lamang ang hindi nagbabago. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Virgilio Robles Jr., ibinahagi niya ang kaniyang karanasan sa paggamit ng makabagong teknolohiya ngayong sumapit na ang dapithapon sa kaniyang buhay.
Hindi maitatanggi ang magandang dulot ng teknolohiya sa ating buhay, kaya ito ang madalas nating kasa-kasama sa ating pakikipagsapalaran. Bunsod ng malaking pangangailangan dito, matulin ang paglinang sa mga umuusbong na makabagong teknolohiya — kaya naman mayroon at mayroong napag-iiwanan. Bagamat 60 taong gulang na, sinisigurado ni Robles na nakasasabay siya sa agos ng makabagong panahon sa kadahilanang mabisa ito sa kaniyang trabaho bilang Provincial Sheriff, tulad na lamang sa paggawa ng buwanang ulat sa trabaho. Bilang kawani ng pampublikong serbisyo, mayroon siyang kagustuhang mapaunlad ang kaniyang kaalaman upang makapaghatid ng mas magandang serbisyo para sa bayan. Ani Robles, “Kusa kong pinagsumikapang aralin ang paggamit nito at kung hindi ay mapag-iiwanan ako at magmumukhang mangmang.” Dagdag pa rito, sa panahon ng pandemya, maraming pag-aalala ang umaaligid sa ating isipan ukol sa kalagayan ng ating mga minamahal. Para kay Robles, malayo ang kaniyang mga kamag-anak, at tanging sa pagtawag lamang niya sila maaaninag kaya naman nagpupursigi siyang aralin ito kahit pa malaking hamon ito para sa kaniya.
Marahil dahil na rin sa katandaan, maraming kaakibat na pagsubok ang kaniyang pagsusumikap na aralin ang paggamit sa makabagong teknolohiya. “Yung matagal na nakababad ang mata ko sa gadyet . . . lalong nakapagpapalabo ng aking paningin at nakasasakit ng ulo. Ang matagalang pag-upo upang gamitin ang mga ito ay mahirap din,” pagbabahagi niya. Gayunpaman, handa siyang hamakin ang mga balakid sa kaniyang pagkatuto dahil naniniwala siyang ito ang susi sa pag-ahon mula sa nakalulunod na bakas ng teknolohiyang kaniyang kinalakhan.
Pagsagwan tungo sa dapithapon
Hirap makasabay sa bawat lagaslas ng pag-agos ng panahon ang mga nakatatanda. Tila isang ilog na rumaragasa nang walang tigil ang pagdating ng mga modernong kagamitan kaya’t wala silang ibang magagawa kundi ang magpatangay. Kahanga-hangang nakakayanan nilang hindi mawala sa kamalayan sa ibabaw ng dagat-dagatang teknolohiya.
Pasiguro ni Robles, mayroon siyang IT Staff sa kaniyang opisina na handang umalalay sa kaniyang pagsabak sa paggamit sa teknolohiya. Sa bahay naman, hindi niya maipagkakaila ang pagiging bihasa ng kaniyang anak pagdating sa mga modernong teknolohiya dahil napapansin niyang hindi na sila natutulog sa tamang oras kalalaro ng mobile games, kaya pinangalanan niya sila bilang mga pangunahin niyang kaagapay. Kaugnay nito, inalala niya ang kanilang tagubilin na “. . . Katulad raw yan [ang paggamit ng teknolohiya] sa pag-aaral ng pagsakay ng bisikleta. Hindi raw ako matututo kung hindi ko gagamitin.” Bukod sa kaniyang IT staff at mga anak, nakatulong din umano ang kaniyang pananalangin sa Poong Maykapal upang magabayan siya sa kaniyang pag-aaral sa paggamit ng makabagong teknolohiya.
Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, pinagkompara niya ang mga kagamitan mula sa kaniyang kapanahunan at sa kasalukuyan. Pagbibigay-halimbawa niya, sa kanilang opisina noon, “ang ginagamit sa pag-encode ay makinilya na isang napakahirap gawin sapagkat pag nagkamali ka ay kailangan mo pang mano-manong burahin o ulitin ang buong pahina,” kompara sa ngayon na “mas maginhawa na gamitin ang kompyuter or ipad sapagkat nadadala ito kahit saan.” Ngunit, kinakitaan rin niya ito ng negatibong dulot sa kaniyang serbisyo dahil sa kaniyang karanasan sa pagtatrabaho sa korte. Aniya, nagagamit ang teknolohiya bilang sandata sa paggawa ng krimen hanggang sa pagtakas sa kanilang pananagutan sa pamamagitan ng falsification of documents, tampering of evidences, pati na rin sa mga paglabag ng cybercrime law.
Pahalagahan ang hinog na araw
Kahit na pinaghihiwalay at pinagigitnaan tayo ng mga baybaying karagatan, hindi na balakid ang mga ito sa mata ng makabagong teknolohiya. Sa kabila ng nakapanlulumong distansya at mahigpit na iskedyul, ang pagkatutong gumamit ng mga gadyet ang pinakamainam at pinakaligtas na paraan upang magpatuloy pa rin ang ating pakikipag-ugnayan kina lolo’t lola. Lagi man tayong hinahamong turuan silang makilala at masanay na kalikutin ang mga ito, huwag hayaang manaig ang ating pagkayamot at pagkabugnot. Labis na nakasasakit sa kanilang maramdamin nang mga puso ang pakitunguhan sila sa paraang nagmimistulang hindi sila nararapat sa ating mahahalagang oras.
Maaari namang magsimula sa magaang gawain—turuang magpadala ng text o ng mga larawan nila—at pagsikapan na lamang sumulong paitaas hanggang sa matuto silang makipag-usap nang nakikita ang isa’t isa gamit ang kanilang mga gadyet. Sa katunayan, makabuluhan ang pagmamalasakit at pagmamahal na ipinararamdam sa kanila dahil ang bawat saglit na inilalaan natin para maturuan at makasama sila ang higit na nakatataba sa kanilang sabik na damdamin at nagbibigay-layon sa kanilang pagkakaroon bilang mga lolo’t lola natin.
Mapansin natin nawa na sa bawat paglubog ng araw, mayroon tayong natatanging yaman—ang ating mga lolo’t lola—na kinakailangan palagiang pinangangalagaan. Sakaling manumbalik ang malinis na simoy ng hangin, yakapin natin sila na parang pagyapos ng malahiningang tubig sa mabuhanging dalampasigan, habang pinahihintulutan ang mga sarili na malunod sa kanilang mapagpatahang mga haplos. Nahihirapan man silang languyin ang mapangahas na karagatan, ‘di ibig sabihin nitong hahayaan na lamang natin silang pagtagumpayan ito nang mag-isa. Ngayon, higit kailanman, ang pinakamainam na panahon upang samahan silang makipagsapalaran at sisirin muli ang kailaliman nang walang pasubaling pagmamahalan.