Saksi ang karagatan sa pagkakaiba ng mga kuwento ng pag-usbong ng mga taong tinatawag nating ‘maganda’ at ‘malakas’. Matatagpuan dito ang iba’t ibang kuwento ng pag-ahon: mas mababagsik na alon, nanununog na araw, malalakas na hangin, at mas malalim na tubig ang kailangang suungin ng mga ‘maganda’ upang mabigyan sila ng oportunidad na kinalaunang magbibigay-daan sa kanilang pag-angat. Kinakailangang harapin ng kababaihan ang iba’t ibang balakid bago marating ang dalampasigan ng tagumpay.
Karera o pamilya sa baskula
Bago sumabak sa mga hamon ng piniling karera, unang gampanin ng ilan sa kababaihang nagsusumikap sa trabaho ang maging ilaw ng tahanan – ang responsibilidad na pinaglalaanan ng higit pa sa dobleng atensyon nang walang hinihinging kapalit o pasahod.
Isa si Cecilia Carandang, 55 taong gulang, sa libo-libong kababaihan na binabalanse ang pagiging ina at empleyado. Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, isinalaysay ni Carandang na bilang isang Accounting Manager at ina ng isang Grade 10 at Grade 12 na estudyante, hindi maiiwasang magkaroon ng mga work-life conflict. Isinalaysay niyang may mga pagkakataong nahihirapan siyang pagkasyahin ang kaniyang oras tuwing nagsasabay ang mga pagpupulong sa paaralan ng kaniyang mga anak at ang kaniyang mga deadline sa trabaho.
Buong pagmamalaking ibinahagi ni Carandang na nababalanse niya ang pagiging hands-on na ina at pagiging mahusay na empleyado sa kabila ng kaniyang punong iskedyul. Malaking tulong dito ang pagkakaroon niya ng mga kaibigang working mom din at ang kaniyang pagsali sa mga asosasyong nag-uudyok sa kaniyang manatiling positibo at determinado sa trabaho.
Samantala, ang kaniyang pamilya naman ang pinakauna niyang inspirasyon upang magsumikap at bumangon sa araw-araw. Aniya, dito siya kumukuha ng lakas upang pagbutihin ang pagtatrabaho. Dakila kung ituring ang mga inang nagpupunyagi’t kumakawala sa mga dagok ng buhay.
Pagtahak ng taib
Samu’t-saring balakid ang nagpapatagal sa pagkamit ng tagumpay ng kababaihan. Sa lipunang natututo pa lamang na sanggain ang marahas na indayog ng patriyarka, tila malalim na taib ang tinatahak ng kababaihan sa iba’t ibang larangang propesyonal.
Malimit na nasisilayan ni Carandang ang presensya ng kalalakihang namumuno sa mga kompanyang kaniyang pinagtatrabahuan. Mayroon umanong likas na balakid na binibigyang-pansin ang kalakasan ng mga lalaki, habang binibigyang-diin naman ang sinasabing kahinaan ng mga babae. Halimbawa, hindi umano tumataas ang posisyon ng mga babae sa male-dominated na kompanyang pinasukan ni Carandang dahil sa mga sinasabing pagkukulang nila. Kuwento niya, “Sinasabi ng iba, ay pag babae may maternity leave, maraming excuse, merong mens[truation], madaling mapagod . . . hindi siya strong sa kaniyang mga desisyon, hindi siya makikita na pursigido sa kaniyang ambisyon, unlike sa lalaki . . . Parang nakikita nila na mahina ang babae sa paglalaban, na minsan umiiyak ang mga babae.”
Isinalaysay rin ni Carandang na ayon sa kaniyang karanasan, mahirap basagin ang kisameng nagtatakda ng kayang marating ng kababaihan dahil kadalasang hawak ito ng mga lalaki sa isang male-dominated na kompanya. Paglalahad niya, “Kapag babae naman ang nasa taas, hindi masyadong mahigpit ang balakid. Pero ‘pag lalaki, mararamdaman mo ‘yung balakid . . . Gusto nila lalaki ang nasa matataas na posisyon . . . dahil sila ang may strong personality na kailangan sa mga problemadong sitwasyon.”
Maliban sa kaniyang pagkababae, edad din ang nagpabagal sa pagkamit ng promosyon ni Carandang. Batay sa karanasan niya, isinalaysay niyang, “Since bata pa ako at babae, parang hindi masyadong mabilis ang pagtaas mo.” Aniya, repleksyon ng pagkabihasa sa isang larangan ang edad. Upang mapunan ang kakulangan nito, inilahad ni Carandang na kinakailangang lumago pa ang kakayahan ng isang empleyado sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iba’t ibang karanasan sa trabaho, na kinalaunang magbibigay-daan sa pag-angat o promosyon— lalo na sa mga katulad niyang babaeng empleyado.
Kuwento ng pag-angat
Para kay Carandang at iba pang kababaihang kasama niya, posibleng umangat ang mga babae sa kabila ng mga bagay na kailangan nilang sisirin. Sigasig, determinasyon, at inspirasyong galing sa pamilya ang nagtutulak sa kaniya upang patuloy na matuto, makilala, at umangat. Bagamat nakaranas siya ng pagiging bahagi ng isang institusyong binuno at pinagtitibay ng kalalakihan, ang kaniyang pagiging malakas ang nagtulak sa kaniya upang pabagsakin ang matataas na pader na balakid sa kaniyang tenureship.
Hindi rin niya binigyan ng lugar ang mga salitang nagsasabing mahina ang kanilang emosyonal na kapasidad para harapin ang mga problema sa trabaho. Patuloy pa ring sinisisid ni Carandang ang mga oportunidad na sinabi ng ibang hindi niya kayang marating, habang nagsisilbing ilaw ng kanilang tahanan. Pananatiling malakas, pagtanggap ng tulong mula sa mga kapwa babae, at pagmamahal galing sa pamilya ang naging daan niya upang sikaping umangat sa karagatang karaniwang minamando ng kalalakihan.